Naniniwala Ako Na Meron Pa

1.5K 20 0
                                    

Naniniwala ako na meron pa,
Nasa dami ng bilang ng nabubuntis ng maaga,
Naniniwala ako na meron pa.
Nasa dami ng mga pabebe sa social media,
Nasa dami ng mga nagbabalandra ng dibdib at hita,
Naniniwala ako na meron pa.
Na meron pang isang tulad mo, isang gaya mo.
Na mas pipiliin nalang kumain o matulog,
Mag concert sa banyo, kaysa sumubok na mag bisyo.

Naniniwala ako at alam ko na marami pa kayo,
Marami pa kayo na mas kabisado ang bawat parte ng lababo.
Hugas plato, hugas baso.
Titiyakin na walang maiiwan na sebo,
Para narin siguro hindi uminit ang ulo,
Ng magulang na galing sa trabaho.

Pangako naniniwala ako,
Na kahit hindi na kayo kasing hinhin ni maria clara,
Na kahit walang hinto ang pagratatat ng inyong bunganga,
Na kahit kung umupo kayo daig pa ang binata sa pagkabukaka.
Ako ay patuloy na naniniwala,
Ako ay mananatiling naniniwala.
Dahil hindi purkit hindi na kayo tulad ni maria clara,
Ay katulad na kayo ni maria osawa.
Dahil hindi purkit palakaibigan kayo sa mga binata,
Ay mahaharot na kayong mga dalaga.
Dahil hindi sapat na rason ang nakikita ng ating mga mata,
Para husgahan ang ating kapwa.
Marahil marami na nga ang nag-iba,
Pero marami parin naman ang natitira.

Tumingin ka sa kanan, tumingin ka sa kaliwa,
Sa murang edad bilugan na ang tiyan ni eba,
Hinusgahan ng madla, pinag-usapan, pinandidirihan,
nilalayuan na akala mo may sakit na nakakahawa.
Sabagay lingid nga naman sa kanila,
Na ang kanilang binabato ng masasakit na salita,
Ang dalaga na hinusgahan nila mula sa simula,
Ay isang biktima ng panggagahasa.

Isa lang ito sa mga halimbawa,
Na hindi sapat na rason ang nakikita ng ating mga mata,
Para husgahan ang ating kapwa.
Dahil oo tama, marami na nga sa eba ang napapariwara,
Marami na nga sa kanila ang labas ang kaluluwa,
Marami na nga sa kanila ang nabubuntis ng maaga.
Pero hangga't may nanatiling isa,
Pero hangga't may isa,
Na hindi natutumbasan ng kahit anong halaga,
Na hindi nababayaran ng kahit magkanong pera,
Naniniwala ako na meron pa.

Ni Nathaniel Villaviray

Spoken PoetryWhere stories live. Discover now