23

15 7 1
                                    

Nagising ako dahil sa pag-vibrate ng cellphone ko. Agad ko itong hinagilap at binuhay. Bumungad sa aking harapan ang message ni Sam. Napaka-aga naman niyang mag-message. Alas otso pa lang ay nagmessage na siya sa akin.

Sam-body
:Morning. Don't forget to pack your things. Make sure that it's good for three days.

'Yan ang mensahe niya. Napakamot naman ako sa ulo ko. Masyado siyang maagap, mukhang excited talaga siya na maglakwatsa. Agad akong bumangon at kinuha ang aking tuwalya. Pagkatapos ay lumabas na ako ng kwarto ko.

Pagkalabas ko ay wala akong nadatnan sa sala. Marahil ay umalis na si Mama. Palagi naman siyang busy at minsan lang kami magpang-abot sa bahay. Kapag wala siya ay ako ang nandito at kapag nandito siya ay ako naman ang wala.

Naglakad ako patungo sa kusina at nanlaki naman ang mga mata ko nang makita si Mama na may hawak na siyanse at nakaharap sa kalan. Humi-himig pa siya habang nagluluto. Nakakagulat naman. Kadalasan ay nakikita ko lang ang mga pagkaing iniiwan niya para sa akin. Ngayon ko lang ulit siya nakita na magluto. Nakakamiss naman 'yong dati naming samahan.

"Good morning, anak. Tinanghali ako ng gising kaya naman ngayon lang ako nagluluto," magiliw na sabi ni Mama at nginitian ko na lamang siya dahil hindi pa ako nakakapagmumog.

Nagtungo na ako sa lababo at binuksan ang gripo. Hinayaan kong dumaloy mula doon ang tubig at pagkatapos ay naghilamos na ako at nagmumog. Agad kong pinunasan ang aking mukha at dumulog na sa mesa. Hinayaan ko si Mama sa kanyang ginagawa.

"Wala po ba kayong lakad ngayon, 'Ma?" tanong ko at sinulyapan ako ni Mama pagkatapos ay nginitian niya ako.

"Mamayang tanghali pa, anak," sagot ni Mama at tumango-tango na lamang ako.

Napatingin ako sa bakanteng upuan at mariing napapikit noong maalala ko si Papa. Sana naman kung nasaang lugar siya ay maayos ang kalagayan niya. Iyon ang tanging hiling ko para kay Papa. Hindi ko kasi siya ma-contact sa dati niyang number kaya naman nasisiguro kong nagpalit siya ng sim.

Nagpakawala ako ng buntong-hininga at kasabay noon ay ang paglapag ng plato na may lamang ham, itlog at hotdog sa aking harapan. Bigla naman akong nakaramdam ng gutom dahil sa nakahaying pagkain. Sunod namang inilapag ni Mama ang isang mangkok na naglalaman ng sinangag. Mas lalo akong nagutom dahil doon.

Agad akong sumandok ng pagkain at nagsimulang sumubo. Masarap magluto si Mama. Sa kanya ko namana ang talento ko sa pagluluto, pati na rin kay Lola. Siguro ay nasa dugo na namin ang pagkakaroon ng talento sa pagluluto.

"Nakakatulog ka ba nang maayos, anak?" biglang tanong ni Mama at napatingin naman ako sa kanya ng may pagtataka.

Bakit niya naman iyon naitanong?

"Bakit po?" tanong ko pabalik at isang nakakalokong ngiti ang sumilay sa labi ni Mama. Naguluhan naman ako dahil doon.

"Bakit po kayo ganyan makangiti, 'Ma?" tanong ko at naramdaman ko naman ang biglang pamamawis ng kamay ko.

"Huwag kang ma-tense, 'nak. Hindi ka ba nakakatulog dahil kay Led? Nangingitim ang ilalim ng mga mata mo," sabi ni Mama at muntik ko ng maibuga ang pagkaing nasa bibig ko.

Somebody Out ThereTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon