Fifteen

3.3K 90 16
                                    

AJ

"Kailangan ba talaga nito?" tanong ko kay Rica habang iniiwas ang mukha ko sa hawak niyang blade.

Hinawakan niya na ako sa bunbunan para pumirmi. "'Wag kang malikot! Konting ahit lang ng kilay eh! Mahihimatay ang Lola ko kapag nakita niyang mas mabalahibo ka pa sa 'kin!"

"Malabo na naman ang mata no'n eh!"

Narinig ko ang mahinang tawa ni Cess mula sa likod ng lamesa niya. Sumulyap ako sa kanya, iniingatan na hindi gumalaw dahil baka mamaya mawalan ako ng kilay nang walang sa oras. "Bakit kasi hindi ikaw na lang?"

Nakatungo siya't nagsusulat sa record book, hindi inaangat ang tingin. "Pupunta ako ng munisipyo mamaya. Ito naman kasing si Kiel, hindi inaayos yung pagpapatakbo sa talyer. Gustuhin ko mang pumalit sa pwesto mo, deadline na nito."

Saglit na umalis is Rica at pagbalik niya sa harap ko, may hawak na siyang lapis. Umiwas ako. "Ano 'yan?"

"Isa," pagbabanta niya.

Wala naman akong nagawa kundi sumunod kay Rica. Kung 'di ko lang talaga kaibigan 'to, hindi ako papayag sa ipinagagawa niya.

Napasuyod ang tingin ko sa suot niya. Wala yung masisikip na pantalon at t-shirt. Nakasuot siya ng slacks at puting polo. Yung may kahabaan niyang buhok at pina-barber's cut niya para lang dito.

"Bakit ka tumatawa?" matinis niyang tanong.

"Nakalimutan kong gwapo ka nga pala."

Suminghal siya at nagpapapadyak. "Take it back! Naii-stress ang beauty ko sa'yo!"

"Ayoko nga. Ako ang napipilitan dito, bumabawi lang ako." Dumila ako para mas mang-asar.

Huminga lang siya nang malalim at nagbilang hanggang sampu. Saka siya bumalik sa pag-aayos ng mukha ko. 'Di ko naman gustong dagdagan yung pagiging stressed ni Rica. Alam kong kinakabahan lang siya sa gagawin niya.

Umuwi kasi ang Lola niya galing Calamba. Sa kanila muna tutuloy habang may inaayos sa bahay nito. Takot na takot si Rica kasi hindi alam ng Lola niya na bakla siya. Kapag nagkukwento pa man din siya sa matanda, minsan niyang naipagmalaki na may girlfriend na siya. Ayan tuloy, pati ako nakaladkad para magpanggap na nobya niya.

Ayaw ko talaga pero nagmakaawa sa akin si Rica. Takot na takot kasi talaga siya sa Kakang Aya. Dating principal yun kaya yung kasungitan nadala na hanggang sa magretiro. Kahit ako na minsan nang nakasalamuha iyon noong mga bata pa kami, nanginig nang tumama ang mata niya sa akin. Ganoon kaepektibo ang superpowers ng Kakang Aya. Tingnan mo lang saglit, manginginig ka na sa takot. Kaya nga kahit ayaw ko talaga sa plano ni Rica, pumayag na ako.

Nang matapos siya sa pag-aayos sa akin, hinila niya ako papasok ng bahay at iniharap sa salamin namin. Napanganga naman ako sa nakita ko.

Sinunod naman ako ni Rica nang sabihin sa kanya na ayaw kong magmukhang clown. Siniguro niya ako, sabi na nude tones lang daw ang ilalagay niya sa akin... kung ano man 'yon. Natulala ako kasi nanibago ako sa mukha ko. Yung pagmake-up niya sa akin hindi yung tipong hindi mo na makikilala ang sarili mo. Namangha lang ako kasi ang linis kong tingnan. Napahawak tuloy ako sa salamin.

"Oo, girl. Ikaw 'yan," sagot ni Rica sa tanong na hindi ko naman isinasaboses. "Kung ganito ka lang kay Papa Jake everyday, nako hindi ka na pauuwiin no'n!"

Bumilis ang tibok ng puso ko sa sinabi ni Rica.

Bakit ako kinakabahan? Dahil sa kung anong iisipin ni Tsekwa kapag nakita niya ako?

Umatras ako sa salamin. Ayokong isipin kung ano man yung iisipin no'n. Pinakaayoko sa lahat yung pinaghuhusgahan ako, gaano man kabuti o hindi iyon. Ayoko ng atensyon kaya hangga't maaari, hindi ko ito kinukuha.

The Perfect RevengeWhere stories live. Discover now