Guryon

1K 12 0
                                    

“Natapos na ang buwan ni Kupido, kumusta ang puso mo?”

Marso...
Tirik ang araw,
May hapdi ang pagtama ng hangin sa balat.
Kinaya ko ang dulot ng buwan na nakalipas,
Alam ko kakayanin ko rin ito.

Unang pagtama ng ating mga mata,
Noon pa lang alam ko, ikaw na ang bibihag sa puso ko sinta—
Ikaw nga ba talaga?
Bigay ka ba o daan lang sa buhay kong wala naman kwenta.
May agam-agam ngunit sumugal ako.
Mula pagkabata ‘yan ang hilig ko... maglaro kahit di sigurado ang pagkapanalo.
Umasa ng paulit-ulit...
Mamalimos ng pagmamahal— kahit pilit.
Ngunit sinabi mo,
“Halika, gumawa tayo ng guryon, sabay nating paliparin ito.”
Kumapit ako sa kamay mo,
Pinawi mo ang takot...
Naniwala ako—
Nang sobra sa alok mo.

Abril...
Pagsintang hindi nagmamaliw.
Sa sinag ng araw ay nagmistulang tabing,
sa mata’y nagsisilbing piring.
Mga kilos at salita mo’y nanunuot,
Tumatagos sa balat—
Sa puso’y umabot.

Sinimulan natin...
Nilinis ang mga kahoy na gagamitin.
Siniguradong matibay at pantay ang pagkakabalangkas...
Para bang pag-ibig na wagas.
Walang ihip ng hangin na hindi kakayanin...
Tinuruan mo akong lumaban, magtiwala sa mga bagay na kayang gawin.
Gumawa tayo ng disenyo,
Sa paggupit... hawak mo ang kamay ko.
Nasa likod kita sa lahat ng bagay— umaalalay.
Nakapatong ang ulo mo sa balikat ko,
Magkadikit ang katawan walang makapaghihiwalay.
Hindi na tayo naniniwala sa bituin dahil sabi mo may kinang ang bawat isa sa atin.
Hindi hiwaga ng buwan, salita Niya ang pinanghahawakan.
Bumuo tayo ng pangarap sa totoong mundo,
Hindi ng tulad ng istorya na mababasa sa libro.
Dinisenyo natin ang hinaharap...
Magandang bukas para sa mga magiging anak—
Pamilyang aking pinapangarap.
Paliliparin ang guryon—
Matibay, matayog, at matatag.

Mayo...
Bumagyo,
Sa mundong binuo ng ikaw at ako...
Kakayanin ko ba ‘to?
Hindi ako susuko hanggat hawak mo ang kamay ko.

Walang nagbago,
Tirik pa rin ang araw at mainit pa rin ang panahon,
Nagpapalipad pa rin tayo ng guryon.
Pero bakit mahal?
Katawan mo’y bumibigay...
Buhok mo’y sumasama sa hangin, isa-isang tinatangay.
Nawawala na ang higpit ng yakap mo...
Hawak sa mga kamay ko.
Hindi na ikaw ang lalaking nakilala ko noong Marso... nawalan ng sigla—
Natuyo na tila sapa.
Gumuguhit ang pait sa mga pilit mong ngiti,
Ikinukubling sakit na kitang-kita ko sa bawat pagngiwi.
Dinudurog ang puso ko sa tuwing nakikita ang lungkot sa mga mata mo.
Ganito ba talaga?
Kung gaano kabilis na nagsimula mabilis din mawawala?
Sinasabi ko na, nakatatakot maging masaya...
Iba bumawi ang tadhana,
Masakit... sa pinakamasakit na kahulugan ng sakit—
Pumupunit.
Ngunit mahal, kailangan mo ng bumitaw.
Tapos na ang bakasyon, tumawid ka na sa ibang dimensyon.

Kasabay nang paglaya sa pisi ng guryong binuo ng pagmamahalan nating dalawa—
Ang pagbitaw ng iyong hininga.

“Natapos na ang buwan ng tag-init, kumusta ang puso mo?”

Kung bibigyan ng pagkakataon...
Pipilitin kong maulit, nang paulit-ulit—
Lahat ay ating masusulit.
Hindi ako lalaya sa pisi,
Sa ‘yo pa rin ako kakapit—
Magpapapiit.

Ni Maimai

Spoken PoetryWhere stories live. Discover now