50 - To the Safest Place

10.3K 655 572
                                    

50 - To the Safest Place



"Lucas!"



Mabilis na hinampas ng binata ang natitirang zombie sa kanyang harapan. Tila bumalik siya sa unang araw ng apocalypse kung saan isinigaw ng kababatang si Drew ang pangalan ng kasintahan nito. Halos kapareho ang nangyayari sa kasalukuyan. Ang pinagkaiba lamang, pangalan niya ang naririnig niyang isinisigaw.



"Lucas!"



Tuluyang humarap ang binata sa pinanggagalingan ng boses ni Yuan. Ilang metro ang layo sa kanya ng dalaga ngunit kitang kita niya na nakangiti ito.



Tapos na.



Napatumba na nila ang lahat ng naglalakad na bangkay. Nakaligtas ang lahat ng kasama nila.



Higit sa lahat, buhay silang dalawa.



Nagdiwang ang lahat ng nasa loob ng bus ng makitang naubos na nina Yuan at Lucas ang mga zombies. Wala ng balakid. Makakapunta na sila sa ligtas na lugar.



Bukod sa mga hiyawan at palakpakan, nagyayakapan ang lahat habang hindi napipigilan ang mga sariling lumuha dahil sa sobrang kasiyahan. Inakala nilang imposible ang lahat, ngunit nagawang baliktarin ng dalawang kabataan ang kanilang kapalaran.



Pabirong itinaas ni Lucas ang magkabilang braso ng magsimulang tumakbo ang dalaga palapit sa kanya. Natawa si Yuan at itinaas din ang kanyang mga kamay upang salubungin ng yakap ang binata. Pareho nilang hindi maitago ang ngiti sa kanilang mukha.



Hanggang sa mapahinto si Yuan sa pagtakbo.



Tila naging slow-motion ang lahat sa paligid ng unti-unting nawala ang ngiti sa mukha ng dalawa. Kapwa napaawang ang kanilang mga labi. Kay Lucas ay dahil sa biglang pagragasa ng matinding emosyon, kay Yuan ay dahil sa labis na sakit na nararamdaman.



Hindi na pinanood ng dalaga ang tila mabagal na pagtakbo ni Lucas palapit sa kinatatayuan niya. Yumuko siya kasabay ng pagtulo ng kanyang mga luha, diretso sa zombie na nakakagat pa din sa kanyang binti.



Kasabay ng pagpatak ng isang luha mula sa mata ni Yuan, dahan-dahan niyang nilingon ang kanilang sasakyan. Umaasang sa huling pagkakataon ay makikita ang lahat ng taong nakasama niya sa laban. Ang pamilya at mga kaibigan na kanyang iiwanan.



Mula sa pagbubunyi ay biglang nagkaroon ng nakakabinging katahimikan sa loob ng bus. Kitang-kita nila ang nangyari. Agad na nawalan ng malay si Lucia at halos magwala naman si Leanne. Gustong lumabas ng dalaga at pumunta sa kanyang kapatid pero pinigilan siya nina Rio. Delikado. Hindi maaari.



Bumalik lamang sa normal na takbo at bilis ang lahat kay Yuan ng mamalayang paulit-ulit ng hinahampas ni Lucas ang zombie. Durog na durog na ang bangkay ay hindi pa din tumitigil ang binata. Kinailangan niya itong awatin.



Kapwa sila natigilan ng muling magtama ang kanilang mga paningin. Lalong napaiyak si Yuan ng pumikit ng mariin ang binatang tila ayaw makita ang kaharap na katotohanan.



"L-Lucas..." tawag ng dalaga noong humakbang ito paatras at tumigil lamang noong limang hakbang na ang layo sa kanya. Tila wala ito sa sariling tumingala at paulit ulit na bumuntong hininga.



Unti-unting tumulo ang mga luha mula sa mga mata ni Lucas habang hindi iniaalis ang tingin sa kalangitan. Hindi siya makapaniwalang pagkatapos ng mga hirap na kanilang pinagdaanan at nilagpasan, sa ganito pa rin pala mauuwi ang lahat.



2025Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon