Thirty-two

2.4K 82 19
                                    

AJ

"Ibalik niyo lahat 'yan," utos ni Kuya Kiel kina Kuya Gino at Kuya Jon-Jon na halatang hindi alam kung ano ang gagawin.

Nakasimangot agad si Kuya Kiel. Kaaga-aga. Masama na naman siguro ang gising. Parang nitong mga nakaraang araw lagi na lang masama ang gising niya.

Naalimpungatan ako sa ingay sa labas ng bahay at nang sumilip ako ng bintana, may nakita akong isang malaking trak na papaalis at maraming malalaking kahon ang nasa may harapan ng bahay namin. Napaisip tuloy ako kung nagkamali na naman ng padala yung Tita Liza nina Kuya Gino at address na naman ng bahay namin ang inilagay.

"Ano 'to, Kuya?"

Nilingon ako ni Kuya Kiel at pinigilan ako sa paglabas ng bahay. "Matulog ka na ulit, AJ."

Nagsuspetsa na ako. "Ano yung mga kahon?"

"Wala. Nagkamali ng padala."

Hinarap ko yung mga pinsan ko. "Ano 'yang mga iyan?"

Nagkamot ng batok si Kuya Jon-Jon samantalang umiwas ng tingin si Kuya Gino. Kahina-hinala kasi sila kung umakto kaya naitulak ko si Kuya Kiel mula sa pinto para lumapit sa patong-patong na kahon na naroon. 'Di naman ako nilabanan ni Kuya. Naging maingat na siya sa akin simula nang bumilog ang tiyan ko. Dati ang lakas-lakas mang-wrestling tapos ngayon naman para akong mababsag.

Nag-inspeksyon ako ng mga kahon. Base sa mga imahe na naroon, parang mga gamit iyon ng baby tulad ng stroller, walker at crib.

Nakapagtataka naman 'tong mga pinsan ko. Alam naman nilang nakahiram na ako kay Ate May ng mga gagamitin ko. Tsaka bakit sobrang dami? Kailangan ba talaga lahat nang 'to? "Pasko na ba? Alam kong mga ninong kayo pero parang sobra-sobra naman kayo magregalo. Mukhang ang mamahal pa."

"Hindi galing sa amin yan," ani Kuya Gino.

Nakutuban ko na noong umpisa pa lang ang posibilidad pero tinanong ko pa rin. "Kanino?"

"Kay Jake."

Napahawak ako sa tiyan ko. Sumipa ulit si Baby. Unang beses niyang ginawa 'yon nang tawagin ni Jake ang pangalan ko noong nakaraang araw sa Annual Auto Show sa Laguna. Tila ba nakilala niya yung boses ng tatay niya at sabik na sabik siyang marinig pa ito.

Matapos ang araw na iyon, alam kong kahit anong hiling ko ay makakarinig pa rin ako kay Jake. Alam ko rin na ipagpipilitan niya yung sarili niya sa buhay ng bata. Base sa galit niya nang mapag-alamang naglilihim ako sa kanya, iyon ang nahihinuha ko.

Nagkaroon ako ng ilang araw—ilang buwan matapos kong malamang buntis ako—para pag-isipan nang maigi ang mga posibleng mangyari. Nakahanda naman na akong patuluyin siya sa buhay ng magiging anak namin at dala noon ay magiging parte pa rin siya ng buhay ko. Sa totoo lang, hindi pa rin ako handa. At hindi ko alam kung magiging handa pa talaga ako.

Kaya nga noong 'di ko inaasahang makita niya ako ay galit agad ang sinalubong ko sa kanya.

Pero tulad ng sinabi sa akin ni Kuya Migs, kailangan kong maging matalino sa pagdedesisyon dahil hindi na lang ako ang dapat na isipin ko.

"Gaya nga ng sabi ko. Ibalik niyong lahat ng iyan," matigas na pagkakasabi ni Kuya Kiel. "O mas maganda, itapon niyo na sa bangin. At kung may darating pang susunod, itapon niyo na rin."

Kahit na parang ayaw nila, nagsimula nang magbuhat 'yung dalawa ng mga kahon at itinabi para may madaanan.

"AJ, may card." Itinaas ni Kuya Gino ang tinutukoy.

Agad namang inagaw iyon ni Kuya Kiel. Nilukot niya ang papel at itinapon sa basurahan.

Inirapan ko siya. 'Di naman niya kailangang magdrama ng gano'n. Hindi ko rin naman mababasa.

The Perfect RevengeWhere stories live. Discover now