Kabanata III - LXXXI: Ang bayan ng Hilmna

904 43 17
                                    

01/13/20

Tatlong taon ang mabilis lumipas at hanggang sa ngayon ay pilit pa ring naghahanap sina Asheara ng mga palatandaan patungkol kay Ryura. Bagamat wala na silang ideya kung nananatili pa rin ito sa kontinente ng Narka ay patuloy pa rin silang umaasa na makahanap kahit na maliit na palatandaan.

Dahil na rin sa patuloy nilang pangangalap ng impormasyon ay naging matagumpay na mangangalakal sina Asheara sa lumipas na mga taon. Nagpatuloy sila sa kanilang pakikipagkalakaran ng mga produkto sa iba't-ibang mga bayan at bansa, kasabay ng kanilang pangangalap ng impormasyon patungkol kay Ryura. Sa katunayan ay naging tanyag silang mga mangangalakal at kahit ang mga maharlikang pamilya ay derektang bumibili sa kanilang mga produkto. At dahil na rin sa kanilang katanyagan ay maraming mga masasamang loob ang nais na sila ay pagnakawan. Ngunit ilan lang sa kanila ang matagumpay na nakabalik nang buhay.

Sa mga sandaling ito ay kasalukuyan silang nasa bansa ng Longshu, ang bansa kung saan mayaman sa yamang dagat.

Isang mapayapang bansa ang Longshu, dahil napapaligiran ng karagatan ang kanilang mga lupain at nasasakupan. Gayumpaman ay maraming bansa ang may interes na sila ay sakupin, kabilang na dito ang mga bansang nasa kabilang panig ng kanilang kontinente. Dahil ito sa malaking potensyal na maaaring makuhang yaman sa nasabing bansa.

Sa katunayan ay mayaman sa iba't-ibang uri ng metal ang mga kabundukan ng Longshu, kabilang na dito ang mga ginto at pilak. At ito ang pangunahing dahilan kung bakit maraming may nais na sila ay sakupin. Gayumpaman ay biniyayaan nang proteksyon ng dagat ang kanilang bansa. Napapaligiran kasi ng mga matatalim na bato ang kanilang buong bansa at hindi kalayuan sa parteng ito ay masyadong marahas ang alon. At kahit ang mga mamamayan ng Longshu ay hindi nanaisin na dito ay mangisda, kahit sobrang yaman nito sa lamang dagat.

Ang mga bagay na ito ang dahilan kung bakit hanggang sa ngayon ay mapayapa ang kanilang bansa. Dahil imposible silang mapasok gamit ang mga barko o bangka. Tanging isa lang ang ligtas na ruta papasok sa kanilang bansa at labis na mahigpit ang seguridad sa lugar na ito. Gayumpaman ay bukas ito sa mga mangangalakal at sa kapanalig nitong bansa.

***

Matapos makababa ng barko ay agad nagbayad ng kaukulang buwis sina Asheara. At matapos nilang makapirma sa manipesto ay agad nilang nilapitan ang isang babae na naghihintay sa kanila. Ang nasabing babae ay ang magtuturo at sasama sa kanila sa buong araw, hanggang sa kanilang pananatili sa bayan ng Hilmna. Kalakip kasi ito sa batas ng Longshu, na isa sa kanilang mga tagasunod ang sasama at magbabantay sa bawat papasok sa kanilang bansa. Pagpapakita na labis na mahigpit ang kanilang siguridad at pag-iingat na hindi sila mapasukan ng mga espiya. Pagpapakita na rin ito kung gaano ka-ligtas ang kanilang bansa.

"Magandang araw, ako po si Nima." Sambit ng babae.

"*Uhm! Kung ganon ay tayo na." Tugon ni Vladimir.

Matapos saglit na mag-usap ay nagsimula na sila sa pagpasok sa loob ng bayan.

Ang bayan ng Hilmna ay ang punong bayan para sa mga mangangalakal, dahil ang bayang ito ang bukod tanging pinapahintulutang mapasok ng mga dayuhan. At ang sinumang magtangkang pumasok sa iba pang bayan ay agad mapapatawan ng kaukulang parusa. Kabilang na dito ang kamatayan, kapag napatunayan na isang espiyang ang kung sinumang mahuli. Ngunit kung tutuosin ay imposibleng makalabas sa bayang ito patungo sa susunod na bayan, dahil mahigpit ang seguridad dito at bawat taong nakalista sa manipesto ay mahigpit na binabantayan.

"*Hmm... Totoo ngang maraming oportunidad sa lugar na ito ang mga mangangalakal. Ang mabuti pa ay maghanap muna tayo ng matutuluyan." Sambit ni Asheara.

Agad napatango si Vladimir at kalaunan ay saglit silang huminto. Labis namang nagtaka ang nasa harapan nila, kaya agad na itong lumapit upang magtanong.

The Crow MerchantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon