CHAPTER 15

136 11 0
                                    

BINILISAN ko pa ang paglalakad habang sinusundan si Axen. Napunta na ako sa isang garden na pakiramdam ko'y malayo na sa ginaganap na party. Gayunpaman ay dinig pa rin ang tugtog na galing mula roon.



Nagpalinga-linga ako para hanapin si Axen. Nawala siya sa paningin ko. Saan ba sumuot 'yung asungot na 'yun?


Ikinagulat ko na lamang nang may magtakip sa bibig ko. Nanlaki ang mga mata ko at nagkakawag. Nang pakawalan ay agad kong pinagpapalo si Axen. "Aatakehin ako sa puso sa kagagawan mong bwisit ka!"


"What are you doing here?" seryosong tanong ni Axen.


"Sinusundan ka, obvious ba? Kailangan ka raw doon, e. Pinapahanap ka sa akin ng dad mo kanina. Pero... huwag ka na lang pala pumunta, mukhang kilala ka naman na nila. Kilala na rin naman nila ako. Okay na 'yun."


Sarkastikong tumawa si Axen. "Wala naman talaga akong balak humarap sa mga iyon. Sinadya kong huwag pumunta sa kanila kanina. Hindi nga dapat ako pupunta sa party kung hindi lang dahil sa iyo. Kung tumanggi ka lang sana sa invitation ni Dad, baka parehas tayong wala ngayon dito."


"Eh, 'yung mama mo? Hindi ba siya magagalit kung hindi ka pupunta? Birthday pa naman niya."


"No, she understand naman. Alam niyang ayaw kong um-attend kasi hinuhusgahan ako ng mga business partners ni Daddy."


Hindi ako nakaimik. Totoo naman kasing masiyadong judgemental 'yung mga kausap ni Sir kanina. Kung makapagsalita'y akala mo nasa sariling teritoryo. Ni hindi iniisip kung anong mararamdaman ni Sir at ni Axen. Tss.


"Mukhang alam mo na..."


Napalingon ako sa kaniya. "Ang alin?"


"'Yung dahilan kung ba't hindi kami close ni Dad."


"Ah." Tumango ako. Hindi ko alam kung dapat ko bang banggitin kung anuman iyon. Baka hindi siya komportableng pag-usapan.


"Wala naman akong pakialam sa mga sasabihin ng mga iyon. Si Dad lang talaga ang inaalala ko."


Bumuntonghininga ako. "Sorry to ask pero hindi mo man lang ba nagawang magpaliwanag sa kanila kung ano talaga ang totoo? Kung totoong hindi ka bakla, dapat sinasabi mo sa kanila."


Naglabas siya ng pekeng tawa. "Ilang beses ko nang ginawa. Pero ang sabi nila, action speaks louder than words. Kaya hinayaan ko na lang, bahala silang isipin kung ano ang gusto nilang isipin sa akin at sa sexuality ko. Sarado mga utak nila, e."


"To be honest, walang pumasok sa isip ko na bading ka. Totoong minsan nga medyo feminine ka kumilos pero hindi naman basehan 'yun. Boys can be feminine too."


Ngumiti siya sa akin. "Salamat."


"Saan naman?"


"Sa pagpapagaan ng loob ko ngayon. Alam ko namang medyo naiinis ka sa akin at sa kakulitan ko sa iyo pero heto't sinundan mo pa ako. Salamat sa pag-aalala."


Ngumiwi ako. "Huwag ka ngang assuming. Nag-aalala agad? At saka anong medyo naiinis? Naiinis talaga ako sa iyo! Puro pambibwisit ang dulot mo sa 'kin!"


Natawa si Axen sa sinabi kong iyon. Huminga siya ng malalim bago muling tumingin sa akin. "Salamat din sa pagpayag na magpanggap na girlfriend ko. Alam kong sobrang kapal na ng mukha ko para ipagawa iyon sa iyo."


"Buti alam mo."


"Salamat talaga."


Ngumiwi ako. "Hindi ako pumayag dahil nag-aalala ako sa iyo, ah. Pumayag ako kasi alam kong magbe-benefit din ako rito. Kaya ikaw, siguraduhin mong hindi makakalapit sa akin si Shun."


"Kahit naman hindi ka magpanggap na girlfriend ko, ilalayo pa rin kita sa hayop na 'yun. Kung pwede nga lang, matagal ko nang pinalayas sa Rhudarda 'yun."


Bahagya akong natigilan sa sinabi niyang iyon. Pero napailing na lamang ako at iwinaksi ang bagay na pumasok sa isip. "Then it's settled, may deal na tayo. Hanggang kailan ko ba kailangang magpanggap?"


"Hanggang sa pumayag si Dad na mag-take ako ng BEED sa college. Simula noong nalaman niyang may girlfriend na ako, madalas na siyang pumayag sa mga gusto ko. Kaya hintayin muna natin siyang pumayag."


Tumango ako. "'Yung mama ko nga pala, gawin mo ang lahat ng makakaya mo para pasayahin siya. Simula noong inakala niyang may something sa atin, palagi na siyang nakangiti. Tulungan mo 'kong pasayahin siya lagi."


"Deal!" Nakipagkamay siya sa akin. Nag-take pa kami ng picture na dalawa habang naka-pinky swear ang mga daliri.

HEAVEN'S HAVEN | COMPLETEDWhere stories live. Discover now