Chapter 55

41 12 6
                                    

Matapos kong paliguan at bihisan si Nikolai, ako naman ang pumasok sa banyo upang maligo. Parating na si Marco galing ng Amerika at miss na miss na siya ng anak ko kahit pa araw-araw naman silang nag-uusap sa video call bago matulog. Mabilis ako nagkuskos at nagsabon ng katawan, isinunod ko ang shampoo at saka nagbanlaw sa maligamgam na tubig ng shower. Hindi ako makapagtagal sa banyo dahil nag-day off si Ate Lydia at baka kung anu-ano na ang naisipang laruin ng anak ko na laging curious sa lahat ng bagay.

Paglabas ko ng banyo ay narinig kong parang may kausap si Nikolai sa sala kaya mabilis akong kumuha ng underwear, denim shorts at itim na spaghetti strap top. Piniga ko lang sa tuwalya ang basa kong buhok at saka mabilis na nagbihis. Baka nariyan na si Marco. Sanay naman na ang lalaki sa mga damit kong pambahay at mukha kong walang make-up kaya lumabas na rin ako agad ng kuwarto.

Natigilan ako nang makitang nakaupo sa couch si Chester kalong ang anak ko. Hawak ni Chester ang isang eroplanong laruan habang may kung anong ibinubulong kay Nikolai habang ang huli ay humahagikgik naman. May kung anong init ang humaplos sa aking puso, napakasaya nilang panooring mag-ama na naglalaro sa sala. Kung hindi kami ginulo ni Tanya noon, napaka-perpekto sana ng natutunghayan kong eksena ngayon. Isang luha ang bumagsak sa aking pisngi na agad kong pinunasan.

Seryoso akong lumapit sa dalawa. Nang makita ako ni Nikolai, isang masayang ngiti ang ibinungad niya sa akin.

"Mama!"

Nakita ko na natigilan si Chester bago ito dahan-dahang lumingon sa akin. Bumaba sa kandungan ng lalaki ang aking anak at saka nagtatakbo papalapit sa akin.

"I want you to meet my friend," inosenteng sabi nito sabay hila sa aking kamay.

"Bakit ka narito?" Pigil inis kong tanong kay Chester.

Magsasalita sana si Chester ngunit inunahan siya ni Nikolai. "I let him in because he's my friend."

Napalingon ako kay Nikolai at kumunot ang noo. "Friend? Since when you became friends with this man?"

Nakita ko ang takot sa mukha ni Nikolai sa aking reaksiyon dahil lagi ko siyang binibilinan na huwag makikipag-usap sa mga taong hindi niya kilala, ngunit sinagot pa rin nito ang aking tanong. "He's the friend I met at the playground near Grandma's house, Mama."

Napataas ang kilay ko. Si Chester ba ang sinasabi niyang kaibigan niya sa playground sa subdivision? Sinadya ba niyang kaibiganin ang aking anak? Pinilit kong kalmahin ang aking emosyon.

"Nikolai, can you play inside your room? I will talk to your friend," seryoso kong sagot na sa tingin ko ay naramdaman agad ng anak ko na hindi ako masaya dahil ipinagdiinan ko ang salitang friend.

Sumimangot ang bata at saka yumuko. Nilapitan ito ni Chester at iniabot ang hawak niyang laruan at saka may ibinulong sa kanya. Tumango naman ang anak ko at tahimik na naglakad patungo sa kanyang kuwarto. Lalong tumaas ang kilay ko. Anong mahika ang ginawa ng lalaking ito para mapasunod ng ganito sa kanya ang anak ko?

Nang lumapat ang pinto sa kuwarto ni Nikolai, agad kong hinarap ang lalaki. "Paano mo nalaman ang bahay namin?"

Isang malalim na buntong hininga ang pinawalan ni Chester at saka nilagay ang isang kamay sa kanyang bulsa bago ako tinitigan sa mata. "Let's talk, Elle."

Nanatili ako sa aking kinatatayuan. "Tungkol?"

"Sa lahat. Sa atin.... Anong nangyari, Elle?" kunot-noong tanong ni Chester.

Gumuhit ang sakit sa kanyang mga mata dahilan upang maramdaman ko na para bang may nakatarak sa aking dibdib at tumagos iyon sa aking puso. Pero bakit ako ang tinatanong niya?

"B-baka dapat ang tanong, anong meron si Tanya? Bakit laging siya ang pinipili mo?" bahagyang gumaralgal ang boses ko.

Humawak si Chester sa kanyang ulo na tila lalong naguluhan sa aking tanong. "I don't understand, Elle. I know ilang ulit kitang nasaktan pero alam mong ikaw ang gusto kong makasama habang buhay. Ikaw ang gusto kong pakasalan!"

Twenty Reasons To Unlove YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon