CHAPTER 27

136 6 2
                                    

NATAPOS din doon ang pag-uusap naming dalawa. May bigla kasing tumawag sa cellphone niya kaya naiwan akong tulala roon. Pinagpatuloy ko na lang ang paglalakad dahil ang sabi niya'y may kikitain daw siyang kakilala.


Hindi na kami nagkita ulit matapos ng pag-uusap na iyon. Nag-exam kami nang matiwasay ni Kath. Bumiyahe rin kaming dalawa pabalik ng Polillo nang wala man lang akong naririnig ulit mula kay Axen. Hindi niya ako t-in-ext o anuman. Hindi naman niya responsibilidad na i-update ako so wala akong karapatang magreklamo.



Saktong pagdating ko sa bahay saka ako nakatanggap ng text. "How's the trip?" pagbasa ko sa text mula kay Axen.



"Sino iyan, ha?" Ikinagulat ko naman nang biglang magtanong si Mama habang ilang minuto na akong tulala sa cellphone ko. "Si Xianiel iyan, ano?"


Umiwas ako ng tingin at saka ibinulsa na ang cellphone. "Wala po!" Niyakap ko si Mama patalikod at saka iginewang-gewang ang mga katawan namin. "Na-miss kita, 'Ma."


"Asus! Naglambing ang dalaga ko. Kumusta ang exam? Nahirapan ka ba?"



Tumango ako. "Opo, mahirap. Pero kilala niyo naman ako, hindi ako sumasabak sa laban nang hindi handa."

"Malapit ka nang maging teacher, anak."


Natawa ako nang bahagya. "Mahigit apat na taon pa, 'Ma. Medyo matagal pa naman."



"Mabilis lang ang panahon ngayon, Heaven. Tingnan mo, isang araw nakatayo na tayong dalawa sa stage hawak ang diploma mo." Humarap siya sa akin at saka ngumiti. Hinaplos niya rin ang buhok ko at saka ako muling niyakap.


Gumanti ako sa yakap niyang iyon nang mas mahigpit. "Pangako, 'Ma, magiging teacher ako. Tandaan mo 'tong pangako ko."


---


"BIRTHDAY daw ni Axen, ah. Wala ka bang balak pumunta?" tanong ni Kath habang naglalakad kami pauwi. Natapos na naman ang isang araw ng pasok namin sa school.



Napalingon ako kay Kath at saka umiling. "Binati ko na siya sa text. Okay na iyon."



"'Di ba nga girlfriend ka niya? Magtataka naman 'yung mga tao pati 'yung mga magulang ninyo kung hindi ka pupunta sa birthday party ng boyfriend mo."


Nagkibit-balikat ako. "Ang sabi niya after ng pag-take niya ng entrance exam for college, tatapusin na namin ang agreement. Kung hindi ako nagkakamali, iyan ang sinabi niya."



"Ha? So break na kayo? Iyon na ang ganap niyo ngayon?"


Muli akong nagkibit-balikat saka nagpatuloy sa paglalakad. Tumunog ang cellphone ko senyales na may tumatawag. Pero pinatay ko lang ang tawag nang makita ang pangalan ni Axen. Samu't sari rin ang text messages niya na hindi ko binabasa. Binuksan ko iyon at puro pang-iimbita lang ang nakalagay.


Ini-invite niya ako sa birthday party niya.


"Hindi ka ba talaga pupunta? Kasi kung hindi ka pupunta, hindi na lang din ako. Inaaya din ako, e."


Umiling ako sa tanong na iyon ni Kath. "Alam mo naman ang sitwasyon namin ngayon, 'di ba? Ang sabi ko sa sarili ko, iiwasan ko na muna siya."


"Birthday n'ong tao. Sayang naman 'yung mga handa."


Umirap ako. "Anong masasayang? Kakainin din naman 'yun ng ibang bisita."

"Pero seriously, ganiyan na lang ba talaga? Back to strangers ulit kayo?"


Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko alam. Basta ang malinaw sa akin, iiwasan ko muna siya para hindi na lumalim pa ang nararamdaman ko. Corny mang sabihin pero sa tuwing nakikita ko siya, lalo akong nahuhulog, e."


HEAVEN'S HAVEN | COMPLETEDWhere stories live. Discover now