Ang Unang Patak ng Ulan sa Buwan ng Mayo

1K 10 0
                                    

Minsan, naiisip kita—
Minsan— kapag nagagawi ulit ako sa lansangan kung saan kita huling nakita—
Kung sakaling masalubong ka ay yuyuko nalang at mabilis na lalakad palayo—
Sa susunod na kanto ay lilingon ako't titingnan kung susundan mo ba ako—
Kung didipahin ba ng mga paa mo ang agwat nating dalawa
O kung tatalikod ka nalang at magsasawalang-bahala

Naiisip kita, minsan— kapag gusto kitang kalimutan
Makulit na multo ang mga alaala—
Kung kailan ka nag-iisa ay saka kakatok na parang di imbidatong bisita.
Minsan, mababasa ko ang pangalan mo sa pagitan ng mga letra ng binabasa kong libro,
O sa isang malumbay na tanghali ay matatagpuan ko ang sariling nagsusulat ng tula para sayo
Naiisip kong, minsan, sa labas ng aking bintana ay tinitipa mo ang luma mong gitara—
Kinakapa ang tono ng isang kanta ng Rivermaya
Itinatanong sa hangin kung saan mahahagilap sa lupa ang pag-asa

Minsan, naiisip kita—

Minsan ay bumuhos ang ulan sa isang maalinsangang gabi
Nandoon ako—
Nakasilong sa isang paradahan sa may puno ng mangga
Sa kathang-isip ko ay nakita kitang nagtatampisaw sa gitna ng kalsada — sa parehong lansangan kung saan kita huling nakita
Nandoon ka—
Masayang nakatayo sa ilalim ng liwanag ng mga poste ng ilaw

Tumingin ka sa akin at sinabi mo:

"Halika, mahal, samahan mo ako—
Wag mo nang hintaying kumalma ang mga ulap na abot-tanaw
Bitawan mo ang 'yong payong at magpakabasa ka sa ulan
Langhapin mo ang alimuom ng aspaltong muling nadiligan pagkatapos ng tag-araw

Hayaan mong halikan ng langit ang 'yong bumbunan—
At nang sa kahulimigmigan ay muling manariwa ang tigang na mga alaala
Hayaan mong hugasan ng tubig-ulan ang pait at alat sa 'yong balat—
Yayakapin kita kung sakaling sumpungin ng ginaw at lagnat—
Tumingala ka't isahod sa agos ng alulod ang 'yong mukha—
Hanggang sa wala nang makakita ng 'yong pagluha

Lumamig man ang gabi'y isuko mo ng walang pagpiglas ang 'yong katawan—
Hanggang manuyo ang 'yong lalamunan—
Hanggang mangatog ang 'yong kalamnan—
Hanggang mamutla ang 'yong mga labi—
Hanggang kumulubot ang mga daliri sa 'yong
kamay—
Hanggang ang puso mong nangungulila ay  mamanhid ng tuluyan."

Naglaho ka sa pagtila ng ulan—
Siguro nga'y naiisip pa rin kita... minsan.

Ni Argie Parlero

Spoken PoetryWhere stories live. Discover now