Two

5.8K 144 29
                                    

AJ

Unang beses na nakita kong ganito kaputla ang mukha ni Kuya Kiel, pinakita ko sa kanya yung panty ko.

Habang binabalikan ko yung memorya, hindi ko mapigilang matawa. Labindalawang taong gulang ako noon at pinipigilan ko ang umiyak kasi sinabi ko kay Kuya na mamamatay na ata ako. Ang dami kasing dugo tapos hindi ko alam kung ano yung sakit ko. Pinakita ko kay Kuya at sinabihan ko siyang mahal ko sila ni Kuya Migs at Itay. Ibinilin ko na lahat ng dapat ibilin samantalang siya namumutla lang na nakatingin sakin.

"AJ..." pagtawag niya, inunahan ako sa pag-iyak.

Sakto namang pumasok ng bahay si Kuya Migs at lumapit sa amin. "Huy, bakit ka umiiyak?" tanong niya kay Kuya Kiel.

"Si AJ, mamamatay na." Inangat niya yung kamay ko na may hawak na panty.

Nakita ko ang pagkagulat sa mukha ni Kuya Migs. Hinihintay kong gayahin niya si Kuya Kiel at umiyak pero tumawa lang siya.

Nagpunas ng ilong si Kuya Kiel. "Ang bastos mo naman, Kuya. Mamamatay na nga yung tao, tinawanan mo pa!"

"Magpunas ka nga ng uhog mo, Kiel. Hindi mamamatay si AJ. Nagdalaga lang siya," paliwanag ni Kuya. Hinigit niya ang braso ko at pinapasok ako sa CR. "Maglinis ka muna ng katawan. Tatawagin ko lang ang Kakang Bestra para maturuan ka kung anong gagawin."

Nakahinga ako nang maluwag dahil sa pagsisiguro ni Kuya Migs. Sa aming tatlo kasi, siya yung responsable. Lahat ng suliranin ay may kasagutan siya. Kung hindi niya kaagad magawan ng paraan, lagi niyang sinisigurong siya na ang bahala para hindi na kami mag-alala. Siya ang pinakasuporta namin ni Kuya Kiel sa lahat ng bagay. Kaya nga ang taas talaga ng respeto ko kay Kuya Migs.

Sinundan kami ni Kuya Kiel. Doon siya pumwesto sa may pintuan ng banyo. "Anong sinabi mo, Kuya? Si AJ, nagdadalaga? Himala na 'yon ah! Patayo pa nga ring umiihi yan eh!"

Napikon ako sa tinutukoy niya. Isang beses lang nangyari pero habambuhay na pinang-aasar sakin ng lokong 'to. Tinulak ko siya palabas. "'Wag kang makialam, uhugin!" Tapos dumila ako, nang-aasar.

Nanlisik ang mata niya. Lalapit na dapat siya at hula ko'y hahamunin ako sa pag-wrestling pero pinigilan siya ni Kuya Migs. "Saka mo na awayin si AJ kapag tapos na siyang magdalaga."

Nang talikuran siya ni Kuya Migs, itinaas niya ang kamao niya para pagbantaan ako saka umalis sa banyo. Kagaya ko, kapag may sinabi si Kuya Migs, nakikinig kaagad siya. Mas matigas nga lang talaga yung ulo niya kaysa sa akin. Kung sa bagay, sa utak niya ay panigurado namang kailangan ng matigas na bungo para protektahan siya. Kahit na madalas akong maasar sa Kuya ko, sobrang laki ng pasasalamat ko sa bungo niya. Dahil kung hindi, isa na lang siguro ang Kuya ko ngayon.

Hindi naman sa galit na galit ako kay Kuya Kiel. Maaasahan ko rin naman siya. Maaasahan sa kalokohan. Lahat ata ng away na nakasangkutan ko ay siya ang may pasimuno. Pero sa kabila noon, siya rin ang nagturo na protektahan ko ang sarili ko. May mga oras din na siya ang lumaban sa mga laban ko kahit na hindi ko naman talaga kailangan ng tulong niya. Siya ang kasabayan ko noong nahilig ako sa pag-aayos ng mga makina. Kung may napagkakasunduan man kami, iyon ay ang hilig namin sa mga kotse.

Ngayon ko na lang uli nakita na ganito kaputla ang mukha ni Kuya Kiel.

Pagkalabas niya ng banyo ay humarap siya sa salamin at ginulo yung buhok niya. "Aaaaaah!" Tapos ibinaling ang mapanisi niyang tingin sa akin.

Nagpa-inosente ako. "Ano? Kasalanan ko bang ganyan ka kapangit?"

Hinawakan niya ang kamay ko na naglilinis ng isda para makuha ang atensyon ko. "Pinapasok mo si Cess kagabi 'no? Tinulungan mo siya?"

The Perfect RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon