CHAPTER 11

208 11 0
                                    

"ANONG pinagsasasabi mo?!" Halos ihampas ko ang braso kay Axen sa sobrang yamot. Hinila ko muna ito malayo sa mga parents namin na nag-uusap. Mukhang hindi na rin naman nila kami napapansin dahil abala ang mga ito sa pakikipagkuwentuhan.


"Sumabay ka na lang muna, ako'ng bahala." Kumindat pa ito.


Pinanlakihan ko siya ng mga mata. "Nasisiraan ka na ba? Anong kalokohan 'to?! Kung wala kang balak sabihin, ako na lang ang magsa--" Hindi ko naituloy ang sinasabi nang biglang takpan ng asungot ang bibig ko!


"Mom, Dad, let's go home. Mukhang pagod si Heaven dahil sa immersion. Hayaan muna natin siyang magpahinga."


Kinagat ko ang kamay ni Axen na nakatakip sa bibig ko. Agad naman siyang um-aray pero ngumiti pa rin pagkatapos na animo'y walang nangyari. Bahagya pa nitong pinisil ang pisngi ko.


"Sir, hindi ko po talaga alam ang sinasabi ni Axen. Hindi niya po ako girlfriend!"


Natawa ang katabi kong asungot. Ikinagulat ko naman nang magsitawanan din ang mga parents niya pati si Mama. Anong nakakatawa?!


"Pasensya na po kayo. Mahiyain lang po talaga si Heaven. Gusto niya pong private ang relasyon namin."


Sinamaan ko ito ng tingin. "Axen, hindi ako nagbibiro. Sabihin mo ang totoo."


"Sige, paalam na, balae. Nag-enjoy ako sa pakikipagkuwentuhan sa iyo. Hayaan mo't next time na pagpunta namin dito'y pamamanhikan na." Tumayo si Mr. and Mrs. Fuertes at saka nakipagkamay kay Mama. Ngiti na lamang ang naiganti ng huli habang pinagmamasdan ang paglabas ng mga ito sa bahay.


Maski si Axen ay lumabas na rin habang malawak ang pagkakangisi. Kumaway din ito at saka kumindat, bagay na lalong nagpasalubong ng mga kilay ko. Humanda ka talaga sa aking asungot ka! Ano bang kabaliwan itong pinasok mo?


"'Ma, pramis, hindi ko po talaga boyfriend ang lalaking iyon. Maniniwala ba kayong magkakaroon ako ng boyfriend kahit pa puro pag-aaral lang ang inaatupag ko? Hindi ko alam kung anong trip ng lalaking 'yun at hindi niya sinasabi ang totoo!"


Natawa si Mama sa pagmamaktol ko. "Mabait ang pamilyang iyon, mayaman, at mga huwarang mamamayan ng Polillo. Wala ka nang hahanapin pang iba, anak. Kung ikakasal kayo ngayon, papayag ako agad."


"'Ma naman!" Halos umiyak ako sa harapan nito.


"Huwag ka ngang maarte, Heaven. Mabuti nang maaga pa ay napapagplanuhan ang kinabukasan mo kasama ang mga Fuertes. Kung sa ibang lalaki ka makikipagrelasyon, huwag na lang. Kaya lang ako pabor sa pakikipagrelasyon mo'y dahil Fuertes ang dinadalang apelyido ng boyfriend mo."


"Hindi ko nga po siya boyfriend!"


"Hindi mo kailangang itago, anak. Hindi naman ako tumututol. At isa pa, may tiwala ako na hinding-hindi mo pababayaan ang pag-aaral mo. Basta kapag bumaba ang grado mo, makipaghiwalay ka na sa lalaking 'yun, maliwanag?"


Hindi ako umimik. Umupo lamang ako sa sofa, magkakrus ang mga braso at napakahaba ng pagkakanguso. "Hindi niyo ako pinapakinggan."


"Kumain ka na diyan habang mainit pa ang pagkain. Nakakain na ako kanina pa."


Iniwan ako ni Mama doon habang nagpipigil ng inis.


---


"ANG epic! Anong nangyaring next?" natatawang tanong ni Kath sa kabilang linya. As usual, katawagan ko na naman siya para kuwentuhan. Lahat na yata ng kaganapan sa buhay ko ay alam na nitong babaeng 'to.


HEAVEN'S HAVEN | COMPLETEDWhere stories live. Discover now