Twelve

3.1K 95 9
                                    

AJ

Hindi ko naman mahuli yung timpla ng kasama ko. Mabuti na rin siguro na hindi niya ako pinapansin kesa naman yung nasa akin yung buong atensyon niya. Kasi iyon ang alam kong 'di ko kayang panghawakan. Kahit mga kuya ko hindi sobra-sobra ang atensyon na ibinibigay sa akin. Hinahayaan nila ako sa mga gusto kong gawin, basta huwag lang akong masasaktan, makakasakit ng iba, mamamatay, o makakapatay ng iba. Sa kasalukuyan, dalawa pa lang naman sa apat na iyon ang nangyayari. May dalawa pa sa listahan na possible pang mangyari. Panigurado inaabangan ni Kuya Kiel kung kelan mangyayari yung isa.

Pagkatapos ng engkwentro namin kagabi, nagdadalawang-isip ako sa kung paano ako kikilos sa presensya ni Jake. Buong biyahe, umaalingawngaw sa tenga ko yung tinanong ni Kuya Gilbert sa kanya, ano'ng nakita mo sa babaeng 'to? Maging ako gusto kong malaman yung kasagutan kung bakit ganoon na lang katindi ang kagustuhan niyang magkaroon ng relasyon sa pagitan namin.

Gusto ko sanang umatras sa usapan namin ngayon. Kaya lang nang malaman ko kung anong meron, napawi lahat ng pag-aalala ko.

Trans Sport Show.

Inabangan ko yung araw na 'to. Ngayong taon ko talaga balak na pumunta kaya lang naudlot dahil sa nagkulang ako ng tantiya sa ipon ko.

Minsan hulog talaga ng langit si Tsekwa.

Pero minsan nakakabuwisit. Hindi man lang niya binanggit na kailangan palang magpalista ng pangalan bago makapasok. Gusto ko siyang sisihin dahil hindi niya binanggit kaso alam kong yung mga ganitong bagay ay yung mga tipong hindi na kailangan pang banggitin dahil simple lang naman, 'di ba? Isusulat mo lang ang pangalan mo doon sa bakanteng linya tapos ayos na ang lahat.

Kamalas-malasan lang na hindi iyon simple para sa akin.

"Ah, pwede bang ikaw na lang ang magsulat, Ate? May pilay yung kamay ko kaya 'di ko mahahawakan yung ballpen," palusot ko.

Hindi naman kumurap yung babae at isinulat ang idinikta kong pangalan sa kanya. Dahil sa dyslexia ko, naging magaling ako sa pagpapanggap na normal ako. Na marunong akong magsulat at magbasa. Naging matalas ang memorya ko at naging mapagmatiyag sa paligid ko. Kasi iyon lang ang paraan kung paano ako matututo.

Pagkapasok ko sa itinuro sa aking pintuan, 'di ko mapigilang mapangiti nang malaki. Hindi ko alam kung anong uunahin ko, kung saan ako unang tutungo. Napagdesisyunan ko namang masimula sa may kanan, paikot, tapos sa gitna.

Sumasaglit lang ako sa mga booth kasi ang daming tao tapos yung mga interesanteng kausap tungkol sa mga modelong naka-display ay abala sa pakikipag-usap sa ibang mga tao. May mga maliliit na stand naman na kung saan nakasulat ang detalye ng nga modelo kaya lang hindi nga ako marunong magbasa kaya wala ring silbi 'yon para sa akin.

Lilipat na ako sa susunod na booth nang may nakakuha ng atensyon ko. Naglalakad si Tsekwa papasok. Tatawagin ko na dapat siya nang may kumuha ng atensyon niya. Nang makita niya ang babae ay nanatili na sa kanya ang pansin ni Jake.

Maging ako, natulala doon sa modelo. Napakunot ako ng noo dahil biglang nabawasan yung sigla ko sa nakita ako. Ganito kasi yung mga babaeng halata namang madalas na umaaligid sa isang lalaking katulad ni Jake.

Anong nakita mo sa babaeng 'to?

Umiling-iling ako. Dapat nang umalis ni Kuya Gilbert sa utak ko.

Inilihis ko na ang tingin ko sa dalawa at bumalik sa pagmamasid. Pupuntahan ko dapat yung display ng Lamborghini kaso medyo nabawasan na yung sigla ko. Mamaya na lang 'yun. Ayaw ko namang masayang yung tickets kaya nagtungo na lang ako sa first love ko. Sa mga auto shops.

Pagsilip ko sa makina ng isang kotseng nakataas ang hood, may lumapit sa akin, "May I help you with something, Ma'am?"

"Koenigsegg?"

The Perfect RevengeOn viuen les histories. Descobreix ara