CHAPTER 38

53 3 0
                                    

DAHAN-DAHAN kong iminulat ang mga mata ko nang masilaw sa napakalakas na liwanag. Ilang beses akong kumurap dahil sa panlalabo ng paningin. Nasaan ba ako?


Iginalaw ko ang ulo pero agad na kumirot ang bandang noo ko. Napangiwi ako dahil doon. Nagpoproseso pa lamang ang utak ko sa mga nangyayari nang biglang bumukas ang pinto.


"Heaven?!" Agad na lumapit sa akin si Kath. "Gising ka na! Thank God!"


"K-Kath?" Sinubukan kong tumayo pero animo'y walang lakas ang mga braso ko para alalayan ang sarili. Napahiga rin ako agad at napadaing.


"Huwag ka munang magkikilos. Ipahinga mo ang sarili mo. Jusko! Pinakaba mo ako!" Nagpaypay ito ng sarili.


"A-Akala ko ba pumunta kang Maynila para intindihin 'yung college mo?"


"Oo nga. Pero bumalik din ako agad matapos kong malaman na may nangyari sa 'yo rito sa Polillo."


Nang sabihin niya iyon ay saka nanumbalik sa isipan ko lahat ng nangyari. Kung paano ako tumilapon sa puno sa gilid ng kalsada. At kung paano ako nawalan ng malay matapos...


'Yung lalaki...


Niligtas ako n'ong lalaki!


"May lalaki ka bang nakitang sinugod din dito sa ospital?" nanlalaki ang mga mata kong tanong.


"Lalaki?" naguguluhan niyang tanong. "Sinong lalaki? Omg ka, kadarating ko lang galing Maynila. Wala akong alam sa sinasabi mo."


Napabuntonghininga ako. Pinilit kong alalahanin lahat ng nangyari. Posibleng mamukhaan ko 'yung lalaki kung pipilitin kong alalahanin ang lahat. Sa pagkakaalala ko, nakita ko siyang isinakay sa loob ng ambulansya bago ako. Posibleng magkasabay kaming isinugod dito.


Ipinikit ko ang mga mata at pilit na pinokus ang sarili.


Lalaki...


Sino ka ba?


Nakasuot siya ng black na t-shirt at maong pants. Hindi ko nakita ang mukha niya. Puro dugo. Iyon lang ang naalala ko, napakaraming dugo sa kalsada noon.


Nang bubuhatin na ang lalaki papasok ng ambulansya ay aksidenteng napabaling siya paharap sa kinapupuwestuhan ko. Pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit... malabo ang hitsura niya.


---


NAPABALIKWAS ako ng bangon. Hinihingal akong tumingin sa kanan at kaliwa bago nagpunas ng mga pawis ko sa noo. Maging leeg ko ay nanlalagkit na rin ng pawis.


Napanaginipan ko na naman 'yung aksidenteng nangyari ten years ago. At 'yung lalaki... ano na kayang nangyari sa kaniya? Namatay kaya siya sa aksidenteng 'yun?


Napatakip ako ng palad sa mukha.


Kasalanan ko kung bakit siya naaksidente. Niligtas niya ako. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung namatay siya nang dahil sa akin.


"Ate!" Pumasok si Kane sa kwarto ko dala ang isang baso ng tubig. "Narinig ko po kayo sa kwarto ko. Binabangungot po ba kayo?"


Nagsalubong ang mga kilay ko. "Hindi ba't kabilin-bilinan ko sa 'yong huwag kang papasok ng kwarto ko?"


Napatungo siya ng ulo. "Eh, k-kasi—"


"Labas!"


"Paano po kung may  masamang nangyari sa inyo? Hahayaan ko lang po ba kayo?" Matapang nitong sinalubong ang paningin ko. Pero kapagkuwa'y umiwas din ito ng tingin.


HEAVEN'S HAVEN | COMPLETEDWhere stories live. Discover now