CHAPTER 2

537 21 0
                                    

"CRUSH mo 'yung taga-Carmel 'no?" asar ulit sa akin ni Kath. Kanina pa niya ako paulit-ulit na inaasar sa lalaking iyon. Ilang minuto na kaming naglalakad pero iyon pa rin ang topic niya.

Papunta kami ngayon sa baywalk dahil sa hiling niyang gumala kami. Tutal naman ay Biyernes na't walang pasok bukas, pumayag na rin ako.

Ngumiwi ako sa pang-aasar nito. "Pinagsasabi mo diyan?"

"Naku, kilala kita. Mga tinginan mo pa lang, alam na alam ko na. Kabisado ko na bawat liko ng bituka mo!"

Hindi na lamang ako umimik at saka nagdire-diretso paglalakad. Bahala siya diyan. Hindi ko naman crush iyon. Masiyadong tamang hinala 'tong kaibigan kong 'to. Tsaka anong bitu-bituka ang pinagsasabi niya? Dati ba siyang doktor? Okay, corny.

"Teka lang naman! Ba't ba nagmamadali ka? Kapag naglakad ka ng mabilis ibig sabihin crush mo nga."

Tumigil ako paglalakad at dahan-dahan itong nilingon sa likuran ko. Sinamaan ko ito ng tingin na siya naman niyang ikinatawa. Mapang-asar talaga, e.

"Bakit ba hindi mo na lang aminin? Malay mo matulungan pa kita." Sinundot pa nito ang tagiliran ko na siya ko namang inilagan.

"Tulungan saan? Hindi ko crush iyon, huwag kang ano diyan! At isa pa, wala sa isip ko ang pakikipagrelasyon. Sakit lang ng ulo ang dulot ng mga 'yan. Lahat ng mga lalaking 'yan, manloloko." Nagpatuloy ako sa paglalakad at hindi na siya nilingon pa. Humabol naman siya sa matulin kong paglalakad. Lakad-takbo na nga yata ito.

"Saglit lang, ba't ka ba tumatakbo? At saka anong relasyon ang sinasabi mo? Crush lang naman. Masiyado kang advanced." Hingal na napakapit si Kath sa braso ko.

"Gano'n na rin 'yun!"

"Gaga! Todo tanggi ka pa kasi. Halata namang may gusto ka sa taga-Mt. Carmel na iyon."

Napairap na lang ako sa kawalan. Naihilamos ko na rin ang palad ko sa mukha ko. Ipagpilitan ba naman?! "Hindi nga! Konti na lang masusungalngal ko na iyang ngala-ngala mo! Pinipilit mong crush ko, eh, hindi nga."

"Tss. Sinasabi mo lang iyan."

"Ewan ko sa iyo." Tumakbo na ako papunta sa baywalk. Tatawa-tawa naman akong hinabol ni Kath. Hinila niya ang bag ko kaya wala akong nagawa kundi mapahinto sa pagtakbo. Tawa siya nang tawa kaya nahawa na lang din ako. Pinagtitinginan na rin kami rito sa baywalk pero patuloy lang kami sa paghalakhak.

"Teka, ang ganda ng sunset. Kuhanan natin ng picture!" excited na imik ni Kath at saka inilabas ang cellphone niya. Pumunta pa ito sa medyo malayo para mag-picture habang tuwang-tuwa. Panay talon pa. Parang bata, tss.

Pero okay na rin na ganiyan siya ngayon. Kesa naman magmukmok siya dahil sa manloloko niyang ex. Mga lalaki nga naman, common denominator na siguro nila ang pagiging cheater.

Hingal akong napaupo sa sementadong bench doon at saka inilabas din ang sariling cellphone. Kulay orange na ang paligid dahil bumababa na ang araw. Pigil-hininga kong pinagmasdan ang napakagandang sunset. Ngumiti ako at saka itinaas ang cellphone para kunan ng picture iyon.

Ikinagulat ko naman nang may lalaking humarang sa harapan ko. Natakpan tuloy iyong kinukunan ko ng picture. Ang ganda na sana, e! Siya tuloy ang napiktyuran ko't hindi 'yung sunset!

Nagsalubong ang mga kilay ko at saka tiningnan iyong lalaking nakaharang sa harapan ko. May kausap ito sa cellphone na nakalagay sa kaliwa niyang tainga. Ilang segundo ang lumipas bago siya lumingon sa kinaroroonan ko.

Naningkit ang mga mata niya at napakunot ang noo. Agad niyang ibinaba ang cellphone na hawak at saka lumapit sa akin. "Miss, kinukunan mo ba ako?"

Nabigla ako sa tanong niyang iyon. Excuse me?! Ang assumero naman nito. Pinakatitigan ko ang mukha niya at napaawang ang mga labi ko nang makitang siya iyong taga-private school na nakita ko kanina. Akala ko pa naman mabait 'tong isang 'to, mukhang mayabang din pala. Assumero pa. What a nice combo.

"Miss, naririnig mo ba ako? Ang sabi ko, kinukunan mo ba ako?"

"Bakit kita pipiktyuran?" agad kong tanong. I tried my best para hindi maging tunog iritable ang tono ko.

Ngumisi naman ang lalaki sa akin at saka itinuro ang hawak ko. "Akin na."

"A-Anong gagawin mo sa cellphone ko?" Agad kong inilayo sa kaniya iyon.

"Titingnan ko kung talagang hindi mo ako kinunan."

Pilit kong inilayo sa kaniya iyong cellphone ko pero sa tangkad niya't haba ng braso ay naagaw din niya iyon sa akin. "Akin na iyan!"

Pinagpipindot niya iyon at saka ipinakita sa akin. "Ano 'to? Akala ko ba hindi mo ako kinukunan? Eh, ano iyan?"

"Iyong sunset 'yung pinipiktyuran ko, okay? Humarang ka lang kaya ikaw ang nakunan."

Lalong lumawak ang pagkakangisi nito. "Really?"

"Anong really? Really mo mukha mo! Akin na nga iyan!" Inagaw ko ang cellphone ko na masuwerte ko namang nakuha pabalik. "Napakayabang," bulong ko.

"Ano iyon?"

"Wala. Ang sabi ko, ang hangin dito sa baywalk! Sobrang hangin." Ibinalik ko sa bag ko ang cellphone ko at saka hinanap si Kath. Nasaan na ba nagpunta 'yung babaeng iyon?

"Anong nangyayari dito?" tanong ni Kath habang palipat-lipat ang tingin sa aming dalawa. Halu-halong pagkagulat, pagkalito, at pang-aasar ang nasa hitsura nito. Mukhang timang, tss.

"Tara na, Kath. Baka mamaya tangayin pa tayo ng malakas na hangin dito."


Taka ako nitong tinitigan. "Ha? Hindi naman mahangin, ah."

"Hakdog. Tara na kasi!" Hinila ko ito palayo doon sa baywalk. Sa tagiliran na kami ng simbahan dumaan. Bakit doon? Kasi trip ko lang.

"Pakibura ng picture ko! Baka titigan mo pa iyan bago ka matulog!" sigaw no'ng lalaki sa likuran namin. Tumawa pa ito.

"Gago!" sigaw ko pabalik.

HEAVEN'S HAVEN | COMPLETEDWhere stories live. Discover now