Kabanata I - XXVIII: Mystic bow - Ceal

1K 71 5
                                    

1/1/17

Sa mga sandaling ito ay tahimik na kumakain sina Crow ng kanilang pananghalian. At hanggang sa ngayon ay bakas pa rin ang pagkainis ni Lyze kay Crow, dahil sa mga sinabi nito kanina at batid naman ni Sophia ang tungkol dito.

"Isa lamang naman itong punyal at isa lang itong simpleng gamit para sa pang-araw-araw. Tulad ng paghahanda at pagluluto nitong pagkain natin ngayon." Sambit ni Sophia.

"*Hmmp! Kahit na! Hindi pa rin patas na binigyan ka ni Crow, samantalang ako wala!" Sambit muli ni Lyze.

"*Tch! Bata ka pa rin nga talaga." Sambit ni Crow.

Agad napalingon si Lyze kay Crow, suot ang galit na ekspresyon. Subalit hindi naman ito pinansin ni Crow at ipinagpatuloy na lang ang kaniyang pagkain. Ngunit makalipas ang ilang mga sandali ay marahan itong tumayo, matapos nitong maitapon ang buto ng karne na halos kata-tapos lang niyang kainin. Dahil dito ay saglit na napahinto sa kaniyang pagkain si Lyze at napatitig kay Crow, habang marahan itong naglalakad patungo sa likuran ng kaniyang bagon.

"Ano kaya ang kukunin niya?" Tanong ni Lyze.

Agad napatingin si Sophia sa kaniyang prinsesa, dahil para sa kaniya ang katanungan nito. At dahil na rin sa kaniyang labis na pagtataka ay agad siyang napalingon kay Crow, at dito na niya napansin ang pagpasok nito sa loob ng bagon.

"Hindi ko rin alam, baka may nakalimutan lang siya." Tugon ni Sophia.

Napa sang-ayon na lang si Lyze at kalaunan ay itinuloy na ang kaniyang pagkain. Subalit ilang sandali pa ay lumabas na si Crow, dala ang isang pamilyar na bagay, isang pana at mga palaso. Muli ay napahinto sa kaniyang pagkain ang dalawa, dahil muling natuon ang kanilang atensyon kay Crow. At dala na rin ng labis na pagtataka ay nagsimula nang magtanong si Lyze.

"Para saan 'yang pana? Wala ka namang mahuhuli dito, kaya para saan 'yan?" Tanong ni Lyze.

Hindi tumugon si Crow at kalaunan ay inihagis niya ito patungo kay Lyze. Samantala, hindi naman ito inaasahan ni Lyze, subalit nagawa naman niya itong masalo.

"'Yan! Siguro naman hindi ka na magmamaktol?" Sambit ni Crow.

Walang nasambit si Lyze at napatitig na lang sa kaniyang hawak. Subalit hindi naman ito nagtagal at muli siyang napatingin kay Crow.

"Para sa'kin ba ang pana na ito?" Tanong ni Lyze.

"Oo!" Tugon ni Crow.

Balak pa sanang magreklamo ni Lyze, dahil hindi isang pana ang nais niyang makuha. Subalit agad siyang napalingon kay Sophia, dahil na rin sa ingay na nalikha nito.

"Imposible! Ang Ceal..." Sambit ni Sophia.

Agad napakunot sa kaniyang noo si Lyze, dahil hindi niya maunawaan ang mga sinabi ni Sophia.

"Sil? Anong ibig sabihin non?" Tanong ni Lyze.

Ngunit walang nakuhang tugon si Lyze at napatitig na lang kay Sophia na kasalukuyan ngayong tumatakbo patungo kay Crow. Dahil na rin sa pangyayaring ito ay hindi na niya nagawa pang magsalita at napapaisip na lang sa kung ano ang nangyayari. Sa ngayon kasi ay sunod-sunod na ina-atake ni Sophia si Crow, gamit ang punyal na tinukoy niyang bigay nito mismo. At ang dahilan kung bakit hindi niya magawang magsalita ay dahil sa ginagawang pag-atake ni Sophia. Hindi lang kasi ito basta mga simpleng pag-atake, kundi isang uri ng pakikipaglaban na hindi pa niya nakita sa kahit sino sa kanilang bansa. Ngunit gayumpaman ay walang hirap lang na naiiwasan ni Crow ang bawat pag-atakeng pinakakawalan nito. Hanggang sa ilang sandali pa, habang patuloy sa kaniyang pag-atake si Sophia ay napansin na Lyze na itinatanong na nito kay Crow, kung saan nito nakuha ang pana na kasalukuyan niyang hawak. Sa pagkakataong ito ay kumilos na siya at malakas siyang sumigaw.

The Crow MerchantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon