004 - Patay Sindi

65.8K 922 180
                                    

Confession by Jimmy M.

Ako'y isang lalaking talunan. Talunan sa pagmamahal ng aking mga magulang at talunan sa pag-ibig ng dati kong kinakasama. Wala akong hinangad kundi ang magkaroon ng mas maginhawang kinabukasan, ang makatulong sa aking mga magulang, ang mapag-aral ang aking mga nakababatang kapatid at ang makaipon ng sapat para makapagpakasal na kami ng pinakamamahal kong nobyang naiwan sa Pilipinas.

"Jimmy, buntis ako." 'Yung ang katagang sumalubong sa akin sa mismong araw ng pag-uwi ko sa Pilipinas. Hindi man lang siya nakahintay na makauwi kami ng bahay. Deretsahan niyang sinabi sa akin 'yun sa mismong airport pa lang.

Natulala ako. Hindi malaman kung ano ang mararamdaman. Paano naman kasi na mabubuntis siya na ako ang ama, kung mahigit limang taon din akong wala sa tabi niya.

"Sinong ama?" Mahirap bigkasin, pero nasabi ko rin naman. Mahina at nanginginig sa matinding pagkabigla.

"Si Christian." Walang kagatol-gatol na pag-amin ni Lisa; na siya rin naman paglitaw ni Christian, hindi kalayuan sa aming kinatatayuan.

Nag-umpisa nang manligid ang aking mga luha. Lalo na nang mag-umpisa na itong maglakad papunta sa kinaroroonan namin ng aking pinagkamamahal na nobyang si Lisa.

"B-Bakit?" Umiiyak na tanong ko kay Christian. "P-pa'no mo nagawa sa akin 'to?"

"Mahal ko siya kuya."

Gusto kong itanong ko sa kanya, kung bakit siya pa? Siya na aking nakababatang kapatid. Siya na pinakain ko sa aking palad at pinag-aral hanggang sa makatapos? Siya na paborito ng aking mga magulang, kahit ako ang nag-uuwi at naglalagay ng pagkain sa hapag-kainan?

Pero nanahimik na lang ako. Tiniis ang sakit. Inilihim ang dinaramdam dahil hindi na naman mababago pa ng aking galit ang naging sitwasyon.

"Kailangan ng panggastos para maipakasal natin si Lisa at 'yang kapatid mo." 'Yun naman ang walang kagatol-gatol na wika sa amin ng aming Ina sa harap ng hapag-kainan kinagabihan. "Wala na tayong magagawa, nariyan na 'yan! Napakatapang naman pala ng pamilya niyan." Wala man lang bahid ng kaunting emosyon para sa akin si Inay, na para bang, hindi ako nasasaktan sa mga nangyayari. Na para bang... ako na nga ang naiputan ng sarili kong kapatid sa ulo, ako pa ang kailangang gumastos para sa kaniyang kasiyahan.

Kung suwerte ang mga panganay na lalaki sa mga pamilyang may kaya, napakamalas naman kapag mula sa naghihikahos. Kailangan ikaw ang titingin at uunawa sa 'yong mga nakababatang kapatid. Kailangan ikaw ang magpaparaya... kailangan, ikaw rin ang magsasakripisyo kahit na, may pangangailangan ka rin naman.

"Ibigay mo na lang sa kapatid mo ang inipon mo para sa inyo ni Lisa." 'Yun naman ang turan ni Itay. Ang isa pa sa aking mga magulang na parang walang pakialam sa aking nararamdaman. "Marami pa namang babae diyan, sa estado mo, makakahanap ka pa ng para sa 'yo."

Gusto kong itanong sa kaniya kung gano'n lang ba kadali 'yun? Ano ba ang tingin nila sa akin? Bato? Walang pakiramdam? Hindi nasasaktan? Hindi nagdaramdam?

***

"Ayos lang 'yan pare, at least mayaman ka na. Kaya mo nang magpamilya kapag nahanap mo na ang babae para sa 'yo." Sabi sa akin ng aking matalik na kaibigan, minsang lumabas kami sa isang night club. "At saka, hindi naman kagandahan ang Lisa na 'yun. Malandi pa at hindi mapagkakatiwalaan. Maraming babae diyan. 'Yan oh." Itinuro niya ang mga babaeng nagsasayaw sa entamblado. "Mamili ka na ng maiuuwi mo sa bagong bahay mo ngayong gabi. Enjoy your life pare. Pabayaan mo na 'yang pamilya mo. Nagawa mo na ang tungkulin mo sa kanila. Tutal, si Christian naman ang sumunod sa 'yo at humalili sa siyota mo, eh di 'yaan mong siya na rin ang magbuhat sa pamilya niyo. Napag-aral mo na siya. Panahon na para isipin mo naman ang sarili mo."

Untamed Confessions [R-18]Where stories live. Discover now