Perdible

1.4K 17 0
                                    

Bagay na maliit, Ginagamit pero hindi madalas. Kung kailan mo kailangan tiyaka mo lamang ilalabas.
Pantakip--
Pandugtong--
Pantulong para sa butones ng damit mong nabaklas.
Pero ingatan mo, dahil maari kang masugatan sa pantusok nito.

Pero hindi mo ba naisip na ang perdible ay parang ako.
Paano?
Hayaan mong ihayag ko kung bakit naging ganito.

Itatago kita sa pangalang Vitra. Isang babaeng sobrang sarap kasama. 'Yung tipong walang arte, magagawa pang pagtripan ka. Pero akala ko iba ka, Isa ka rin pala sa kanila.

Sila, Na walang iba ginawa kundi ang maglaro. Hahayaan kang mahulog sa pagbibigay nila ng motibo. Lalambingin, haharutin, magiging sweet sa 'yo nang todo. Ako naman itong si GAGO, Umasa na magkakaroon ng tayo.

Naaalaa mo..
'Yung mga panahong sobrang dikit tayo. Naggigitara ako, biglang sumandal ka sa balikat ko.
Napatingin ako sa 'yo..
Sabay inalis ko 'yung ulo mo sa balikat ko, Sabi ko "Uy, Baka mahawa ako sa kuto mo".

Tumawa ako..
Ikaw naman 'tong si asar talo, nainis ng husto, hinampas ako nang todo, Nagtampo, sabay layo.

Siyempre hindi naman kita matitiis, Lumapit ako sa 'yo.
Sabi ko "Uy Sorry na", Napangiti ka. Napatitig ako sa 'yong mga mata, Nagkatitigan tayong dalawa.

Nagkatitigan..
Hindi ko maintindahan bakit biglang nag iba ang aking nararamdaman.
Biglang bumilis ang tibok nito..nitong puso ko, at lalong bumilis nang bigla mo akong halikan dito..dito mismo sa labi ko.

Hindi ko alam kung para saan 'yun.
Hindi ko alam kung may kahulugan ba 'yun.
Hindi ko alam kung trip mo lang gawin 'yun.
Hindi ko rin alam, kung bakit ako kinilig sa mga oras na 'yun.

Isang araw napagdesisyunan ko. Buo na ang loob ko.
Nagbihis ako, pormadong-pormado, konting spray ng pabango. Handa na ako, Handa na akong ipagtapat itong nararamdaman ko para sa 'yo.

Nandito na ako sa puntong ito, hinintay kitang lumabas sa paaralan niyo.
Sa paglabas mo ako'y nadismaya, nanlaki, nanlisik ang aking mga mata. Nang ikaw ay makitang may kasamang iba.

Ay teka! Hindi pala iba.
Siya pala 'yung dati mong kalaguyo na walang ibang ginawa kundi saktan ka. At alam mo 'yung mas masakit pa? Sa harap ko mismo, magkahawak kamay kayong dalawa.

Wala akong nagawa kundi ang tumakbo, tumakbo papalayo sa inyo.
Sobrang sakit pala nito, ang mahulog sa maling tao.
Hanggang ngayon tumatakbong palaisipan dito sa utak ko.
Kung para saan 'yung halik na binigay mo.

Perdible ako..
Na ginamit mo lang kasi kailangan mo.
Perdible ako..
Maliit na bagay lang naman ako sa 'yo, kaya okay lang na balewalain mo.
Perdible ako..
Ginawa mong kasangkapan para ikaw ay mabuo.
Perdible ako..
Na nagdugtong, tumulong para ikaw ay makabangon.

Bagay na maliit, Ginagamit pero hindi madalas. Kung kailan mo kailangan tiyaka mo lamang ilalabas.
Pantakip---
Pandugtong---
Pantulong para ikaw ay makabangon.
Pero mag-ingat ka sa perdibleng tulad ko, dahil maaring kitang sugatan at saktan kapag nilaro mo pa ako.

Photo credits to: google.
Ni Marvin L. Cabote

Spoken PoetryWhere stories live. Discover now