Bata Bata Paano Ka Ginawa?

1.2K 20 0
                                    

Bumalik tayo sa umpisa
kung saan tayo'y mga bata pa
noong mga panahong tinatakasan natin ang pagtulog sa tanghali
na sa t'wing darating si inay
pipikit at mananaginip kunyari

Doon tayo sa simula
kung saan sa pagsapit ng alaskwatro'y lalabas na sa kalsada
makikipaghabulaan kahit nakapaa
gagawin ang lahat mapatumba lang ang lata
tatalon sa goma
makikipagaway pa kung sino ang ina
maglalaro ng luksong baka
pero ingat, baka madisgrasya
maglalaro ng piko o patintero
pero bago ang lahat
tayo muna'y mag kotsero kotsero

Bumalik tayo sa panahon
kung saan marunong tayo makuntento sa baon
na ang pinagkukuhanan ng saya
ay nasa loob lamang ng pisong chichirya

Bumalik tayo sa umpisa
noong natatakot pa sa tsinelas ni ina
sa sinturon ni papa
noong panahong iiyak sa kama
dahil hindi nabili yung gusto mong paninda
yung umiilaw ba at nakakaakit sa mata

sana, bumalik tayo sa una
kung saan sa alaskwatro'y puno ng bata ang kalsada
hindi puro bangkay ng mga nalulong sa droga
kung saan nakikipagtaya-tayaan ang mga bata
hindi nakikipaghabulan sa pulisya

Sana ang kasiyaha'y nakapaloob na lang ulit sa pisong chichirya
hindi yung nakapaloob sa nakaw na pera
sana makuntento na ulit sa baon
hindi yung pahirapan pa lalo ang magulang makasabay lang sa panahon

sana takot parin tayo sa tsinelas ni ina
sana isang talak niya na lang ay sumusunod na
sumunod sana sa utos, hindi yung pagiging ina

sana yung kama iniiyakan na lang
hindi ginagawang tambayan ng mga natitigang

sana ay nagtutulog-tulugan na lang
hindi yung papatay at pagsasamantalahan
sana pipikit na lang at mananaginip
hindi yung sarili ay isinasabit

sana yung umiilaw na lang ang gusto mong paninda
hindi yung mga babaeng nakakaakit sa mata

Bumalik tayo sa umpisa
kung saan lahat ay masaya
kung saan walang problema
sa likod ng mga sana

ni Reign Krissie Quihano

Spoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon