Chapter 44

49 11 8
                                    

Nilingon ko si Chester sa aking tabi na mukhang nakatulog na. Mula kanina nang mag-takeoff ang eroplano hanggang ngayon ay hawak pa rin niya ang kamay ko at nagsimula na itong mangalay. Bahagya kong iniinat ang aking mga daliri upang maibsan ang nagsisimulang pamamanhid nito. May kung anong kakaibang saya ang naramdaman ko sa aking puso nang makita ang engagement ring sa aking daliri. Hanggang ngayon may takot pa rin sa heights si Chester kaya nagtataka ako na nagawa niya akong dalhin sa matatarik at matataas na lugar para lamang mag-propose. Hindi ko inaasahan na magdadalawang taon pa lamang kaming magkasintahan pero gusto na niyang lumagay sa tahimik sa buhay at higit sa lahat, ako ang gusto niyang makasama.

Hapon na nang dumating kami sa NAIA at kahit na holiday ngayon, marami pa ring sasakyan sa EDSA at sobra pa rin ang traffic. Dahil pasado ala sais na kami nakarating sa Quezon City, sinabihan ni Chester ang driver na idaan muna sa Maginhawa.

"Magdinner na muna tayo para pagdating natin, puwede na magpahinga," bulong nito sa akin at saka humalik pa sa aking sentido.

Sa isang Filipino Restaurant niya ako dinala at nagulat ako na ang in-order niya ay pakbet at crispy pata.

"Na-miss mo ang Filipino Food?" natatawa kong tanong.

"Medyo," anito sabay akbay sa akin.

Habang hinihintay ang pagkain ay nagtext ako kay mommy na nasa Quezon City na kami upang hindi ito mag-alala. Hindi na siya pinayagan nila ate na umuwi sa bahay at hiniling na doon na rin mag-New Year sa kanila. Tumanggi naman akong sumunod dahil anniversary namin iyon ni Chester at siguradong gusto niya na magkasama kami.

Habang kumakain, nag-ring ang telepono ni Chester. Agad naman niya itong sinagot nang makita ang pangalan ni Mama Bles. Masaya niyang sinagot ang tawag at sinabing kumakain kami, napansin ko na biglang sumeryoso ang mukha ng lalaki at saka ito nagpaalam sa kanyang ina.

Napatingin ako sa kanya. Naintindihan naman niya ang aking tingin. "Tinanong lang ni Mama kung nakarating na tayo."

Matapos kumain ay umuwi na rin kami agad. Pagdating namin sa bahay, napansin ko ang isang SUV sa labas ng bahay nila Chester. Baka may bisita sila Papa Charlie. Tinulungan ako ni Chester na iakyat ang mga bagahe ko.

"Mahal, uuwi muna ako para maligo pero dito ako matutulog, ha?"

"Sige. Maliligo din muna ako."

Pinatakan ni Chester ng mabilis na halik ang noo ko at saka lumabas na ng aking kwarto.

Naupo ako sandali sa upuan at saka binuksan ang aking bagahe. Nakita ko ang mga binili naming pasalubong.

"Dalhin ko muna siguro ang mga pasalubong ko kina Papa Charlie at Mama Bles. Sigurado akong excited si Mama malaman ang tungkol sa proposal."

Agad akong tumayo at kinuha ang paperbag na naglalaman ng pasalubong. Pagdating ko kina Chester, naroon pa rin ang SUV sa labas ng bahay nila. Marahan akong kumatok sa pinto ngunit walang sumagot. Sinubukan kong pihitin ang pinto, bukas naman kaya pumasok na ako. Narinig ko na may mga boses sa dining area kaya dumiretso ako roon.

"Mula nang magsimulang lumaki ang tiyan ng anak ko, hindi na siya makalabas ng bahay."

Napahinto ako sa paglalakad nang marinig ko ang boses ng isang babae.

"Pare, kailangan pakasalan ng anak mo ang anak ko," sabi pa ng isang lalaki.

Bigla akong kinabahan. Sino ang malaki ang tiyan? Sino ang magpapakasal?

"Bakit ko pakakasalan ang anak ninyo? Ilang beses ko ba sasabihin na hindi ako ang ama ng ipinagbubuntis niya?" galit ang boses ni Chester.

Mas lumakas ang dagundong sa dibdib ko.

Twenty Reasons To Unlove YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon