Ten

3.7K 95 12
                                    

AJ

Minu-minutong ipinapaalala sa akin ni Jake ang atraso ko sa kanya. Mas mabuti pa nga ata na hindi ako humingi ng tawad.

Kaso lang, nang mapansin kong medyo napipikon na si Tsekwa, nakonsensya ako. Biruin mo, may konsensya pa pala ako. Pinagtawanan ko kasi yung pagiging baguhan niya sa mga engkanto kaya ayan tuloy, napasama ata ang timpla niya dahil sa ginawa ko.

Aaminin ko, minsan kasi hindi ko alam kung anong limitasyon ko. Pantay-pantay ang pagtingin ko sa tao kaya tuloy si Jake minsan natatrato ko na parang kung paano ko tratuhin ang mga kasamahan ko pero noong nakita ko siyang naiinis na, napatigil talaga ako. Kasi imbis na matuwa dahil naisahan ko siya, medyo nalungkot ako kasi nakita kong naninibago siya sa sitwasyon at hindi siya sanay sa paligid na kinalakihan ko. Kung may taong nakakaintindi ng hindi pag-ayon sa hindi pamilyar na sitwasyon, ako 'yon.

Isa pa, ang pangit sa mukha ni Tsekwa ang nakasimangot. Kung kaya ko lang, gusto kong makita siyang laging nakangiti kasi natutuwa talaga ako sa mata niya kapag hindi ko na halos ito makita. Parang sobrang kakaibang nilalang si Tsekwa dahil minsan lang ako makakita ng singkit dito sa may amin.

Pauwi na kami at minamaneho ko ang Owner. Sa tabi ko umupo si Tsekwa at nasa likod naman ang dalawa naming kasama. Tahimik sila sa likod. Si Cess kasi ay nakatulog na, siguro napagod na rin nang sobra. Pero kanina habang palusong kami ng bundok, dinadaldal nila nang dinadaldal si Tsekwa. Nakakatawa nga sila eh. Nilalandi ni Rica si Jake na nilalandi si Cess. Syempre ako naman nakabantay dahil baka mamaya masobrahan na ang landian. Ayaw kong mapagsamantalahan ang kaibigan ko, 'di ba?

Pinipilit ko ang pagdadahilan ko kasi maski ako hindi makumbinsi ng mga ito.

"Angelina Jolie," pagtawag ni Tsekwa.

Hindi ko inaalis ang tingin ko sa daan. "Ano?"

"Tumingin ka rito."

"Kita mong nagmamaneho ako. Gusto mong malalaglag sa bangin?" pagbabanta ko.

Nanahimik siya uli pero hindi rin iyon nagtagal. Nang makaalis kami sa mabangin ng daan, pinilit niya uli akong tumingin sa kanya.

"Bakit nga kasi?"

Pagkalingon ko sa kanya, nakaturo siya sa pisngi niya.

"Gago," binulong ko pero alam kong narinig niya. Sinamahan ko na rin ng pagtaas ko ng hinliliit ko.

Doon naman napagpasyahan ni Rica na sumali sa usapan namin. Isiningit niya ang katawan niya sa espasyo sa pagitan ng upuan namin ni Jake. Hinawakan niya ang kamay ko at pinilit na itaas ang hinlalato ko. "I give you permission, Be." Saka siya bumalik sa upuan niya.

Agad-agad ko namang ibinalik ang kamay ko sa manibela at pinandilatan si Rica sa rear view. Humagikgik lang siya at itinuro ang pisngi niya tapos itinuro si Jake.

Nararamdaman kong pinapanood ako ni Jake. Hindi tuloy ako mapakali sa kinauupuan ko. Ang bigat kasi ng titig niya, parang ang hirap tuloy huminga.

Nang may biglang humawak sa kamay ko na nakahawak sa kambyo, nagulat ako na nagdulot ng biglaang pagpreno ko. Lahat ng pasahero ko ay napaabante dahil sa lakas ng impact. Tumitili nang maigi si Rica na tila maililigtas siya ng tiling iyon. Hindi ko tuloy tiyak kung nagising si Cess dahil kay Rica o dahil nalaglag siya sa pagitan ng upuan sa harap at likod. Buti na lang at walang dumaraang ibang sasakyan sa kalsada kundi nayupi na kami rito.

"Gusto mo bang mamatay tayo?" sigaw ni Rica habang tinutulungang umupo si Cess. "Jusko, mauunahan ko pa ang Lola ko sa ginagawa mo!"

Huminga muna ako nang malalim at inabante ang kotse para iparada sa gilid ng kalsada. Doon ko lang napagtanto na nakahawak pa rin pala si Jake sa kamay ko. Sobrang higpit.

The Perfect RevengeWhere stories live. Discover now