CHAPTER 5

283 14 1
                                    

KANINA pa todo tingin sa kinauupuan namin ni Kath 'yung asungot kaya inirapan ko iyon. Narito na kami sa eatery daw nila. Ililibre daw niya kami pero hindi ako papayag 'no. Magbabayad ako! Baka mamaya isumbat niyan sa akin 'yung panlilibre niya.


"Oh, tapos ka na agad?" tanong ni Kath sa akin matapos kong tumayo.


"Oo, nawalan kasi ako ng gana." Nakatingin ako kay asungot habang tinatapos ang pangungusap na iyon. Hindi pa rin napuputol ang titig nito sa pwesto ko. Ano bang nakain niyan at ganiyan umasta iyan? Parang binuhay lang sa mundo para inisin ako.


Pumunta ako sa counter at saka inilabas ang wallet ko. Kumuha ako ng isandaan saka ipinatong doon.


Taka akong tiningnan ng babaeng naroon. "Libre daw po kayo ni Sir. Huwag na po kayong magbayad." Iniabot nito sa akin ang isandaan pero hindi ko iyon pinansin.

"Tara na, Kath," aya ko sa kaibigan kong nakikipagkuwentuhan pa sa kakilala niya sa kabilang table. Nang marinig ang sinabi ko'y agad itong lumapit sa akin.

Handa na sana kaming lumabas nang bigla namang humarang ang asungot sa daraanan namin. Maliit lang ang space ng pintuan kaya wala kaming choice kundi mapatigil.

"Teka, libre ko kayo, 'di ba? Kunin mo na 'yung binayad mo." Hindi pa rin umaalis ang asungot sa daan. Seryoso naman ang hitsura nito pero ewan ko ba't naaasar ako.

"Girl, kunin mo na lang para makauwi na tayo. Para matapos na," bulong ni Kath.

Hindi ko pinansin ang kaibigan ko. Nasa asungot pa rin ang paningin ko. "Salamat na lang pero hindi pa kami naghihirap ng kaibigan ko para kumain ng libre. Pwede na ba kaming lumabas?"

"Hindi. Kunin mo muna 'yung ibinayad mo. Libre ko 'to, e. Hindi kayo makakalabas hangga't hindi mo kinukuha." Lalong iniharang ng asungot ang sarili.

"Kunin mo na kasi," bulong ni Kath.

Napairap ako saka pumunta sa counter. Agad na inabot ng cashier ang ibinayad kong isandaan. Ipinakita ko iyon kay asungot saka siya pinaalis sa daan. Ngumisi iyon saka umalis at sinunod ang gusto ko.

Aalis na sana kami ni Kath pero pinigilan ko ang kaibigan ko sa paglakakad.

"Bakit? Saan ka pa pupunta? Akala ko aalis na tayo?" tanong ni Kath.

Imbes na sagutin ang tanong na iyon ni Kath ay lumapit ako kay asungot. Nagulat din ang asungot sa ginawa ko pero kalaunan ay ngumisi din. Lumapit ako rito hanggang sa ilang pulgada na lamang ang espasyo namin sa isa't isa. Inilapit ko ang bibig ko sa leeg nito papunta sa tainga at saka bumulong. "Huwag ako ang pagtripan mo," bulong ko rito at saka ko inilagay sa bulsa niya ang isandaan.

Pilit akong ngumiti rito saka ko na hinila si Kath paalis ng lugar na iyon.

---







"GRABE! Ang cool mo tingnan kanina, Heaven! Mukhang ready ka na for mature roles! Akala ko nga hahalikan mo na si––wait ano nga palang pangalan ng lalaking 'yun?"

Umirap ako. "Huwag mo na nga ipaalala 'yung asungot na 'yun. Tsaka anong ready for mature role? Mature role na rin ba ang pumatay? Kasi kung oo, ready na talaga ako't sa kaniya ko unang gagawin."

"Ang harsh. Bakit ba galit na galit ka sa lalaking 'yun? Mukha namang mabait, ah."

Muli akong umirap sa sinabi niyang iyon. "Una sa lahat, assuming siya. Ikalawa, mayabang siya. Ikatlo, napakakulit niya. Sinong 'di magagalit sa taong ganiyan? At isa pa pala, Feeling close siya. Nalimutan kong idagdag."

"Mukhang hindi naman, e. Mukha siyang anghel sa paningin ko. Ang bait-bait nga niya kasi nilibre niya tayo. Oh, heaven ka ta's anghel siya. Bagay na bagay!"

"Anong pinagsasasabi mo diyan? Una sa lahat, hindi niya tayo nilibre. Nilagay ko 'yung bayad sa bulsa niya. At ikalawa, hindi siya anghel. Mukha lang siyang inosente pero hindi iyan mabait."

"If I know, sinasab--"

Hindi na naituloy ni Kath ang sinasabi niyang iyon nang hilahin ko siya sa likod ng poste. Nagtago kami roon. Sinenyasan ko siyang tumahimik saka ako sumilip.

Nagsalubong ang mga kilay ko nang makita si Papa habang naglalakad. May kasama itong maputing babae na ka-holding hands. Tawanan sila nang tawanan. Hindi ko kilala ang babaeng kasama niya pero...

"Girl, anong meron? Ba't tayo nagtatago dito?" tanong ni Kath.

Muli ko itong sinenyasang tumahimik. Nang makalampas sila sa pinagtataguan namin ay saka ko hinila si Kath paalis ng posteng iyon. Ewan ko kung nakita kami ni Papa pero hindi na iyon mahalaga.

"Girl, si Papa mo na naman, 'no? May kasama na naman bang babae?"

Wala sa sarili akong tumango. Tulala lamang ako. Niyakap naman ako ni Kath pero hindi ko na nagantihan ang yakap niya, nanatili lang ako sa pagkakatitig sa kawalan. Gustuhin ko mang ibuka ang mga labi ko ay pinanatili kong tikom ang mga iyon. Marami akong gustong sabihin pero hindi ko mahanap ang mga tamang salita.

"Girl, I know wala ako sa katayuang sabihan ng masasamang salita ang tatay mo pero kasi... Huwag mo sanang mamasamain ang sasabihin ko pero sumusobra na siya, e. Hindi niyo deserve nila Tita ang ganoong klase ng tatay at asawa."

Tumango ako sa sinabing iyon ni Kath. Namasa ang mga mata ko pero sunod-sunod akong kumurap para magpigil. Nakarating na kami sa bahay nila Kath kaya pinapasok ko na siya doon.

"Ayaw mo ba talagang samahan muna kita? Pwede namang huwag muna akong umuwi, e."

"Ang sabi ni Tita kanina, umuwi ka raw agad after nating kumain." Pilit akong ngumiti sa kaniya saka siya pinilit na pumasok na ng bahay nila.

"Basta tandaan mo--"

"Hindi nakakaganda ang pagpasan sa problema nang mag-isa," pagputol ko sa sasabihin niya. Kumaway na ako kay Kath saka ako dumiretso paglalakad. Kinuha ko ang cellphone sa bulsa at saka nag-dial ng number ni Mama.

"Hello, anak. Nasundo ka na ba ni Papa mo diyan?" tanong ni Mama sa kabilang linya.

"Hello, 'Ma. Sa traysikel na lang po ako sasakay papunta sa bahay." Pinilit kong pasiglahin ang boses.

"Bakit? Pinapunta ko na diyan ang Papa mo para sunduin ka."

Peke akong tumawa. "Mukhang ibang babae ang nasundo, e. Akala yata ako iyon." Muling namasa ang mga mata ko. Tulad kanina ay kumurap ako ng maraming beses. Tumingala pa ako at pinaypayan ang mga mata.

Dinig ko ang pagbuntonghininga ng nasa kabilang linya. "Matanda na kasi 'yung tatay mo na 'yun kaya baka nalito lang. Papasundo na lang kita ulit sa Papa mo."

"Huwag na po, nakasakay na rin naman ako sa traysikel. Aandar na 'to," pagsisinungaling ko kahit ang totoo'y naglalakad pa lang naman ako. Pinatay ko na ang linya matapos naming magpaalam sa isa't isa.

Naglakad na lamang ako padiretso habang yakap ang sarili. Panay tulo ng mga luha sa pisngi ko na agad ko namang pinupunas. Baka kung anong isipin ng mga tao dito sa kalsada. Nanatili ako sa pagiging tulala habang binabagtas ang daan.

"Miss! Tabi!" sigaw ng isang lalaki.

Nanumbalik lang ako sa kasalukuyan nang may tumulak sa akin papunta sa tabi ng kalsada. Napatama ang dulo ng daliri ko sa gilid ng humaharurot na truck.

Lumingon ako sa taong nagtulak sa akin. Nagsalubong ang mga kilay niya nang mapagmasdan ang mukha ko. "Heaven? God! What were you thinking? Magpapakamatay ka ba?"

At nang makilala ko ang hitsura niya ay nagsalubong din ang mga kilay ko tulad niya.

Anong ginagawa ng lalaking 'yan dito?!

HEAVEN'S HAVEN | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon