CHAPTER 44

73 5 0
                                    

"A-ANONG nangyari kay Papa, Kane?" Nakailang tanong na ako sa kapatid ko habang tinatahak namin ang daan papasok ng ospital. Pero kahit anong tanong ko, hindi niya ako masagot. Patuloy lang siya sa paghagulgol.


Dumiretso na lang ako papasok. Kailangan kong malaman kung anong nangyari. Hindi ako madalas dumedepende sa kutob ko at lalo namang hindi ako manghuhula.


"K-Kumusta po ang tatay ko?" tanong ko agad sa doktor na masalubong.


"His heartbeat is getting weaker. Kahit ang katawan niya, it got weaker drastically."


Nanlaki ang mga mata ko kasabay ng pagtulo ng mga luha ko. "A-Ano pong pwede nating gawin, doc? 'Yung operasyon, tama! K-Kailangan niya ng transplant, 'di ba?"


Bumagsak ang balikat ng kausap ko. Ang pag-asang umusbong sa akin ay unti-unting nawala dahil sa hitsura ng doktor. "Sa kalagayan ng katawan niya ngayon, hindi na siya makaka-survive pa sa kahit anong operasyon."


"P-Po? Hindi! Hindi pwede 'yan, doc! Kunin niyo ang atay ko! Handa na ako sa transplant. Please, d-doc... gawin niyo ang operasyon." Napaluhod na ako at napahagulgol.


Niyakap naman ako ni Kane na walang imik at iyak lamang nang iyak. Kahit si Axen ay hinawakan ang mga kamay ko at pinisil-pisil iyon.


"P-Please, doc. Operasyon ang kailangan para gumaling siya, 'di ba?! Iyon ang sabi niyo sa 'kin! Gawin natin ang operasyon! D-Doc..." Lumapit ako nang nakaluhod sa kausap. Nagsituluan ang mga luha ko sa sahig.


"A-Ate... tama na po." Humahagulgol na pagpigil sa akin ni Kane.


"Hindi. Hindi tayo papayag. Gagaling pa si Papa, 'di ba? G-Gagaling pa siya..." Kapagkuwa'y tumayo ako at tumakbo papunta sa kamang kinahihigaan ni Papa. Sinubukan akong pigilan ng mga nurse na nakapalibot dito pero hindi ako nagpatinag. Dire-diretso akong pumunta rito.


"H-Heaven... anak." Hinaplos niya ang pisngi ko.


Nagsituluan ang mga luha ko habang haplos ang kamay niyang nasa pisngi ko. "P-Pa... huwag niyo po kaming iwan ni Kane. Pati ba naman kayo, aalis din? Iniwan na ako ni Mama, m-maawa ka!"


"P-Patawarin mo 'ko..." Humugot ito ng malalim na buntonghininga. Inabot pa ng ilang segundo bago niya matapos ang pangungusap na iyon.


"Sa tingin mo ba mapapatawad kita kapag iniwan mo kami? May atraso ka pa sa 'kin tapos dadagdagan mo na naman?! Lumaban ka! Hindi ka pwedeng umalis!" Yumakap ako sa bewang nito.


"K-Kailangan kong pagbayaran ang nagawa kong kasalanan sa inyo ng Mama mo, pati na rin kay Kane." Napaubo ito. "O-Oras na. Tinatawag na ako ng Mama mo. Makakabawi na rin ako sa dami ng kasalanan ko sa kaniya..."


"P-Pa! Hindi! Hindi ka pa pwedeng umalis! Galit pa ako sa 'yo, 'di ba? Sa tingin mo papayag akong umalis ka? Babawi ka pa sa 'kin! P-Papa... please, lumaban ka pa." Pinunasan ko ang mga luhang tumulo sa nanlalabo ko nang mga mata. Napakababaw na ng paghinga ko dulot ng paghagulgol. Anumang oras ay pupwedeng mahimatay ako sa kakulangan ng hangin. Napasinghap na lamang ako nang malakas.


"Anak... huwag mong hayaang saktan ka ng mga taong tulad ko. Alam kong may kasalanan ako. Walang kapatawaran ang ginawa ko. S-Sorry sa lahat-lahat... m-mahal k-kit—" Bumagsak ang kamay niyang humahaplos sa pisngi ko.


Nanlaki naman ang mga mata ko kasabay ng matinding pagpalahaw.


"PAPA!"


---











"DALAWA na kayong nandito sa sementeryo..." Bumuntonghininga ako habang tinititigan ang dalawang lapida. Nagpatong ako ng mga bulaklak at nagsindi na rin ng kandila. "Bakit kayong dalawa... bigla-bigla na lang kayong umaalis? A-Ang daya niyo." Napapunas ako sa pisnging dinaluyan ng luha.


Handa na sana akong umupo sa damuhan nang may makita akong pamilyar na tao sa harapan ko. Naglalagay din ito ng bulaklak sa isang puntod doon.


Napaiwas ako ng tingin kasabay ng pagtikhim.


"Heaven..."


Agad akong napalingon. Hindi ko inaasahan na tatawagin niya ako. Ang akala ko'y hindi niya ako napapansin sa pwesto ko. "J-Jeoanne..."


"Kumusta ka na?" Lumapit ito sa akin. Bumuntonghininga ito at marahang ngumiti sa akin. "Alam kong napakakapal ng mukha ko para kausapin ka pa. Sa laki ng kasalanan ko sa 'yo... ang dapat talaga ay mahiya na ako nang sobra sa iyo."


"Alam ko na ang mga nangyari..." pagpuputol ko sa kaniya. Napaiwas ako ng tingin. "Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ako nagtanim ng galit sa 'yo."


"Alam ko." Naitungo niya ang ulo. "Kaya narito ako para humingi ng sorry sa lahat ng nangyari. Alam kong kulang pa ang sorry at mukhang hindi rin ako sincere pero ito lang ang naiisip kong paraan para man lang humingi ng dispensa. I'm really sorry, Heaven." Napatungo ito at hindi makatingin nang maayos sa mga mata ko.


"Hindi ko alam kung kaya kitang patawarin sa ngayon..."


"N-Naiintindihan ko. Alam kong mahihirapan kang patawarin ako dahil ako ang dahilan kaya kayo nasira ni Axen. Pero si Axen... siya ang walang kasalanan. Sa akin ka magalit, huwag sa kaniya. Mahal na mahal ka n'ong tao. Ako ang may kasalanan sa lahat, hindi mo kailangang parusahan si Axen sa mga ginawa kong pagkakamali. Sadyang nabulag lang ako noon sa pagkagusto ko sa kaniya. Hindi ko na naisip pa ang tama at mali."


"Hindi naman na ako sa kaniya galit," agad kong sagot nang may pilit na ngiti sa mga labi. "Pero hindi ko alam kung deserve pa ba namin ang isa't isa sa lahat ng nangyari sa 'ming dalawa. Napagod ako, Jeoanne. Napagod ako masiyado at hindi ko alam kung kaya ko pang itaya ang puso ko. Natatakot ako. Sobra. Baka sa oras na masaktan ako ulit... hindi na makayanan ng puso ko. At isa pa, hindi ko siya matingnan sa mga mata nang hindi ko naiisip ang nangyaring aksidente. Ako ang may kasalanan kung bakit hindi siya namumuhay nang normal ngayon."


"Alam kong mahal mo pa rin siya..."


Tumango ako. "Sobra-sobra pa sa sobra." Mapait akong ngumiti. "Pero sobra nang napagod ang puso ko. Pagod na pagod na ako sa lahat, Jeoanne..."

HEAVEN'S HAVEN | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon