01

90 12 16
                                    

···

"Ano? Pumili ka! 'Yong babae mo o ang pamilya mo?" bulyaw ni Mama kay Papa. Nabigla ako dahil kararating ko lang galing sa paaralan ngunit ito na agad ang nabungaran ko.

Nagsisigawan na naman sila. Hays.

Tumigil ako sa pintuan at matamlay na tiningnan sila.

Madalas ko silang nakikitang ganito pero hindi ko pa rin magawang masanay. Tila ba bago pa rin sa akin ang ganitong kaganapan sa pagitan nila. Gayong hindi naman, malabo atang mangyari na hindi sila mag-aaway sa loob ng isang linggo.

"Ano ba, Eleanor? Bakit ba hindi mo na lang ako hayaan? Parang hindi ka nakikipag-usap sa mga kano at kung ano ano pang malalaswang bagay ang ginagawa ninyo kapalit ng pera," tiim bagang na sabi ni Papa at nanlaki naman ang mga mata ni Mama. Napamaang naman ako sa sinabi ni Papa. Ngayon ko lang narinig iyon.

Nagugulat na tumingin ako kay Mama.

"Ma, t-totoo po ba ang s-sinabi ni Papa?" nauutal na tanong ko kay Mama at masamang tingin naman ang ipinukol nito sa akin.

"Hindi ko na ikakaila. Totoo iyon! Anong magagawa ko? E, itong Papa mo ay wala ng ibang ginawa kundi mambabae. Saan ako kukuha ng ipapalamon sa 'yo kung hindi ako maghahanap buhay?" dire-deretsong sabi ni Mama at unti-unti ng pumatak ang mga luha sa mga mata ko.

Napakabigat ng pakiramdam ko. Ngunit ano pa bang bago? Palagi ko naman itong nararamdaman.

"Ano na, Damian? Sumagot ka! 'Yong babae mo o ako?!" muling sigaw ni Mama at narinig ko naman ang pagsinghal ni Papa.

"Kung palagi mo akong sisigawan at palagi mong ipaparamdan na wala akong kwenta ay mas mabuti pa ngang sumama na lang ako sa babae ko. Nakakapagod ka, Eleanor! Daig mo pa ang walang pagkukulang dahil sa ikaw ang nagpapalamon sa amin. Hindi mo kami mahal dahil pera lang ang mahal mo!" galit na sigaw ni Papa at napatitig naman ako kay Mama. Kahit may mga luhang humaharang sa mata ko ay tiningnan ko pa rin siya.

Pera nga lang ba ang mahal ni Mama? Hindi niya ba kami mahal?

"Aba, alangan! Pera ang nagpapaikot sa mundo, Damian. Aanhin ko ang pagmamahal kung pare-pareho naman tayong mamamatay sa gutom! Sige na! Lumayas ka na. Hindi ako manghihinayang na sumama ka sa babae mo. Nagpapasalamat pa ako dahil mababawasan na ang palamunin ko!" muling sigaw ni Mama at mas lalo akong umiyak.

Palalayasin niya si Papa. Si Papa na nga lang ang madalas kong napapagsabihan sa tuwing marami ako dinadamdam na problema. Tapos ngayon ay paaalisin niya pa? Paano na ako?

"Ma, huwag niyo na pong palayasin si Papa," lakas loob kong sabi sa gitna ng aking paghagulhol.

"Hoy, El Damien! Wala kang karapatan na diktahan ako sa dapat at hindi ko dapat gawin. Kung ayaw mong mawala ang Papa mo, e'di sumama ka na sa kanya! Magsama kayong dalawa! Mga pabigat!" malakas na sabi ni Mama at mas bumigat ang pakiramdam ko.

Why it is easy for her to push us away? Hindi niya na nga ba kami mahal? O baka naman nabibigla lang siya sa mga nangyayari?

Tumingin ako kay Papa at malungkot ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. Ayoko siyang malayo sa akin pero may parte sa akin na ayaw sumama sa kanya.

"Ano, El? Sasama ka riyan sa Papa mo? Sa tingin mo ba ay mapag-aaral ka niyan? E, wala nga 'yang trabaho. Umaasa lang 'yan sa akin pero ang kapal ng mukhang mambabae at magreklamo!" pasigaw na sabi ni Mama at sinulyapan ko siya. Pagkatapos ay ibinalik ko na ang tingin ko kay Papa.

Somebody Out ThereTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon