Chapter 9

1.2K 37 31
                                    

MAHIGPIT na hinawakan ni Mikeyzhia ang kumot nang makadama ng pananakit ng ulo. Parang binibiyak ito. Ito ang unang beses na maramdaman niya ang ganito, hindi siya sanay.

Inilibot niya ang kanyang paningin sa paligid at napagtantong nasa kwarto niya na siya at iba na ang damit na suot. Pilit niyang inaalala ang mga nangyari kagabi noong sila ay pumunta sa bahay ng kaibigan. Ang huling naaalala niya ay kumakain lamang siya nang bigla siyang mabilaukan at uminom ng tubig pero kalaunan ay bigla na lamang siyang nakaramdam ng hilo.

Hindi na niya alam kung ano na ang sumunod na nangyari.

Si Duane...

Pumasok sa isipan niya ang kanyang nakasama kagabi. Paniguradong ito ang nag-uwi sa kanya rito pero may isang katanungang bumabagabag sa kanya at 'yon ay kung may nagawa ba siya kagabi habang naliligaw sa kanyang katinuan?

Wala naman siguro, 'di ba?

"Aray!" Napadaing siya sa sakit ng ulo at katawan niya, lalo na ang likuran niya. Para siyang bumagsak sa batuhan.

Kahit hindi niya pa kaya ang tumayo ay wala rin siyang magagawa, marami pa siyang kailangang gawin. Ang nakakasilaw na sinag ng araw ay humahaplos sa kanyang mukha. Nagbibigay ng sapat na init sa kanyang giniginaw na katawan.

Dumeritso siya sa banyo upang gawin ang nakasanayang gawain tuwing umaga.

Pagkalabas niya ng kwarto ay sinalubong siya ng nakakabinging katahimikan. Wala ni isang tao ang sumalubong sa kanya. Sa wari niya ay abala ang mga ito sa ibang gawain sa labas ng bahay. Natigilan siya nang biglang tumunog ang kanyang tiyan hudyat na kailangan na niyang kumain.

Wala naman sigurong tao sa kusina, sa wari niya.

Mahihina ang mga yapak na tinungo niya ang direksyon papuntang kusina. Nagpalinga-linga siya sa paligid at sinigurong walang ibang tao. Ramdam niya ang pangangailangan ng kapayapaan ngayon dahil sumasakit ang ulo niya.

Nakahinga siya ng maluwag nang mapagtagumpayan niya ang nais. Binuksan niya ang refrigerator at nilanghap ang malamig at mahalimuyak na dulot nito. Napakasarap sa pakiramdam. Idagdag pa ang mga masasarap na pagkaing nakaimbak. Bigla siyang nagutom.

Una niyang kinuha ang pakwan at nilantakan iyon. Pumipikit pa siya habang nilalasap ang sabaw no'n. Parang biglang huminto sa paggalaw ang mundo. Wala siyang ibang marinig maliban sa ingay ng kanyang pagnguya.

"Hoy!" sigaw mula sa bukana ng pinto ng kusina ang nagpalipad sa hawak niyang pakwan.

Nakatulala lang siya dahil sa nangyari at naiiyak na nakatitig sa lumalangoy na pakwan sa sahig na mapapakinabangan na lamang ng mga langgam ng Pilipinas.

Lumapit sa kanya si Duane, ang salarin sa pagkawasak ng pakwan niya. Kinalabit siya nito pero hindi siya nakaramdam.

"Tawag ka ni Mommy, samahan mo daw siyang mag-exercise."

Nanatili siyang nakatayo na parang walang narinig kaya lumapit siya sa tainga nito at sumigaw ng ubod ng lakas dahilan para masapak siya si Mikeyzhia na ikinatabingi ng ulo niya.

Masama ang tinging binalingan niya ito. "Para saan 'yon ha?" tiim-bagang na sigaw ni Duane habang hawak ang parte ng mukha niyang natamaan.

"Bakit ka ba sumisigaw?" nakabusangot na sigaw niya pabalik.

"Kanina pa kita tinatawag hindi ka nakikinig. Ano bang problema mo? Natangay na ba kaluluwa mo?"

Umiwas ng tingin si Mikeyzhia saka nilagpasan siya. Kumuha na lang ito ng tubig at nilagok iyon ng mabilisan, nawalan na rin siya ng gana. Akmang aalis na siya nang mahagip ni Duane ang braso niya.

Keeping The Werecat (COMPLETED)Where stories live. Discover now