Twenty-eight

2.2K 77 19
                                    

AJ

Naliligaw na ako.

Hindi ako sigurado kung gaano katagal ako sa Maynila pero alam kong naka-dalawang Sabado na ako base sa Charity Gala na dinaluhan namin nung nakaraan pati na rin yung hapunan na pinagsaluhan namin kahapon ng pamilya ni Jake.

Wala akong kaide-ideya kung saan ako pupunta. Sa tagal ko sa Maynila, hindi ko naman nilibot bawat sulok nito. Sabi nila madali mo lang daw mahahanap ang gusto mong puntahan sa napakalaking siyudad na ito pero paano kung hindi ko na alam kung saan ako papunta?

Isa pa, kahit anong pilit ko na magbasa ng mga karatula sa jeep para malaman kung makakauwi ako sa amin, nagbubuhol-buhol ang mga letra sa paningin ko. Sa pagmamadali ko ring umalis ng condo ni Jake, naiwan ko yung pitaka ko sa drawer ng kwarto niya.

Nagsisimula nang magreklamo ang paa ko sa haba ng nilakad ko. 'Di ko rin magawang tumigil sa paglalakad dahil napadpad ako sa isang walang katao-taong lugar at madalang dumaan ang mga sasakyan. Pakiramdam ko kapag tumigil ako merong biglang susulpot sa dilim at ki-kidnap-in ako. Ang dami kong nararamdaman ngayon at ayaw ko nang dagdagan pa ng takot.

Pero kahit ano pang pilit kong maging matapang, natatakot ako. Ngayon ko pinakanaramdaman yung pagkawalang-kwenta ko.

AJ Guevarra, yung babaeng hindi marunong magbasa. Yung babaeng lalaki yung kumilos. Yung babaeng hindi kayang mahalin ni Jake Lim.

Sa dinamirami ng paraing na naiderekta sa akin, yung pinakahuli na siguro ang pinakamasakit.

Nakaramdam na ako ng pagod nang lumaon. Tila di na ako kayang suportahan ng dalawang paa ko. Nag-squat ako roon sa isang tabi, sumusuko.

"Miss, okay ka lang?"

Tumingala ako at nakakita ng isang babaeng sekyu na nag-aalalang nakatingin sa akin.

"Ate..." hikbi ko. "Ate, pwede bang makitawag?"

Natural sa tao na hindi magtiwala sa isang tao na hindi niya kilala. Pero noong mga panahong iyon, hulog ng langit sa akin si Ate dahil tinulungan niya akong tumayo at inalalayan sa tapat ng gusali na binabantayan niya. Pinaupo niya ako sa kaisa-isang silya at ipinahiram sa akin yung cellphone niya.

"Hindi po ako marunong magbasa," pag-amin ko. "Pwede po bang kayo na lang ang mag-dial?" Saka ko idinikta ang numero.

Dalawang beses naming sinubukang tumawag dahil yung una ay hindi nasagot. Sa ikalawang subok iyon sinagot. "Tangina may namatay ba? Kalagitnaan ng gabi kung tumawag!"

Nang marinig ko ang boses ni Kuya Kiel, unti-unting lumuwang ang pakiramdam ng dibdib ko. "Kuya..."

Agad naging alerto yung tono niya. "Anong problema?"

"Kuya... Gusto ko nang umuwi."

Narinig ko ang pagbangon niya mula sa kama. "Nasaan ka?"

"Hindi ko alam. Kuya, sunduin mo ko. Ayaw ko na dito."

"Sabihin mo sa akin yung address." Narinig ko ang kalansing ng susi. "Papunta na ako."

Ang laking tulong sa akin ni Ate dahil binigyan niya ng direksyon si Kuya kung paano makakarating sa kinapaparoonan ko. Hindi rin siya nag-usisa ng kung anu-ano patungkol sa kalagayan ko at kung paano ako napadpad sa lugar na iyon. Nandoon lang siya sa gilid at hinayaan akong maging malungkot mag-isa.

Makalipas ang ilang oras ay may inabot siyang Sky Flakes at isang bote ng tubig sa akin. Doon ko lang naramdaman ang magkahalong gutom at pagod ko. Hindi na rin ako nagtangkang tumanggi. "Salamat."

"Masakit yan ngayon," panimula niya, tinuturo ang dibdib ko, sa parte kung nasaan ang puso ko. "Pero darating yung araw na babalikan mo ang gabing 'to at magiging memorya na lang yung pakiramdam."

The Perfect RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon