Chapter 2

232 31 85
                                    

Lunes. Tahimik akong nagbabasa ng mga latest na showbiz chismis ng biglang...

"Nick!!!"

Nagulat ako sa sigaw ni Sir Paul. Napatayo ako sa aking upuan at napatingin sa kanyang opisina.

"Nick, puntahan mo," pabulong na sabi ni Layla.

Anong kasalanan ko? Bakit siya galit? Inisip ko lahat ng assignment ko for the past week at hindi ko mawari kung saan ako nagkamali.

Pagdating ko sa pinto ng kanyang opisina ay dahan-dahan ako sumilip sa nakabukas na pinto, "Sir?"

Dinampot nito ang isang tabloid sa kanyang table at padabog na inilapag, "Nabasa mo ba ito? Bakit wala 'yan sa isinulat mong article?" Ramdam ko ang inis sa bawat binibitawang salita ni Sir Paul.

Lumapit ako upang makita ang pinapakita niya. Lloyd Martinez tinanong si Anna Reyes kung puwede siyang manligaw.

Binasa ko pa ang laman ng showbiz column.

"Sinabi daw niya 'yan sa harap ng showbiz press noong presscon ng Just the Two of Us!" Madiin na sabi ni Sir Paul.

Napalunok ako at napatingin sa kanya. Hindi ko alam ang sasabihin dahil wala akong narinig. Sigurado akong wala dahil ni-record ko ang buong press conference.

"Umalis ka sa harapan ko! Paano tayo na-scoopan eh pinag-attend kita, Nick?" Disappointed n'yang sabi. "Alis!!!"

Napatayo ako sa muling pagsigaw ni Sir Paul, napayuko ako at ang nasabi ko na lang, "Sorry po."

Malalaki ang hakbang ko palabas ng opisina niya. Pag-angat ng ulo ko ay nakita ko ang mga kaopisina namin na nakatayo lahat at nakatingin sa akin. Hindi ko alam ang sasabihin. Ramdam ko ang init sa buo kong mukha at hindi ko napigilan ang mga luha ko sa pagpatak. Nakahihiya. Rinig ng buong opisina ang sigaw ni Sir Paul sa akin.

Dali-dali ang paghakbang ko palabas ng opisina namin, hindi ko alam kung saan ako magtatago. Ang alam ko lamang ay napakabigat ng dibdib ko. Nakita ko ang fire exit at dinala ako ng mga paa ko doon. Naupo ako sa hagdan at iniiyak ang lahat.

Siguro pinagtatawanan ako ng mga kaopisina ko, siguro naisip nila na hindi ko talaga deserve ang posisyon na ito. Pagpasok ko pa lang sa kumpanyang ito ay kinukwestyon na ng ilan na bakit ako ang napiling maging Associate Editor. Dahil daw 22 years old lang ako at first time ko magtrabaho sa isang magazine.

"Nandiyan ka pala."

Napalingon ako nang bahagya sa boses ng isang lalaki. Hindi ko napansin na bumukas ang pinto ng fire exit.

"Kanina ka pa nila hinahanap," sambit nito at saka naupo sa tabi ko.

"Hindi ko alam paano babalik doon. Nakahihiya," mahina kong sagot.

"Nick, normal lang naman sa work ang napagagalitan," malumanay nitong sabi.

Hindi ko magawang lingunin nang husto ang lalaki. Alam kong mugto na ang mga mata ko at siguradong pulang-pula na ang ilong ko. Baka pagtawanan niya lang ako.

"Tama na 'yang iyak mo. Punasan mo na 'yang mga luha mo," sabay abot nito ng kanyang panyo.

Tiningnan ko lang ang panyong iniaabot nya sa akin. Nahihiya ako na kunin ito.

"Malinis yan at mabango, baka sabihin mo..."

Agad kong kinuha ang panyo sa kamay n'ya, baka masabihan pa ako na maarte.

"Thank you...," natahimik ako, ano na nga ba ang pangalan niya?

"Marco. I am Marco De Guzman," sabay lahad nito ng kanyang kamay para makipagkamay.

Twenty Reasons To Unlove YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon