Inangat nila ang bahagharing bandera,
Pero puro pangungutya ang kanilang nakuha,
Puro masasakit na salita ang binato sa kanila,
Ano ba ang pinagkaiba nila?
Bakit madalas silang minamata?
Bakit lagi silang nakakatanggap ng panghuhusga?
May mali ba sa kanila?
Hindi naman sila naiiba ‘di ba?Tao rin silang may damdaming nagmamahal at nasasaktan,
Kaya hindi tamang tanggalan natin sila ng karapatan,
Ang sakit isipin na TUWID ka nga, pero ikaw ‘yung may BALUKTOT na isipan,
MASAYA ka ngang nanghuhusga pero nagdudulot ka naman ng KALUNGKUTAN,
Makapanghusga ka lang , bibliya pa ang iyong idadahilan,
Kesyo dalawa lang daw ang ginawang kasarian,
Kaya ang bahagharing bandera ay kanilang kinasusuklaman.Sa kabila ng mga galit, inis, insulto at pagtaas ng kilay na kanilang natatanggap,
Taas-noo silang bumabangon at matapang itong hinaharap,
Dahil may pamilya silang sa kanila’y sumusuporta’t tumatanggap,
May kaibigan silang handang ipadama ang mahigpit na pagyakap
Ang mahalin ang mga tulad nila ay hindi naman talaga mahirap,
Gusto lang naman nila ng respeto at pagtanggap,
Pero hinuhusgahan pa rin sila ng mga hipokrito’t mapagpanggap.Patuloy nilang iwinawagayway ang banderang sagisag ng kanilang pagkatao,
Banderang makulay na mga hamon ang sinisimbolo,
Pula , simbolo ng katapangan at pagtayo sa kabila ng paulit-ulit na pagkakadapa’t pagkatalo,
Kahel, simbolo ng kanilang magandang pakikitungo sa kabila ng panghuhusga ng mga tao,
Dilaw, kulay na simbolo ng kanilang pagiging masiyahin at pagiging positibo,
Asul, kulay ng pagiging payapa ng kanilang isip sa kabila ng mga natatanggap na lait at insulto,
Indigo, simbolo ng kanilang integridad, sinseridad at pagsusumamo,
Lila, simbolo ng kanilang pagmamahal sa gitna ng mga pangmamatang natatamo.Ganyan kakulay ang kanilang mga buhay,
Aminin mo man o hindi kung wala sila ang mundo ay hindi ganito kakulay,
Kaya hayaan lang natin silang magmahal at mabuhay,
Kahit ano naman ang kasarian mo, iisa lang pupuntahan nating hukay,
Itigil na ang pagtaas ng mga kilay,
Simulan na ang pagtanggap na tunay.Sa mundo na may mga makulay na bahaghari,
Sana’y panghuhusga sa katulad nila ay tuluyan nang mapawi,
Anuman ang lahi,kulay, pananaw at kasarian respeto’t pagtanggap sana ay manatili,
Pagmamahal sana ang siyang manaig at maghari,
Sa kabila ng matinding dilim sa likod ng bahaghariNi Julius Rinz Gillego

YOU ARE READING
Spoken Poetry
Poetry#SPOKENPOETRY Dear You, One day, all of the people you treasure the most will leave. But there is one thing that will never go, and you will never forget-poetry. A soul of yourself and a home of your emotions. People come and go, but th...