Thirty

2.4K 72 27
                                    

AJ

Nakapaligid sila sa lamesa, kanya-kanyang kuha ng ulam na inihain ko. Sa bandang kaliwa ko, nagtatalo si Kuya Kiel at si Cess, malamang dahil na naman sa ginawang prank ni Kuya. Sa harap ko naman, tahimik na nagbubulungan sina Hannah at Kuya Migs. Nakakarinig ako ng iilang salita at mukhang tungkol sa mga alaga nilang kabayo sa rancho ang pinagdidiskusyonan nila nang seryoso. Sa may kabisera nakaupo si Rica, pinandidilatan ako ng mata.

Tinanguan niya ako, pinapatibay ang loob ko na magsalita.

Nagpanggap akong nagtatanggal ng kati sa lalamunan para pansinin nilang lahat pero walang pumapansin sa akin.

Okay. Wala namang makikinig. 'Di ko na lang muna sasabihin.

Mula sa kinauupuan ko, nararamdaman kong pinandidilatan ako ni Rica. Sinadya kong hindi siya tingnan at inabot yung baso ng tubig. Nanginginig yung kamay ko habang inilalapit ko ang baso na 'yon sa bibig ko. May mga iilan pang tumapon sa t-shirt ko.

Dapat ko nang sabihin sa kanila. Ilang araw ko nang ikinukubli 'to sa pamilya ko pero kinakabahan ako. Natatakot.

Ipagpapabukas ko na lang. Isang araw lang naman 'di ba? Isang araw pa.

Ito namang si Rica, mukhang pagod na sa sunod-sunod na pagpapabukas ko. "May sasabihin ako—"

"Buntis ako."

Lahat ng pag-uusap sa lamesang iyon ay natigil. Nabagsak ni Kuya Migs ang hawak niyang kutsara at umalingawngaw ang tunong ng pagbagsak no'n sa plato niya sa sobrang tahimik. Dahil siya ang nasa harap ko, kitang kita ko kung paano unti-unting namutla ang mukha niya. Alam ko kahit hindi ako nakatingin na iyon din ang makikita ko sa mukha ni Kuya Kiel.

Iyon ang dahilan kung bakit ilang araw simula nang malaman kong nagdadalantao ako ay 'di ko sinasabi sa kanila. Alam ko kasing may posibilidad na madismaya ko sila sa balitang iyon.

Si Kuya Migs ang unang natauhan. "Kaya ka ba suka nang suka? Yung akala natin nasamaan ka lang ng tiyan?"

Tumango ako.

Wala rin kasi sa isip ko yung posibilidad na buntis ako. Ilang araw na kasi akong suka nang suka at akala ko dahil lang sa nakain ko nang minsang may nagpa-free sample sa palengke. Sabi pa ni Cess baka dala na rin ng lungkot ko, pati katawan ko bumibigay. Pero isinantabi ko kaagad ang suhestiyon niya na 'yon dahil sa loob ng ilang buwan, kahit papaano, nagawa ko nang iwan si Jake sa nakaraan. Ilang linggo na ring tuyo ang unan ko.

Isang araw, habang nagpapahinga ako matapos ang isa na namang round ng pagsuka, biglang pumasok si Rica sa kwarto ko dala ang maliit na supot. Pregnancy test ang laman no'n. 'Di sumagi sa isip ko ang posibilidad na buntis ako. Kaya nagalit ako kay Rica para gawin ang ginawa niya.

Ilang araw na nakatago sa drawer yung pregnancy test na binili niya. Ginamit ko 'yon nang natanggap ko na na baka may nabubuhay na ngang iba sa loob ng katawan ko. Pinuntahan ko si Rica sa kanila, humingi ng paumanhin at gabay para sa susunod kong gagawin.

Dalawang pulang linya. Nang makita ko 'yon mas naging konkreto ang lahat. Napahawak ako sa puson ko. May baby sa loob nito, ang paulit-ulit na umaalingawngaw sa isip ko.

"Pa'no?" sambit ni Kuya Kiel. Nang nilingon ko siya, nanlalaki ang mata at maputla ang labi niya. "I mean... alam ko kung pa'no. Pero... bakit?"

Walang saysay yung mga tanong ni Kuya Kiel pero naiintindihan ko yung reaksyon niya. Lahat ng nasa lamesang iyon, maliban kay Rica, ay nagulantang sa balita. Leche, kahit ako na may iilang araw para iproseso yung katotohanan ay nagugulantang pa rin hanggang ngayon.

"Ano'ng plano mo?" ang tanong ni Kuya Migs.

"Hindi ko alam, Kuya. Pero aalagaan ko siya." Sa ilang araw na pinagpaplanuhan ko kung anong susunod kong gagawin, doon lang ako pinakasigurado. 'Di pumasok sa isip ko ang pagpapalaglag. Hindi kakayanin ng konsensya kong tapusin ang buhay ng isang batang inosente. Gusto ko siyang bigyan ng tiyansang masilayan ang mundong ito, gaano man ito kasama. At poprotektahan ko siya sa kung ano mang mananakit sa kanya.

The Perfect RevengeWhere stories live. Discover now