Chapter 42

55 13 7
                                    

Hindi ko na mabilang kung ilang ulit ko na sinisipat ang orasan dito sa sala, 7:30 na pero wala pa rin si Chester. Kanina ko pa siya tinatawagan ngunit ring lang nang ring ang kanyang cellphone. Ngayon lang nangyari ito.

"Hindi pa rin ba sumasagot sa mga tawag mo?" nag-aalalang tanong ni mommy.

"Hindi pa rin po." Aburido kong sagot at saka muling pinindot ang green button sa aking cellphone para tawagan siya. Sobra na akong nag-aalala. Eh kung tawagan ko na kaya ang security ng condominium para katukin nila si Chester? Hinanap ko sa internet ang pangalan ng condo ni Chester para matawagan ang front desk habang patuloy sa pag-ring ang telepono nito sa kabilang linya.

"Hello." Paos ang boses ni Chester at halatang kagigising lang.

"Chester! May nangyari ba sa iyo?" nag-aalala kong tanong.

"Uhh, anong oras na ba?"

"Mag- eight na. May sakit ka ba?"

"O-okay lang ako. Sorry, late ka na." Tila inaantok pa rin ang boses ni Chester.

"Papasok ka ba ngayon? Magkita na lang tayo mamayang lunch."

"Sige." Iyon lang at naputol na ang linya. Agad akong nagbook ng grab para makapasok na.

Pagdating ng 11:30am, nagpaalam akong magla-lunch out kay Layla para makasabay kumain si Chester.

"Kaninang umaga lang kayo hindi nagkita, miss mo na agad?" Pang-aasar na sabi ni Layla.

"Hindi naman, slight lang."

Nag-aalala ako kay Chester, ngayon lang siya tinanghali ng gising na alam niyang may pasok kami kaya gusto ko siyang makita at makausap. Hindi na ako nagtext sa lalaki at dumiretso na ako sa opisina niya. Masigla akong binati ng receptionist sa floor nila. Pagpasok ko sa glass door, narinig ko ang pagsigaw ni Chester mula sa kanyang opisina.

"Anong klaseng proposal ito?? Get out of my office!"

Napakunot ang noo ko. Mabilis akong naglakad patungo sa kanya. Nakasalubong ko ang empleyadong pinalabas niya kanina at nakayuko lamang ito sa sobrang kahihiyan na inabot. Nakita ko ang kanyang EA na nakayuko sa harap ng kanyang desktop.

"Anong nangyayari? Bakit sumisigaw si Chester?" Pabulong kong tanong.

Halos maiyak naman ito nang makita ako. "Ms. Elle, hindi namin alam. One week nang ganyan si CAS. Kahit maliit na bagay ikinagagalit. Hindi naman siya ganyan dati."

Pareho kaming nagulat ng EA ni Chester ng muli itong sumigaw para tawagin ang kausap ko.

"Issa!!"

Nakatayo ito sa kanyang pinto at binabasa ang hawak na dokumento kaya hindi nito nakita na naroon ako.

"Ilang ulit ko sasabihin na Arial ang gamitin mong font sa sulat at hindi Ca..." natahimik si Chester nang makita ako. At agad bumaba ang kanina'y mataas niyang boses, "Calibri."

Agad napatayo ang babae sa harap ko at agad lumapit kay Chester. "Sorry, Sir. Palitan ko na lang."

Pagkaabot ng papel kay Issa pumasok na sa loob si Chester na sinundan ko. Isinara ko ang blinds sa glass wall upang hindi kami pagpiyestahan ng mga empleyado.

"Bakit mainit ang ulo mo?" Mahinahon kong tanong.

"Sorry. Marami lang akong iniisip." Hindi makatingin sa akin si Chester.

"Dapat yata sa kanila ka nagso-sorry at hindi sa akin."

Binalikan niya ako ng tingin at saka tumango. Dinampot nito ang kanyang cellphone sa mesa at saka lumapit sa akin. Niyakap niya ako nang napakahigpit at saka pinatakan ng halik sa noo. "Tara, mag-lunch na tayo."

Twenty Reasons To Unlove YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon