Kabanata III - LXXX: Katotohanan sa likod ng bayani

606 36 11
                                    

10/22/19

Ilang minuto ang lumipas at sa ngayon ay kasalukuyang naglalakad patungo sa palasyo sina Asheara at Vladimir. Subalit ang alam nina Ramone ay maglilibot-libot lang ang mga ito upang makahanap ng mga produktong maaari nilang ibenta sa iba pang mga bayan. At bilang isang mangangalakal din ay nauunawaan niya na ang oras at panahon ay labis na mahalaga para sa kanila. Gayumpaman ay wala siyang ideya sa tunay na pakay ngayon nina Asheara.

Makalipas pa ang ilang minuto ay narating na nila ang tarangkahan patungong palasyo. At dahil maraming kawal ang nagbabantay dito ay minabuti nilang magtungo muna sa lugar kung saan walang tao. Subalit habang naglalakad sila ay ilang presensya ang kanilang naramdaman na sumusunod sa kanila. Agad napabuntong hininga si Asheara, dahil batid na niya ang mga pakay ng mga ito.

Hanggang sa ilang minutong paglalakad ay nakarating na sila sa isang masikip na iskinita. At ang bawat taong nakatira sa mga kabahayan dito ay nakatuon ang atensyon sa kanila.

Muli ay napabuntong hininga si Asheara at napahinto matapos harangin ng ilang mga kalalakihan.

"*Fufufu... Totoo bang nagmula sila sa mansyon ni Ramone?" Tanong ng isang lalaki.

"Opo pinuno! At base sa kanilang pananamit ay mga mayayamang mangangalakal sila." Tugon ng isa pang lalaki.

Subalit matapos nitong magsalita ay mabilis lumipad ang ulo nito, kasabay ng pagbagsak sa katawan nito sa lupa.

"Alam nyo bang hindi maganda ang araw ko ngayon, dahil sa mga impormasyong nakalap ko?" Sambit ni Asheara.

Matapos magsalita ay isang nakakatakot na presensya ang pinakawalan ni Asheara, dahilan upang mabura ang mga ngiti sa mukha ng bawat isa.

"Ngayon, bigyan nyo ako ng dahilan para buhayin kayong lahat. *Fufufu..." Sambit muli ni Asheara.

Agad napalunok ang lahat at ramdam nilang hindi ordinaryong batang babae ang kaharap nila ngayon.

Hanggang sa ilang sandali pa ay marahan na itong naglakad papalapit sa kanila. At sa bawat paghakbang nito ay ang mas paglakas ng kabog ng kanilang mga dibdib. At sa hindi nila maunawaang dahilan ay hindi nila magawang kumilos o kahit magsalita.

Halos sabay-sabay nabitiwan ng mga kalalakihan ang kani-kanilang mga sandata at kasunod nito ay isa-isa na silang napaluhod.

Sa pagkakataong ito ay napangiti na lang si Asheara at kalaunan ay pinahupa na niya ang presensyang kaniyang pinapakawalan.

"Si...si...sino ka bang talaga?" Sambit ng lalaki.

"Hindi na mahalaga kung sino ako, ang mahalaga sa ngayon ay kailangan ko ng impormasyon patungkol sa bayaning nagligtas sa bansang ito. Ngayon kung wala kayong nalalaman ay mabuti pang sa inyo ko na ibuntong ang lahat ng galit ko." Sambit muli ni Asheara.

"Pa...pa...patawad po, pero wala po kaming nalalaman! Wa...wag nyo kaming paslangin! I...i...ibibigay ko sa inyo ang lahat ng kayamanang meron kami!" Sambit muli ng lalaki.

Batid ng lalaki na hindi ordinaryong tao ang kaharap nila ngayon at base sa mga itinatanong nito ay may kinalaman ito sa bayaning nagligtas sa kanilang bansa.

"*Tch! Kung ganon ay wala na kayong mga silbi!" Sambit muli ni Asheara.

Matapos magsalita ay inangat na ni Asheara ang kaniyang kamay at kalaunan ay isang malakas na hangin ang natipon sa kaniyang palad.

"Sandali!" Sigaw ng isang lalaki.

Mabilis naglaho ang hangin sa palad ni Asheara at kasabay nito ay ang kaniyang paglingon. Dito ay isang matandang lalaki ang kaniyang nakita at tila hindi ito natakot sa kaniyang ginawa laban sa mga kalalakihan.

The Crow MerchantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon