CHAPTER 3

377 21 0
                                    

"NAKATULOG naman po ako nang maayos kagabi kanila Kath. Huwag po kayo mag-alala. Uuwi rin ako mamaya sa bahay kapag nakuha ko na 'tong medical certificate ko. Last na 'to! Stay put ka lang diyan sa o
bahay, okay?" pakikipag-usap ko kay Mama sa cellphone ko.

Habang naglalakad papuntang medicare ay kausap ko siya sa hawak kong cellphone. Sabado na ngayon at ikalawang attempt ko ng pagkuha ng medical certificate. Kailangan kasi iyon para sa gaganaping Work Immersion sa Lunes.

"Ingat ka, anak. Magpasundo ka na lang sa Papa mo mamaya."

"Kay P-Papa po?" Napalunok ako. "H-Hindi na, 'Ma. Sa traysikel na lang po ako sasakay pauwi."

"Bakit naman? Mas makakatipid ka ng pamasahe kung sa kaniya ka na sasakay. Nasa bayan din naman siya ngayon at may trabaho."  

Hindi na ako umimik at nagpaalam na lang agad-agad sa kausap. Masisira lang ang araw ko kapag pinag-usapan namin ang ama kong iyon.

Nagdire-diretso na lamang ako paglalakad papuntang medicare. Ang usapan namin ni Kath ay sabay kaming pupunta rito pero ang sabi niya'y mauna na raw ulit ako. May iintindihin pa pala siyang requirements sa munisipyo. Sana naman matapos na niya iyon agad para sabay kaming makakuha ng medical certificate ngayon.

Sobrang haba na naman ng pila tulad kahapon. Ang pangako ko pa naman ay aagahan ko ng punta rito para mauna na ako pagpapa-medical. Pero nakakainis lang kasi tinanghali ako ng gising.

"Miss, may nakaupo ba rito?" tanong ko.

Agad namang umiling ang babae kaya umupo na ako roon. Nagpaypay ako ng ID ko sa leeg habang inilalakbay ang paningin sa buong medicare. Napakarami talagang tao.

"May emergency daw po si Doctor Garcia ngayon kaya pinapasabi po na sa iba na lamang kayong medicare or hospital magpa-medical. Pasensya na po," anunsyo ng isang nurse doon.

Napaawang ang bibig ko at naibagsak ang hawak na ID. Napairap ako sa kawalan. Hanggang kailan ba ako dapat magpabalik-balik para lang makuha iyong medical certificate na iyon? Pwede bang ako na lang mag-check up sa sarili ko? Mukha namang fitted ako magtrabaho for immersion, okay na siguro 'to. Napatayo na lamang ako sa kinauupuan nang bagsak ang mga balikat. Pakiramdam ko'y lukot-lukot na ang mukha ko sa pagkadismaya.

"Hello, Kath," sagot ko sa tumawag nang biglang tumunog ang cellphone ko. Medyo lumayo pa ako for privacy, siyempre.

"Nauna na ako rito sa Tambangin. Dumiretso ka na rin dito, dito na lang tayo magpa-medical. Balita ko may emergency kemerut daw si Doctor Garcia diyan, e."

Bumuntonghininga ako. "Bakit hindi mo na ako hinintay?"

"Isinakay kasi ako sa motor nitong kakilala ko. Nakakahiya namang tanggihan."

"Kakilala? O baka naman bagong kaharutan?" pagbibiro ko.

"Hayaan mo na nang maka-move on ako agad sa gagong Andy na 'yun." Tumawa pa ito sa kabilang linya.

"Ewan ko sa 'yo. Di ka na nadala sa mga lalaking manloloko."

"Ikaw din pala, baka naman nakikipagharutan ka rin diyan sa lalaking taga-private school. Dumiretso ka na agad dito!"

Ngumiwi ako sa sinabi niyang iyon. And speaking of the devil, narito ngayon sa harapan ko iyong mayabang na asungot. Binaba ko na ang tawag namin ni Kath saka ako naglakad malapit sa kalsada para mag-abang ng sasakyang traysikel.

Todo takip pa ako sa mukha ng kamay dahil sa tirik na tirik ang araw. Bakit pa kasi ngayon pa nawalan ng masasakyang traysikel?

"Miss, hindi na ba pwedeng magpa-medical?" tanong ng asungot na mayabang.

Hindi ko iyon pinansin. Todo hanap lang ako, kaliwa't kanan, ng traysikel na pwedeng sakyan papuntang Tambangin.

"Miss, hindi—"

"Oo," pagputol ko sa sinasabi niya.

"Salamat. Saan ka na ngayon magpapa-medical?"

"Anong pake mo?" walang gana kong tanong. Kumaway ako sa isang traysikel na dumaan pero nang makitang puno iyon ay nanlumo ako.

"Ang sungit naman nito."

"Bakit mo ba tinatanong?" Tumingin ako rito. Hindi ko na maitago ang pagkairita. Sino ba naman ang di maiirita sa taong makulit? Ni hindi nga kami magkakilala.

"Para ihatid kita kung saan iyon. Ayon, oh! Dala ko 'yung motor ko."

Naningkit ang mga mata ko at saka siya tiningnan at tinantya kung nagbibiro ba siya o ano. "Anong trip mo?"

"Gusto lang kita tulungan. At saka papunta na rin naman ako do'n. Wala ka rin lang naman masakyan, edi isasakay na lang kita sa motor ko." Kumindat pa ito.

"Ayoko." Itinuon ko ulit ang paningin ko sa kalsada at nagpalinga-linga sa mga sasakyang dumaraan.

"Bakit? Tara na, baka dumami pa lalo ang mga tao doon. Baka abutin na naman tayo ng cut-off." Inihayag pa niya sa harap ko ang kanang kamay niya. Anong gagawin ko diyan?

Umirap na lang ako sa kawalan at saka naglakad. Agad naman niya 'kong hinarangan dahilan para mapairap na naman ako nang wala sa oras. "Huwag kang makulit, pwede?"

Ngumisi lamang ang lalaki. "Baka nakakalimutan mong nasa cellphone mo pa ang picture ko? Hindi ako magagalit basta payagan mo lang akong ihatid ka."

Sobrang lapit namin sa isa't isa. Tipong bawat hinga niya ay lumalapat sa balat ko. Naroon na naman ang simoy ng matapang niyang pabango. Ni hindi ko na mailarawan ang amoy niyon dahil sobra akong distracted sa mukha niyang napakalapit.

"Lumayo ka nga sa akin! At saka paano ka naman nakakasigurong hindi ko nga na-delete 'yung picture mo?"

Lumawak lalo ang pagkakangisi niya. "Then prove it to me. Ipakita mo."

Inilabas ko ang cellphone ko. Wala akong kailangang patunayan sa asungot na 'to pero hinahamon niya ako. Hindi ako pwedeng magpatalo. Binuksan ko ang phone ko at agad na pumunta sa gallery. Bumungad sa camera folder ko ang against the light at medyo blurred niyang picture. Shet, hindi ko ba talaga na-delete?!

Nanginginig ang mga daliri kong pinindot ang delete button. Napatingin pa ako kay asungot na todo ngisi lamang sa harap ko. "Oh, ayan! Tingnan mo! Wala kang picture diyan!" Halos ipagduldulan ko sa mukha niya ang screen ng cellphone ko.

"Kaka-delete mo lang, e. Ayan oh, nangunguna sa recently deleted." Natawa ito.

"At least d-in-elete ko!"

"Ngayon mo lang d-in-elete. Baka tinitigan mo pa iyan buong magdamag." Mapang-asar ako nitong tiningnan at balak pang sundutin ang tagiliran ko.

Tangina, close ba kami? Kung makaasta 'to akala mo friends kami, ah.

"Ang lakas ng trip mo, ah." Inirapan ko ito. Sinimulan ko na ang paglalakad at iniwan ang asungot sa kinatatayuan niya.

"Heaven!" pagtawag nito na siyang ikinatigil ko. Paano niya nalaman ang pangalan ko? "Heaven!"

Nang lumingon ako sa kaniya ay nagulat ako nang makarinig ng shutter sound. Nakaharap sa akin ang likod ng cellphone niya habang siya ay todo ngiti at hawak iyon. Piniktyuran niya ba ako?!

"Ayan, may ganti na ako sa pag-picture mo sa akin," todo-ngiting imik ng asungot.

Agad na kumulo ang dugo ko matapos niya iyong sabihin. Argh!

HEAVEN'S HAVEN | COMPLETEDWhere stories live. Discover now