Handang Ibigay ang Lahat, Maramdaman mo lang ang Pagiging Sapat

1.2K 12 1
                                    

Alalahanin mo noong una mong nasilayan ang ganda ng mundo,
At ‘di matatawarang ngiti ng iyong ina ang unang sumalubong sa’yo,
Ngiting pananabik ang sinisimbolo,
Ngiting pagmamahal ang ipinapaalala sa'yo.

Alalahanin mo ‘yung mga panahong sa pagtawa at pag-iyak lang umiikot ang buhay mo ,
Tumatawa ka dahil naaaliw ka sa mga nakasabit na mga laruang nasa harapan mo,
Umiiyak ka kapag kumakalam na ang sikmura mo,
Habang ang nanay mo nagmamadaling itimpla ang gatas mo.

Alalahanin mo ‘yung unang paggapang mo,
Habang siya'y aliw na aliw sa paggabay at pagbabantay sa’yo,
Alalahanin mo ‘yung unang paglakad mo,
Habang ang iyong ina ay masaya sa bawat paghakbang mo.

Alalahanin mo ’yung panahong musmos ka pa lamang,
‘Yung mga panahong ang tanging alam mo ay paglalaro lamang,
At kapag nasugatan ang tuhod mo,
Kanino ka unang tumatakbo?
Kaninong pangalan ang isinisigaw mo?

Alalahanin mo ‘yung unang paglulupasay mo,
Para lamang makuha ang tsokolateng hinihingi mo,
Habang ang nanay mo, ititigil ang paglalaba maibigay lang ang gusto mo,
Alalahanin mo ‘yung unang pagdadabog mo,
Dahil inutusan kang bumili ng nanay mo.

Inalala mo na ba?
Naging masaya ka ba sa pagsuway sa simpleng utos niya?
Inisip mo ba ang maaaring maramdaman n’ya?
Inalala mo rin ba ang mga sakripisyong ginawa niya noong bata ka pa?

Kung hindi pa,
Dahil nga malaki ka na,
Nasa hustong edad at wastong pag-iisip ka na,

Ngayon, isipin mo naman.

Isipin mo ‘yung mga panahong nasasagot mo ang iyong ina,
Dahil hindi ka pinayagang sumama sa’yong barkada,
Isipin mo ‘yung mga pabalang na sagot mo na dumurog sa puso niya,
Habang ikaw walang kamalay-malay sa mga lihim na pag-iyak niya,
Hindi mo man lamang nasalo ang mga luhang pumatak mula sa kanyang mga mata.

Luhang simbolo ng sakit,
Luha ng pagmamahal na hindi niya kailanman ipagkakait.

Isipin mo rin noong una mong naranasan ang matinding dilim sa buhay mo?
Sinong nagsilbing tanglaw mo?
Sinong nagpaliwanag ng isipan mo?
Sinong naging sandigan mo?

Isipin mo yung una mong pagkabigo’t pagkadapa,
Sino ang unang tumulong at nagkusa?
Unang pagpatak ng iyong luha,
Sino ang nandiyan para ang lahat ng sakit ay humupa?

Kapag wala nang handang umunawa sa’yo?
Sino ang nag-iisang handang umintindi sa’yo?
Kapag winasak ka ng mga taong sobrang minahal mo?
Sino ang muling bumuo sa’yo?

Noong tinalikuran ka ng mundo?
Sino ang nag-iisang humarap sa’yo?
Noong samu’t saring problema ang pinapasan mo?
Sinong nagpagaan sa kalooban mo?

Walang iba,
Kung hindi ang iyong ina.

INAbangan niya ang araw ng iyong pagsilang,
INAlalayan ka noong bata ka pa lamang,
INAko niya lahat ng problema mong hindi na mabilang,
INAlay niya lahat ng oras niya ng walang pagkukulang.

Kaya ako,
Siya,
Ikaw,
Lahat tayo.

Laging tandaan,

Kung maraming babae man ang nanakit at nang-iwan sa’yo,
Huwag kang mag-alala may isang babaeng magmamahal at mananatili sa tabi mo.

Ito ay ang iyong ina.
Bago ko tapusin ang tulang ito,
May katanungan ako,

Sumagi na ba sa isip mo ?

Na Yakapin at pasalamatan siya,
.

Inisip mo na ba?

Na siya lang 'yung taong handang ibigay ang lahat,
Maramdaman mo lang ang pagiging sapat.

Ni  Julius Rinz B. Gillego

Spoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon