Thirty-seven

2K 66 13
                                    


AJ

Walang litrato ang Inay sa bahay.

Sabi ni Kuya Migs, noong maliit pa ako, lagi ko raw siyang hinahanap sa kanilang dalawa ni Kuya Kiel. Sa tuwing ginagawa ko iyon, laging binabangugot si Kuya Kiel sa madaling-araw. Kaya kahit sinigurado ni Kuya Kiel na ayos lang sa kanya na magtanong ako para mas makilala pa ang nanay namin, itinigil ko na ang mga tanong. Paminsan-minsan nababanggit ang pangalan niya at doon ko lang nararamdaman na minsan nabuhay siya sa mundong ito. Na minsan mayroon akong nanay na nag-aruga sa akin, nagtali ng buhok ko, pinagpuyatan ang mga iyak ko, at inalagaan ako.

Sa pagitan ng Inay at Itay, ang Inay raw ang mas kahawig ko. Ngayon habang pinagmamasdan ko ang luma niyang litrato, hinahanap ko ang pagkakahawig na iyon.

Nakuha ko yung hugis ng mukha niya, ang mata niya, at yung hugis ng medyo maliit niyang ilong. Katulad niya, meron din akong nunal sa pisngi. Nasa kabilang pisngi nga lang ang sa akin. Yung labi ko kapareho ng sa Itay, maging ang tindig at tangkad ko.

Hinaplos ko ang litrato na inipit ko sa kadulo-duluhan ng tukador. Ang sakit isipin na sa litratong iyon, nagpang-abot na ang edad naming bente-uno ng nanay ko. Na ako tatanda pa ng maraming taon habang siya, mananatiling bente-nuwebe anyos.

"Ano ba ang dapat kong gawin, Inay?"

Nginitian lang ako ng litrato niya, waring nagsasabi na alam ko naman ang dapat kong gawin.

Napabuntong-hininga na lang ako at napatingin sa labas ng bintana kung saan nakahilera ang mga halamang iniregalo sa akin ni Jake. 'Di ko akalaing mapapabukadkad ko ang mga bulaklak noon pero araw-araw, sa tuwing binibisita ko ang mga paso ay nakikita ko ang progreso ng mga 'to.

Ewan ko ba kung binibigyan ko lang ng kahulugan ang pagbibigay niya sa akin ng halaman pero parang kaya niya iyon binigay dahil bukod sa alam niyang hindi ko magawa ang hilig ko sa pagkukumpuni ng mga kotse, alam niya rin na may potensyal akong maging magaling sa pag-aalaga. Ipinaparating niya sa akin na may bilib siya sa kakayanan kong maging isang mabuting nanay sa anak namin.

Kaya ko ba?

Tumayo ako ng kama at lumabas ng kwarto. Sinalubong na naman ako ng katahimikan ng bahay namin. Si Kuya Migs nasa rancho samantalang si Kuya Kiel nasa Speedway. 'Di naman ako makapunta ng talyer kasi pinagalitan ako ni Kuya Mak nang mahuli na namang nagtatangkang magkumpuni ng makina ni Baby. May trabaho rin si Rica sa parlor tapos si Cess, panigurado meron siyang pasok sa isa sa apat niyang trabaho kaya ang hirap na ring hagilapin.

Naiinip na ako sa loob ng bahay. Kung tratuhin ako ng mga kuya ko para akong lumpo.

Dahil wala akong magawa at walang makausap, mas lalo akong nagkakaroon ng oras para makapag-isip-isip.

At napapasama dahil nagsisimula akong magsisi sa kung paano ko itinulak si Jake papalayo. Ilang araw matapos ko siyang sabihang lumayo sa akin, inaasahan kong magmamatigas siya na kahit pa umoo siya sa hiling ko ay susuyuin niya pa rin ako. Tutal, si Jake ang pinag-uusapan. Kapag desidido siya, 'di niya titigilan. Nadismaya ako sa naging reaksyon ng puso ko nang mapagtantong nakinig nga talaga siya sa akin. Ibig sabihin ba noon ayaw na talaga niya? Magmu-move on na siya sa buhay niya nang wala ako?

'Di ko alam kung dapat ba akong matuwa o masaktan.

Lumipas ang maraming araw, tinupad ni Jake ang pangako niya. Hindi siya nagpakita. Hindi siya nagparamdam. Kung ganoon, 'di ba dapat akong matuwa? Pero bakit sumisikip ang dibdib ko sa bawat araw na lumilipas na wala akong naririnig mula sa kanya?

Siguro kung ako pa yung AJ bago dumating si Jake sa buhay ko, sinapak ko na ang sarili ko. Kelan pa ako naging babae na hindi maalis ang isip sa lalaki? Yung babaeng marunong umiyak dahil sa kanya? Yung babaeng nagnanais na makita siya maya't maya, bawat sandali?

The Perfect RevengeWhere stories live. Discover now