Thirteen

2.8K 100 8
                                    

AJ

Nanood kami ng pelikula. Na-enjoy ko naman iyon kahit na may mga parteng hindi ko maintindihan kasi English. Buti na lang maaksyon yung palabas at walang masyadong intelehenteng usapan kaya nakahabol ako sa takbo ng istorya.

Naiintindihan ko na kung bakit naging hobby ni Jake ang panonood. Masarap din palang manood nang tahimik, yung walang sumisigaw sa TV para murahin yung mga dapat na murahin. Kapag kasi nagtangka akong manood nang mag-isa, laging may tatabi sa akin maya-maya at mapagtatanto ko na lang na nagluluto ako ng meryenda para sa mga kasama kong manood na hindi ko naman talaga inimbitahan.

Nagulat din ako kasi walang tinangkang kahit ano si Jake. Nakatuon lang yung mata niya sa screen, nakakunot yung noo sa pag-concentrate sa palabas. Hinatid niya ako pauwi pagkatapos ng tatlong pelikula, inalalayan ako hanggang sa pintuan, nagpasalamat sa hapunan, at hinalikan ako sa likod ng palad bago siya bumalik sa kotse niya. Bago niya paandarin ay ipinaalala niya yung trabaho ko sa Impala kinabukasan.

Magulo ang damdamin ko nang mahiga ako sa kama ko. 'Di ko kasi maipaliwanag yung nangyayari. Medyo masama man ang naging simula, masaya ako kinalabasan ng araw ko. Aaminin kong ayaw ko pa talagang matapos ang oras ko kasama si Jake kasi gusto kong ungkatin pa yung pakiramdam na 'to. Imbis, dumapa na lang ako sa higaan at umasang mawawala na 'to sa umaga.

❈    ❈    ❈

"Gah!"

Lumingon ako at nakita si Kuya Kiel na lumalabas ng kwarto niya. Ang aga-aga, nakabusangot agad ang mukha niya. Pagkatingin niya sa 'kin, mas lalo pang lumalim yung simangot niya. Buti na lang at 'di siya nagsalita kundi susundutin ko ng tinidor yung mata niya.

Umupo si Kuya sa sopa at nagpalipat-lipat ng channel sa TV. "Gaaaaaaah!"

Kinuha ko yung takip ng plastic bottle na katabi ko at hinagis ko sa kanya. "Huy! Ang aga-aga nambubulabog ka na kaagad ng tao."

Pinanlisikan niya ako ng mata at hinagis pabalik yung takip. "Nasaan ang tao, wala akong makita?"

Inirapan ko na lang si Kuya. Yung ganitong mood niyan naghahanap talaga siya ng mapag-iinitan ng ulo. Kamalas-malasan dahil ako ang kauna-unahang nakasalubong niya ngayong araw.

Tumayo ako sa lamesa para hugasan yung pinagkainan ko, pati na rin yung mga ginamit ko sa pagluluto kanina. Sabay namang pumasok si Kuya sa kusina. Ramdam na ramdam ko ang tensyon sa balikat ko, hinihintay na sumabog ang kapatid ko.

Hindi ko na kailangang maghintay ng matagal pa.

May tumamang malamig sa batok ko. Nasundan ng isa pa. At ng isa pa.

Sinikap kong pahabain ang pasensya ko pero nairita talaga ako. Pagkaharap ko sa kanya, saktong may tumama sa pisngi ko. Tumungo ako para tingnan kung ano ang hinahagis niya sa akin. Ubas.

May tumama uli mukha ko. Sa noo. "Ano bang problema mo?" sigaw ko.

Nagkibit-balikat lang si Kuya saka kumain ng ubas.

Lumalaki ang butas ng ilong ko sa galit. Napipikon ako. Gagalitin niya ako tapos magpapanggap siya na wala siyang ginagawang masama. Bakit ba kasi niya ako dinadamay sa init ng ulo niya?

Nagulat ako nang biglang tumayo si Kuya at lumapit sa akin. "Tangina, AJ bitawan mo yang hawak mo!"

Sobrang diin ng pagkakasabi ni Kuya kaya medyo nabawasan yung galit ko. Nakapinta rin sa mukha niya ang pag-aalala saka ko lang napansin na dahan-dahan niyang inaalis ang kutsilyo sa mahigpit na pagkakakapit ko. Pagbuka ko ng kamay ko, nakita ko ang isang mahabang linya ng dugo na may halong bula-bula ng sabon.

The Perfect RevengeWhere stories live. Discover now