Chapter 41

723 24 9
                                    

ITINUTOK ni Duane ang kanyang espada sa harap ng napakaraming halimaw. Pakiramdam niya bumabahag na ang kanyang buntot sa mga nakikita. Medyo makapal ang mukha niya na humarap siya sa mga ito na tanging espada lang ang dala, idagdag pang hindi siya marunong gumamit nito.

Mas idinikit niya ang sarili kay Dayeth inihahanda na ang sarili kapag may sumugod man sa kanila.

Mula sa kalayuan ay pinagmasdan ni Mikeyzhia si Duane. Nagningning ang kanyang mga mata at umusbong ang saya sa kanyang puso. Hindi siya makapaniwala na nakikita niya ngayon si Duane. Hindi niya na inisip kung paano ito napunta roon pero ang mahalaga ay nakikita na niya si Duane.

Humakbang siya para sana ay puntahan si Duane nang makaramdam siya ng kamay sa kanyang braso na pumipigil sa kanyang lapitan ang kasintahan. Nang kanya itong lingunin ay nakita niya ang nag-aalalang mukha ni Aklas.

"Aklas, bitawan mo ako..." mahinang sabi niya.

Hindi nakinig si Aklas at hinapit siya lalo sa papunta rito. "Lubhang delikado, baka madamay ka pa." babala niya.

"Kung hindi ko siya lalapitan, siya ang mapapahamak!"

"Ngunit hindi natin kilala kung sinong lapastangan ang nagbabalak na sirain ang kasal natin, hayaan mong tapusin siya ng mga—"

Malakas na tinabig ni Mikeyzhia ang kamay ni Aklas at tiningnan ito ng masama. Siya ang mahal ko, at nandito siya para iligtas ako. "Anong gusto mong gawin ko? Panoorin silang—"

"Ipagpatuloy ang seremonya!" sigaw ng hari ng Zakisea.

Natigilan silang dalawa nang magsalita ito. Ang atensyon naman ng lahat ay nalipat muli sa kanila. Doon na nakita ni Duane si Mikeyzhia sa harap, napangiti siya ngunit nang makita ang lalaking katabi nito na akmang hahawak sa kamay ni Mikeyzhia ay biglang umusok ang kanyang ilong sa galit.

"Sa pamamagitan ng kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ay ginagawaran ko kayo ng—"

Naputol ang pag-anunsyo ng lalaking magkakasal sa kanila ni Mikeyzhia at Aklas nang biglang nagsisisigaw si Duane.

"Itigil niyo 'yan sabi! Bakit ba ang kulit mong posporo ka?" pagalit na sigaw niya sa lalaking nagsalita. "Mikeyzhia! Naririnig mo ba ako? Nandito na ako, umuwi na tayo. Hindi mo na kailangan magpaalipin sa mga tanginang 'to. Ililigtas kita!"

"Duane..." Akmang hahakbang siyang muli pero hinarangan na siya ng kanyang mga kapatid.

"Itutuloy mo ang kasalang ito o gusto mong mamatay siya?" pananakot ni Kairos.

Hindi mapakali si Duane sa kanyang pwesto at panay ang sigaw na mas lalong ikinainis ng mga halimaw sa kanyang harapan.

"Sir, huwag kang masyadong agrisibo. Sensitibo sila sa mga nakakairitang ingay." halos pabulong na saad ni Dayeth sa kanyang tabi.

"Anong gusto mong gawin ko, tumunganga? Hindi mo ba nakikita? Ikinakasal si Mikeyzhia at dyan pa sa hitong 'yan." Pinandilatan niya ng mata ang bawat nilalang na humarang sa kanila. "Magalit na sila pero hindi ko hahayaang mawala na lang sa akin si Mikeyzhia. Nandito na lang rin naman tayo. Mamatay na kung mamamatay basta hindi ko sila hahayaang magtagumpay na makuha ang babaeng mahal ko." seryosong wika niya na ikinatigil ni Dayeth.

Ngunit mas lalong napahinto si Dayeth nang unti-unti niya na nalalanghap ang tunay na amoy ni Duane. Naalarma siya at hinanap ang bote ng potion pero napamura siya nang makitang wala na itong kalaman-laman.

Damn it. Marami pa 'yon kanina, e! Sinilip niya ang bag na nakasakbit sa likod ni Duane, muli siyang napamura. Natapon pala.

Masama 'to.

Keeping The Werecat (COMPLETED)Where stories live. Discover now