CHAPTER 30

186 9 1
                                    

ILANG oras matapos umalis ni Sir Arman sa bahay ay panay na ang text at tawag ni Axen. Nalaman na siguro niya mula sa daddy niya na pumayag akong makipaghiwalay sa kaniya.

Oo, pumayag ako.

Wala naman talagang kami, e. Mas okay nang tapusin namin ang agreement at ang fake relationship namin kaysa naman hindi siya makapag-teacher. Mas mahalagang matupad niya ang pangarap niya at kung anong gusto niya.

Pinatay ko ang cellphone ko at saka ako nagtalukbong ng kumot. Ilang beses kong kinumbinsi ang sarili ko na tama ang naging desisyon ko. Pero heto't panay naman ang patak ng mga luha ko. Masasabi ko bang tama ang naging desisyon ko kung nasasaktan ako?

Yumakap ako ng unan at tinakip ang bibig ko roon upang hindi gumawa ng ingay. Tahimik lang akong humahagulgol, panay ang tulo ng luha sa pisngi.

"Anak..." May kumatok sa pinto. "Heaven, may naghahanap sa iyo sa labas."

Pinunas ko ang luha ko at saka inayos ang sarili ko. "S-Sino po 'yun?"


"Si Xianiel, anak. Gusto ka raw niya makausap."

Napapikit ako at pinigilan ang pagtulo ng luha. "Pakisabi po, 'Ma, medyo masama ang pakiramdam ko. Bumalik na lang kamo siya sa ibang... a-araw."


Hindi naman na umimik si Mama. Nadinig ko na lang ang yabag ng mga paa niya palayo sa kung nasaan man ang pinto ng kwarto ko.

Nagtalukbong na lang ako ng kumot at pilit na ipinikit ang mga mata. Sana pwede ko na lang itulog 'to tas paggising ko okay na 'ko. Muli kong niyakap ang unan ko habang tahimik lamang na lumuluha sa loob ng kwarto.

---

"ANG taas ng lagnat mo, Heaven. Ano bang ginawa ninyo kanina at nagkaganito ka?"

Humahaplos sa noo ko ang malamig at basang bimpo dahilan para dahan-dahan kong imulat ang mga mata ko. Blurred pa ang paningin ko noong una pero umayos din matapos ang ilang segundo. "'M-Ma..."

"Oh? Kakain ka mamaya, ha? Iinom ka ng gamot kaya kailangan mong kumain kahit konti. Ano bang ginawa ninyo at nilagnat ka?"

Hindi ako umimik. Sa sobrang init ng singaw ng katawan ko ay awtomatikong pumatak ang mga luha sa pisngi ko. Nang maalala ko si Axen ay sunod-sunod nang dumaloy ang mga luha ko.


"Nag-away ba kayo ni Xianiel?" tanong ni Mama habang patuloy sa pagpupunas sa noo ko. Hinaplos din niya ang buhok ko.

Hindi ako umimik. Wala akong lakas para kumilos o ibuka man lang ang bibig ko. Nanatili ako sa pagkatulala habang panay ang tulo ng mga luha ko.


Ilang minuto pa ang lumipas at lumabas si Mama ng kwarto ko. Kukuha daw siya ng pagkain ko para makainom na ako ng gamot. Pero imbes na siya ang makita kong bumalik at pumasok sa kwarto'y iba ang nakita ko. "A-Anong ginagawa mo... r-rito?" Pinilit kong tapusin ang tanong na iyon.

Napalunok ako nang maraming beses habang lumalapit siya sa akin. Napaiwas ako ng tingin.


Umupo si Axen katabi ng kama ko habang dala ang mangkok ng lugaw. May hawak din siyang isang baso ng tubig na ipinatong niya sa kalapit na lamesita. "Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sa iyo, hindi na sana kita inayang pumunta sa Blue Village." Hinawakan niya ang noo ko, dinarama ang init doon. "Ang taas ng lagnat mo."

"Anong ginagawa mo rito?" iritable kong pag-uulit sa tanong.

Bahagyang natigilan si Axen. Kapagkuwa'y umiwas siya ng tingin at pilit akong pinaupo.

HEAVEN'S HAVEN | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon