Kabanata II - LII: Gishmond Williamford

871 71 10
                                    

3/30/18

Halos isang buwan na ang nakakalipas magmula ng maghiwa-hiwalay sina Rishmond at ang kaniyang mga kaibigan. Sa katunayan ay narating na nina Archon ang kanilang nakatagong nayon, habang sina Ziek naman ay narating na ang kontenente kung saan makikita ang kanilang nakatagong nayon. Nasa Hezan naman ngayon sina Niyetta at gayon din sina Rishmond at Lyze na kasalukuyang patungo sa Basanti.

Sakay ngayon ng isang barko sina Lyze at ilang oras na lang ay mararating na nila sa Basanti. Ito rin ang unang beses na pagkasay ni Lishri sa barko, kaya hindi pa rin naalis ang kaniyang kasiyahan, kahit ilang araw na silang nakasakay dito.

Sa mga sandaling ito ay masayang nilalasap ni Lishri ang tanawin sa buong paligid, dahil napapalibutan sila ngayong ng mga bundok at kagubatan.

"Totoo ngang maganda at malaki ang ilog Nier! Isa pa ay ilang mga bangka at barko na rin ang ating nakasalubong." Sambit ni Lishri.

Napangiti na lang si Rishmond at kalaunan ay hinimas ang ulo ni Lishri. At habang ginagawa ito ay napatitig siya kay Lyze na kasalukuyang nakatingin sa malayo.

"Lyze..." Sambit ni Rishmond.

Sa kaparehong oras, kasalukuyan na ngayong nasa hangganan ng desyerto ng Krintiz sina Niyetta at Celtrax, dala ang isang maliit na Bangka na sakay sa kanilang bagon.

Sa mga sandaling ito ay saglit silang nagpahinga, matapos maihanda ang kanilang bangka.

"Handa ka na bang harapin muli si master?" Tanong ni Niyetta.

"Sa totoo lang ay hindi ko rin alam, pero wala na tayong pagpipilian pa kundi harapin ang kaniyang galit." Tugon ni Celtrax.

Napangiti na lang si Niyetta at kasunod nito ay sabay silang napatingin sa dagat.

Makalipas ang ilang mga oras ay tuluyan ng narating nina Lyze ang Basanti. At dahil isa itong malayang bansa, maraming panganib ang nag-aabang para sa mga mangangalakal, lalong-lalo na sa mga bagong salta at sa mga hindi kabilang sa kahit na anong guild.

Sa kanilang pagbaba ng barko, agad na naglakad patungo sa isang bakanteng ispasyo sina Lyze, kasama si Lishri. Habang si Rishmond ay kinukuha ang kanilang mga kabayo at bagon. At tulad ng kanilang inaasahan, agad niyang napansin ang ilang mga kalalakihang nagmamasid sa kanila.

"Mga hangal." Sambit ni Lyze.

Agad napalingon si Lishri kay Lyze, suot ang nagtatakang ekspresyon. Subalit hindi naman ito nagtagal at ilang sandali pa ay nagsimula na itong magsalita.

"Bakit po, ate?" Tanong ni Lishri.

Hindi tumugon si Lyze, bagkus ay binigyan niya ito ng matamis na ngiti. Hindi naman maunawaan ni Lishri ang mga nangyayari, hanggang sa mapansin na niya si Rishmond, dala ang kanilang mga gamit.

Nang tuluyang makalapit ay agad sumakay sa kanilang mga kabayo at kalaunan ay nagsimula ng umusad, patungo sa pinaka-pusod ng bansa.

"Saan na tayo magtutungo ngayon?" Tanong ni Rishmond.

"Sa aking kaibigan." Tugon ni Lyze.

Hindi na nagsalita pa si Rishmond at nagpatuloy na lang sa kanilang pag-usad. Subalit ilang sandali pa ay napansin na niya ang ilang kalalakihan tila sumusunod sa kanila.

"Wag mo na silang pansinin pa." Sambit ni Lyze.

Muli ay mabilis na napalingon si Rishmond kay Lyze at dito ay napagtanto niya na kanina pa nito napansin ang mga lalaking tila sumusunod sa kanila.

"Nauunawaan ko." Tugon ni Rishmond.

Nagpatuloy lang sila sa kanilang pag-usad, hanggang sa tuluyan na silang makalabas sa pantalan. Dito ay ilang mga kalalakihan na ang humarang sa kanila at base na rin sa kanilang mga dala ay sila ang mga mga nagtitinda kanina sa may pantalan.

The Crow MerchantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon