CHAPTER 33

56 4 0
                                    

KINABUKASAN...


"HEAVEN! Na-review mo ba lahat ng eeksamin natin ngayong araw?" malakas na tanong ni Kath nang masalubong ko siya sa gate ng school.


Tsaka lang ako natauhan nang marinig iyon sa kaniya. Tumango na lamang ako kahit pa hindi ko gaano naintindihan ang tanong niya dulot ng pagkakatulala.


"Ako hindi, e! Nakatulog ako pag-re-review! Pagaya na lang ako!" Niyakap pa nito ang braso ko.


Tipid lamang akong tumango. May mga sinabi pa si Kath na hindi ko na naintindihan pa. Abala sa paglalayag ang utak ko sa kung saan. Ang totoo niyan, hindi na ako nakapag-review. Buong magdamag akong gising. Sinamahan ko si Mama na panay ang hagulgol sa kwarto niya.


"Heaven!" Inalog ako ni Kath dahilan para manumbalik ako sa kasalukuyan. "Umiiyak ka ba?!"


Natigilan ako at agad na pinunas ang luhang tumulo sa pisngi ko.


"Anong nangyari? Nag-away na naman ba sila Tito't Tita?"


Hindi ako makatingin nang maayos sa kaniya. Walang imik, dumiretso ako papuntang banyo. Alam kong sinundan ako ni Kath pero ni-lock ko ang CR. Doon na nagsituluan ang mga luha ko. Hinayaan kong umagos ang mga iyon sa pisngi ko. Tinakpan ko rin ang bibig para hindi gumawa ng ingay.


"Heaven, magsisimula na ang final exam. Ano pang ginagawa mo diyan?" nag-aalalang tanong ni Kath.


"M-Maghihilamos lang... a-ako." At iyon nga ang ginawa ko. Humarap ako sa salamin at pinakatitigan ang basang mukha.


Kamukhang-kamukha ko si Papa...


Muling tumulo ang mga luha ko. Nanumbalik sa isip ko ang mga nangyari kagabi—kung paano pinalayas ni Mama si Papa, kung paano pinagtatapon ni Mama ang mga damit ni Papa sa labas ng pinto, at kung paano ako lumuha habang pinapanood ang senaryong iyon.


Napakapit ako sa dibdib nang mainikip iyon. Ang isa kong kamay ay napatuon sa gilid ng lababo nang manghina ang mga tuhod ko. Pumatak sa sahig ang mga luha ko nang itungo ko ang mukha ko.


Nanginginig ang mga kamay kong pinunas ang mga luha. Huminga ako nang malalim at saka muling naghilamos.


---


"MS. ERANISTA! Are you sleeping?"


Napamulat ako nang marinig iyon. Nanlalaki ang mga matang napaangat ako ng paningin. Pinasadahan ko ng tingin ang buong classroom. Lahat ng kaklase ko, sa akin nakatingin. Lahat sila nasa akin ang atensyon.


"Natutulog ka ba habang ongoing ang final exams? Gusto mo bang bumagsak?"


Agad akong umiling at saka tiningnan ang papel sa desk ko. Nanginginig ang mga kamay kong inilapit iyon sa akin at pinakatitigan. Wala man lang itong sulat kahit ano, kahit pangalan ko. Dali-dali kong ikinahig ang ballpen ko roon nang nanginginig ang kanang kamay.


"Halos 20 minutes na lang ang natitirang oras mo, Ms. Eranista."


"P-Pasensya na po."


Bahagyang tumawa ang babaeng guro. "Huwag ka sa 'king humingi ng pasensya. Mag-sorry ka sa sarili mo dahil babagsak ka sa final exam mo."


Umiling ako nang umiling.


Hindi pwede 'to.


Namasa ang mga mata ko habang mabilis na nagsusulat sa papel. Humigpit ang pagkakakapit ko sa ballpen at muling ipinagpatuloy ang pagsasagot. Napunit ang papel sa pagmamadali ko.


Natulala na lamang ako habang tinititigan ang pigtas-pigtas nang test paper. Nagsituluan ang mga luha ko habang pinagmamasdan iyon.


"Ms. Eranista—"


Hindi ko na hinintay pang magsalita ang teacher. Tumayo ako at saka ko kinuha ang bag ko. Dali-dali akong lumabas ng classroom at pumasok sa CR. Napaupo na lamang ako sa likod ng pinto matapos iyon i-lock.


Bahagya kong pinagsusuntok ang dibdib kong naninikip habang panay ang hagulgol ko.


"M-Mahal ko kayo..." Pinunas ni Papa ang luha sa pisngi at saka siya tumayo. "...pero kailangan ako ng bata."


Tinakpan ko ang bibig nang lumakas ang paghagulgol ko.


Iniwan na kami ni Papa. Wala na kaming halaga pa sa kaniya.


Sa gitna ng paghagulgol ko ay tumunog ang ringtone ng cellphone ko. Agad ko iyong kinuha sa bulsa. Lumuluha kong sinagot ang tumawag na kapitbahay namin. Hindi ko alam kung anong dahilan kung ba't siya tumawag pero malalaman ko lang kung sasagutin ko iyon.


"Heaven!"


"Hello—" Naputol ang imik ko nang marinig ang hagulgol nito.


"Ang mama mo!"


"P-Po? Ano pong nangyari kay Mama?"


Naibagsak ko ang cellphone matapos marinig ang sagot ng kapitbahay ko.


---


DALI-DALI akong bumaba ng traysikel matapos tumigil nito sa tapat ng bahay namin. Sobrang daming taong nakapalibot sa bahay kaya kinailangan ko pang magpasintabi para makadaan. Agad naman silang humawi nang makita ako.


Panay ang bulungan nila. May ilan pang nakalabas ang mga cellphone at mukhang kinukunan ng video ang mga nangyayari.


Tumakbo ako papunta sa loob ng bahay. May mga pulis na nasa loob na agad na napatingin sa akin.


"N-Nasaan po si Mama?"


Hindi sila sumagot. Malungkot lamang silang tumingin sa akin at saka umiwas ng tingin.


"Nasaan si Mama?!! Nasaan ang nanay ko!" Inisa-isa ko ang mga kwarto at nang mapunta ako sa kwarto ni Mama ay para bang nanghina ang mga tuhod ko. Agad akong napaluhod nang makita si Mama sa itaas. Nakasabit ang leeg sa lubid.


"MAMA!"

HEAVEN'S HAVEN | COMPLETEDWhere stories live. Discover now