Uy, May Bagyo

1.3K 46 5
                                    

"Okay na siguro 'to."

Huminga nang malalim si Vivi nang makita ang ayos ang kwartong yon. Nakatambak na kasi doon ang lahat ng plastic ng damit para sa online shop. Pati na rin yung mga boxes ng mga sapatos. Maayos naman ang pagkakasalansan kahit papaano. Pansamantala lang naman yon.

Sabi sa PAGASA malakas yung paparating na bagyo bukas. Binabaha ang lugar nila kaya kailangan niyang maging maagap. Baka abutin pa yung loob ng baba ng bahay kaya nilagay niya dito sa bakanteng kwarto sa second floor lahat ng paninda. Mabuti naman at nandito sina Pilar at Byron. Tapos itong si Byron binitbit pa si jowabels. Kahit papaano may mga lalaking may mamasel-masel na tagabuhat.

Napatingin siya sa phone. Puro NDMMRC ang laman. Buong magdamag, yon lang ang natatanggap.

Napabuntong-hininga siya. Kahit papaano nami-miss din niya si Ito na nagme-message sa kanya. Pero syempre, matapos ang pag-uusap doon sa coffee shop, iniwasan na niya yung mamang balbon. Bli-nock na nga niya, eh.

Isa siyang babaeng may paninidigan. Paninindigan niya yon.

Hindi naman dahil doon sa sinabi nitong naging kaso. Pwedeng stir lang naman yon o ano. Ang problema, nasa eksena pa pala si Kristina habang nakikipaglandian sa kanya. Hindi totoong friends lang yung dalawa. Fake news yung nasa post nila. Walang friends na ganoong magtukaan.

Shuta kasi itong si Ito. Kainis. Two timer. Namamangka sa dalawang river. Akala pa naman niya matinong lalaki kahit mukhang hindi. Katulad din pala ng tatay niya.

Wala talaga siguro siyang swerte sa lalaki. Focus nalang uli siya sa family at business. Baka mag-alaga nalang siya ng pusa. Mabalbon din naman yon.

"Ate."

"Ay pekpek! Ano ba?!"

Napalingon siya biglang nagsalita. Si Germalyn lang pala. Ang hirap ng walang tulog. wala na sa hulog utak niya. Buong magdamag ba naman siyang gising. Bukod sa pagaayos ng gamit, nag-pack na rin siya ng mga orders para sa online shop. Saka tinapos pa yung mga online projects, sayang kasi dollars din ang bayad ng clients. Baka mawalan na sila ng internet dahil sa bagyo.

"My god naman, Ate." Ngumiwi lang ang kapatid sa kanya. "Aalis na ko. Yung for project ko?"

Napakunot tuloy ang noo niya. "San punta mo?"

Nakayos na. May suot pang jacket at may dalang bag. Tapos may nginunguyang kung ano.

"Duh, sa school, san pa?" Inirapan lang siya ni Germalyn. Tsk, kundi lang niya talaga kapatid, nasapak na niya. 

"Padagdag na rin ng pang-grab. Malalate na ako, may long quiz kami."

Napakamot siya ng ulo. Naalala niyang humingi nga pala ito sa kanya ng one-five kagabi dahil may ipapasa daw na naman na project. Ang gastos talaga.

"Transfer ko nalang sa bank mo. Wala akong cash ngayon." Sabi niya.

Mabuti nalang at bayad na yung invitations na ginawa niya nung isang linggo. Pumasok na rin sa paypal yung bayad nung kliyente niyang nagpadesign sa US.

Isang taon nalang naman. Bulong niya sa sarili.

Siguro naman after grumadweyt ng bunso nila, mababawasan na ang gastos. Makakaipon na siya para sa sarili niya. Wala pa siyang naitabi gaano pang retire. Ilang taon nalang din ang bibilangin at alam niyang kailangan paghandaan yon. Wala naman siyang ibang aasahan.

"Nasend ko na. Teka. Chocolate ba yang kinakain mo?" Tanong niya.

"Ferrero." Sagot naman ni Germalyn.."Padala ni Mommy."

Sleep Baby, Sleep (Completed)Where stories live. Discover now