• nine •

69.2K 1.5K 61
                                    

Liv's POV

Ang higpit - higpit ng yakap ko sa sarili ko habang patakbo akong lumalabas ng kuwarto. Kahit masakit ang katawan ko. Wala akong pakielam kahit tinitingnan ako ng mga tao dahil sa itsura ko. Ang importante sa akin ay makalayo sa lugar na ito.

Pakiramdam ko ay nakahinga ako ng maluwag ng makalayo ako sa hotel. Nilingon ko pa iyon at napahagulgol na ako habang umupo ako sa isang sulok na walang taong makakakita sa akin.

Pakiramdam ko ang dumi - dumi ko. Parang wala akong kuwentang tao. Pinamukha sa akin ng lalaking iyon kung gaano ako kababa at kinuha niya ang pinakaiingat - ingatan ko ng ganun - ganun lang. Nagagalit ako sa kanya dahil napakasama niya at hindi man lang niya pinakinggan ang paliwanag ko. Pero nagagalit din ako sa sarili ko. Alam kong puwedeng mangyari na mahuli ako dahil sa ginawa ko pero hindi ko akalain na ganito ang magiging kapalit.

Binuksan ko ang bag ko at kinuha ko ang mga gamot ni nanay. Dahil dito, nasira ang buhay ko. Pero hindi ko sinisisi si nanay dahil sa nangyari sa akin. Walang dapat sisihin kundi ako dahil ako ang nagpasya na gawin iyon at ito ang consequence.

Kinuha ko ang telepono ko at nakita kong dalawampung missed calls na ang mayroon doon mula kay Amy. Meron din akong mga tawag mula sa isang unknown number. Mabilis kong pinahid ang mga luha ko at tinawagan si Amy.

Nakakailang tawag na ako pero hindi niya sinasagot ang tawag ko.

Tumayo na ako at pumara ng taxi. Inayos ko ang sarili ko at pinilit kong huwag ng umiyak. Nangyari na iyon. Kahit umiyak ako ng bato, hindi na maibabalik ang nawala sa akin. Kailangan ko na lang tanggapin ang nangyari at mag - move on. Sigurado naman ako na hindi na kami magtatagpo ng hayup na lalaking iyon.

Sa ospital ako nagpahatid. Diretso ako sa kuwarto ni nanay pero napakunot ang noo ko kasi wala siya doon sa kama niya. Pumunta ako sa nurse station.

"Nurse, nasaan ang nanay ko? 'Yung nasa bed 2."

Saglit na nagtingin sa chart na hawak ang nurse.

"Si Mrs. Solomon? Iniakyat sa ICU kanina kasi nag - cardiac arrest."

"Ha?" Nataranta na ako. Cardiac arrest? ICU? Takbo ako sa third floor ng ospital. Naabutan ko sa labas ng ICU si Amy na nakatingin sa loob ng kuwarto at umiiyak.

"Amy. Anong nangyari?" Nagkakandautal na ako sa kaba.

Humagulgol lang si Amy sa akin.

Tumingin ako sa loob ng kuwarto at nakita kong nagkakagulo ang mga doktor at nurse na nakapalibot sa isang kama. Lahat sila ay may pagmamadali ang mga kilos. Halata ding mga natataranta.

"Amy ano? Nasaan si nanay?" Tumaas na ang boses ko.

"Wala na si nanay." Ang lakas ng iyak ni Amy.

"Ano? Anong sinasabi mo?" Tiningnan ko ang mga tao sa loob. Nakita kong nandoon si Dr. Romero at nakatingin sa mga kasama niya. Halata sa mukha ang pagod at pagkadismaya.

"Wala na si nanay Liv!" Mahigpit na yumakap sa akin si Amy.

Inalis ko ang pagkakayakap niya at pumasok ako sa loob ng ICU room. Wala akong pakielam kahit pinipigilan ako ng nurse. Patakbo akong pumunta sa kama ni nanay at nakita ko siyang nakahiga doon. Nakapikit. May tubo sa bibig, may mga nakakabit na kung ano sa dibdib, suwero sa braso. Pero halatang - halata na wala na nga siyang buhay.

"Nay," umiiyak na ako ng lumapit sa kanya. Pinipigilan ako ng nurse pero sinaway siya ni Dr. Romero.

Marahan kong hinaplos ang noo niya pero hindi siya gumalaw. Hindi niya hinawakan ang kamay ko tulad ng ginagawa niya noon kapag hinahawakan ko ang noo niya.

About last night (THE BUDDIES SERIES 2) COMPLETEWhere stories live. Discover now