Chapter 42

1.9K 69 507
                                    

Lumipas ang ilang araw at hindi tumitigil si CJ at ang magulang ni Caren sa paghahanap sa dalaga. Hindi sila nawawalan ng pag-asa sa paghahanap sa kasintahan pero sa bawat paglipas ng araw ay laging bigo silang matagpuan kung nasaan si Caren.

Walang araw na hindi siya nag-aalala sa kalagayan ng kasintahan lalo na sa anak nilang dinadala nito. Kung nakakakain ba ito ng tama, kung umiiyak ba ito dahil sa sobrang takot at kung kumportable ba ito kapag natutulog. Sana naman ay hindi ito sinasaktan ng Mark Clemenso na iyon.

Napabayaan na ni CJ ang sarili dahil sa paghahanap kay Caren. Hindi siya masyadong makakain ng maayos dahil tila nawalan siya ng gana at walang gabi ang hindi siya umiinom ng alak para dalawin siya ng antok. Dahil kahit ang pagtulog sa gabi ay hindi niya magawa sa sobrang pag-aalala sa dalaga. Tanging ang alak lang ang karamay at kasama niya hanggang sa makatulog siya sa sobrang kalasingan. Kaunti lang naman ang naiinom niya dahil mahina ang tolerance niya sa alak. Malakas na agad ang tama niya kahit isang bote lang ng beer ang naiinom niya.

Walang araw din ang hindi siya umiiyak habang naiisip niya ang posibleng kalagayan ni Caren sa kamay ng baliw na lalaking iyon. Kusa na lang tumutulo ang luha niya lalo na sa tuwing umuuwi siyang bigo sa paghahanap sa kasintahan. Kahit ang awtoridad ay walang makalap na impormasyon tungkol sa taong kumuha sa babaeng pinakamamahal niya at kung saan ito posibleng dinala. Pero kahit ganoon ay hindi sila nawawalan ng pag-asa.

Sobrang namimiss na niya ang kasintahan at parang mababaliw na siya sa sobrang pag-aalala dito. Hindi pa nakatulong ang mga alaala nila habang magkasama sa bahay dahil kahit saan siya tumingin ay nakikita niya ito doon.

Parang tatakasan na siya ng bait kapag nagtagal pang hindi niya nakikita at nakakasama ang kasintahan. Parang hindi na niya kaya pa ang mga susunod pang mga araw na hindi niya kasama si Caren. Hindi man siya sumuko sa paghahanap dito pero parang ang isipan niya ang gusto ng sumuko. Mababaliw na yata siya...

Isang umaga ang muling sumalubong sa kanya at katulad ng mga nakaraang araw ay nagising siya habang nakapatong ang ulo sa bar counter sa mini bar ng bahay ng magulang niya. May nakatayong dalawang bote ng beer sa harap niya at ang isa ay wala ng laman habang ang isa ay may kalahati pa. Madami naman doong alak pero hanggang beer lang ang kayang inumin niya. Hindi din naman siya mahilig uminom, hindi niya lang talaga mapigilan dahil sa sitwasyon ngayon.

Masakit ang katawan ng umalis siya sa stool kung saan siya nakaupo. Pero hindi niya iyon masyadong pinansin dahil mas masakit ang nararamdaman niya sa loob kumpara sa pisikal na sakit na nararamdaman niya ngayon. Labis na siyang nangungulila sa kasintahan at ang mas masakit isipin ay kulang pa lahat ng ginagawa niya para mahanap at mailigtas ito. Wala siyang silbi dahil hinayaan niyang mangyari ang lahat ng iyon kay Caren. Wala siyang kwentang kasintahan..

Walang buhay siyang umakyat patungo sa kwarto niya para gawin ang kadalasang ginagawa niya sa umaga. Mabilis lang siyang naligo at walang saplot na lumabas ng bathroom. Kukuha na sana siya ng damit sa closet ng marinig niya ang pagtunog ng kanyang cellphone. Agad niya iyong nilapitan at nagbabakasakali na ang magulang iyon ni Carenaren na may magandang ibabalita sa kanya. Pero agad din siyang nadismaya ng makitang unknown number iyon.

Nakakunot ang noong sinagot niya ang tawag at hinintay na unang magsalita ang nasa kabilang linya. Pero lumipas ang ilang segundo ay wala siyang narinig doon. Tiningnan niya kung naputol ba ang tawag at lalong kumunot ang noo niya ng makitang tumatakbo ang oras doon.

"Hello? Sino 'to?" hindi nakatiis na anas niya dahil sa nakakabinging katahimikan sa kabilang linya.

"Hello po. Kayo po ba ang nobyo ni Ate Caren?" wika ng boses ng batang babae sa kabilang linya. Agad na tinambol ng kaba ang dibdib niya pero kasabay no'n ay ang panibagong pag-asa ang nabuhay sa kanya.

The Unforgettable MistakeWhere stories live. Discover now