CHAPTER 34

64 2 0
                                    

HINDI matanggal ang pagkakatitig ko sa nakapatong na picture frame ni Mama. Napakaganda ng pagkakangiti niya roon.


Sa picture ko na lang siguro makikita 'yang magandang ngiti na 'yan...


Hindi na ako nag-abalang punasin pa ang luhang dumaloy sa pisngi ko. Hinayaan kong maglakbay ang mga iyon hanggang sa pumatak sa sahig.


"Buong magdamag ka nang gising, Heaven. Baka naman gusto mong magpahinga," ani Kath na nasa tabi ko.


Umiling ako. Gustuhin ko mang magsalita, nagdikit na ang mga labi ko kaya hindi ko na iyon magawa.


"Condolences, hija."


Napalingon ako sa dumating. Si Tita Adeline. Lumingon ako sa likuran niya para tingnan kung may iba pa siyang kasama pero mukhang siya lang mag-isa. Ibinalik ko na lamang ang paningin sa picture frame ni Mama.


"Hinahanap mo ba si Axen?" tanong ni Tita.


Hindi ako sumagot sa tanong na iyon. Itinungo ko na lamang ang ulo ko kinagat ang pang-ibabang labi para pigilan ang nagbabadyang paghagulgol.


"Hanggang ngayon hindi pa rin siya umuuwi sa amin, hija. Pero huwag kang mag-alala, ni-report na namin siya sa mga pulis as missing. Pasensya ka na kung hindi ka niya madamayan ngayon."


Iniangat ko ang ulo ko at tiningnan nang tuwid si Tita Adeline. "Okay lang po. H-Hindi niya naman po siguro alam."


Napatingin sa akin si Kath, marahil ay nagulat dahil ngayon lang ako unang beses na nagsalita mula kahapon.


Walang nagsalita sa kanilang dalawa kaya binalik ko na lang ang paningin sa picture ni Mama. Magmula kahapon ay hindi ko matingnan ang kabaong ni Mama. Hindi ko siya magawang silipin. Natatakot ako. Natatakot akong humagulgol na naman at maramdaman na naman ang hindi matatawarang sakit sa dibdib ko.


Nakakatakot 'yung sakit.


Napakalinaw pa sa alaala ko ng mga pangyayari bago ako pumasok sa school. Kung alam ko lang. Kung alam ko lang na iyon na ang huling araw na makikita ko siyang buhay, sana hindi na ako umalis pa. Sana hindi na lang ako nakinig sa kaniya. Sana napigilan ko siya.


Napakahigpit ng pagkakayakap ko kay Mama habang magkatabi kami sa kama. Dinig ko ang pagsinghot niya. Buong magdamag siyang umiiyak at walang imik. Nakakapag-alala.


"Bakit narito ka pa, Heaven? May pasok ka pa, 'di ba? Final exam niyo ngayon."


"Magsasabi na lang po ako sa adviser namin. Hindi ko kayo pwedeng iwan ngayon." Lalo kong inihigpit ang pagkakayakap ng mga braso ko kay Mama.


"Huwag mo kong alalahanin. Pumasok ka na, baka ma-late ka. Hayaan mo na ako rito."


Umiling ako habang nakasandal ang baba sa balikat niya. "Ayoko, 'Ma. Hindi ako aalis."


"Paano na tayo makakamartsa sa graduation mo kung hindi ka makakapag-exam? Sige na, bumangon ka na diyan at mag-intindi na ng pagpasok. Okay lang si Mama."


Kung alam ko lang...


Hindi ko na sana siya iniwan pang mag-isa. Wala na akong ibang kayang gawin ngayon kundi magsisi. Nakakapanlumo.


"H-Heaven..."


Napalingon ako sa tumawag na iyon. Nasa pinto, nakatayo ang isa sa mga taong kinamumuhian ko ngayon. Agad na nagsalubong ang mga kilay ko at mabilis pa sa alas-kwatro akong sumugod papunta rito.


HEAVEN'S HAVEN | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon