Chapter 19- Edited

3K 110 0
                                    

Reese

Ang sabi ni Aidan, kung normal na tao lang ako ay baka daig ko pa ang na-culture shock dahil sa uri ng pamumuhay na meron ang mga tao rito. Pagkatapos naming magpakilala kagabi ay pinaghanda nila kami ng makakain at binigyan ng malinis na kwarto upang mapaghingahan. Humingi na din ako ng tawad sa nagawa ko sa dalawa nilang kasamahan at tinanggap naman nila iyon. Nangako akong hindi na mauulit pa ang manakit sa ni isa sa kanila.

Ang bar ay pagmamay-ari ni Tatay Tomas, siya din ang nagsisilbing pinuno sa maliit na bayan na ito. Dahil sa madugo at marahas na nakaraan ng kanilang lugar ay minabuti nilang maging mailap sa mga dayuhan. Swerte namin dahil nagustuhan ako ng anak niyang babae, dahil sa kanya ay may matutuluyan na kami.

Kaninang umaga sa paggising namin ay may naihanda na silang almusal para sa aming tatlo. Mabait naman pala si Tatay Tomas, palatawa at mahilig mambola. Mapagmahal at maalaga din siya sa kanyang nasasakupan. Naisip ko tuloy si Ashton, balang araw sana ay maging katulad siya ng matandang kaharap ko ngayon. Ngumingiti, pilyo at mapagkumbaba.

"Ilang taon ka na ba, hija? Napakabata mo pa para maging isang asawa at delikado dahil na din sa katayuan mo sa buhay." Magkatabi kaming nakaupo at nakatingin sa mga kabataang naghahabulan sa gitna ng malawak na damuhan.

"Labinsiyam ako ng magpakasal at dalawampu't lima na po ako ngayon. Sa panahon ngayon, mas malawak na ang pag-iisip ng mga kabataan."

"Ang ibig mong sabihin ay marupok, tama?"

Tumango ako at tumingala sa langit. Nakakaramdam ako ng kalungkutan sa aking puso, pangungulila at labis na pagmamahal para sa asawa ko. Mabigat sa loob ang iwan siya, paulit ulit ding pumapasok sa utak ko kung paano ko siya tinakasan ng mga sandaling iyon.

"Nangungulila ka." Turan niya.

"Nasanay po kasi ako na lagi ko siyang nakikita, nakakausap at inaalagaan." Sa kanya ko lang sinabi ang katotohanan kung sino at ano talaga ako.

"Bakit ka nga ba naglayas?"

Nakuha niya ang atensyon ko sa tanong niyang iyon.

"Malalim ang dahilan."

"Hmm. Ang asawa ko, ang ina ni Anita." Tukoy niya sa kanyang anak, "Nilayasan niya din ako noon dahil sa pagiging gago ko. Abot langit ang pasasalamat ko ng bumalik siya at may dalang malaking regalo sa akin. Kabuwanan niya na ng umuwi siya dito at iyon nga ay si Anita."

Sana ay may laman na din ang tiyan ko, pero hindi ako babalik kay Ashton. Kapag nabuntis ako ay makokontento na akong maging isang simpleng asawa niya. Katuparan ng isa kong pangarap ang maging ina kapag nabuntis ako.

"Ano ang nangyari sa kanya?"

"Pinatay siya isang taon pa lang ang nakalilipas. Kaya galit kami sa mga dayuhan ay dahil na din sa nawalan na kami ng tiwala sa inyo."

"Kung gayon ay mapipilitan kaming umalis ng mga kasamahan ko kapag hindi niyo kami nagustuhan."

"Oo at nasa ilalim pa din kayo ng obserbasyon, lalo ka na at mukhang matatagalan ka dito."

"Bakit siya pinatay?" Kailangan kong sirain ang paniniwala nila na lahat ng dayuhan ay masama ang balak sa kanila. Na wala akong intensyon na saktan pa ang mga tao dito.

"Sikat noon ang bayan namin dahil sa mga mineral na nakukuha dito. Mayaman at sagana din ang mga taniman namin. Isang araw, may mga grupo ng mga foreigner ang nagawi dito at kinausap kami, interesado sila sa lupain. Gusto nilang bumili ng lupang sakahan at nagbigay ng karampatang presyo. Hindi kami pumayag sapagkat sa ninuno pa ng mga pamilya namin ang lupa dito at utang namin kung ano man ang meron kami sa kanila. Tuso ang mga iyon, mahigit kalahati ng populasyon namin ang napatay nila ng ilang beses namin silang tanggihan sa kanilang alok."

The Perfect Wife [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon