Last Trip

661 2 14
                                    

“MAMA, dahan-dahan ka naman po sa pagmamaneho!” pakiusap ni Joan sa fx driver.

“May mga sakay ka po!”

“Hindi naman tayo nabangga, a! Anong problema mo'” bulalas ng driver. Umakyat agad ang dugo sa ulo ni Joan. Hindi niya gusto ang kabastusang tugon ng driver.

“Gago! Hihintayin-mo pang mabangga tayo!” pabulyaw niyang sagot dito. “Konti na nga lang e, salpok na kami dito sa likuran.”

“Gago ka rin! Tantyado ko ang pagmamaneho ko! Dalawampung taon na akong driver!”

“Miss.. .mama…, awat na. Pare-pareho tayong maaabala n’yan,” anang isang babaing may edad na nagising mula sa pagkaka-idlip dahil saginawang ingay ng kanilang bangayan. “Mama, konting ingat lang…”

Kumukulo sa galit ang kalooban ni Joan ngunit pinili niyang sundin ang pakiusap ng matanda at manahimik na lamang. Abusado at barumbado kasi ang driver ng fx na kanyang nasakyan at ito pa ang mayabang kung sumagot Kanina nga lamang ay muntik na siyang mapahiyaw nang ilang pulgada na lang ang layo at talagang sasalpok na ang puwitan ng fx sa isa pang fx dahil sa walang pakundangang pagsingit nito.

Nang magpaalala siya ay ito pa ang sumagot ng bastos at may ganang magyabang. Kung hindi nga lamang siya nagmamadali at umiiwas na ma-late sa pagpasok sa opisina ay talagang bababa siya at maghahanap ng ibang masasakyan. Dangan nga lamang at alam niyang napakahirap nang sumakay sa lugar na iyon.

Naku!…Ang sarap suntukin ng mukha mo, nagngingitngit na sabi ng kanyang isip. Kung may malapit na presinto ng pulis dito, talagang ipahuhuli kita, mayabang, pangit, busangot ang mukha! grrrr!

Minabuti na lamang ipikit ni Joan ang kanyang mga mata. Nakikita kasi niya sa front mirror ng mamang driver na tinatapunan din siya nito nang matalim na tingin. Nasusuklam siya sa pagmumukha ng mayabang na driver.

Ibinalagbag ni Joan ang pintuan ng fx nang siya ay bumaba sa may Ortigas. Subalit sa kanyang pagkabigla ay nagrebolusyon bigla ang sasakyan kaya maiitim na usok ang ibinuga nito na kanyang nalanghap.

Hayup ka sa kahayupan, pangit!, galit na sigaw ng kanyang isip. Gusto talaga niyang magpalahaw sa galit pero marami na ring tao na tulad niya ay mga papasok sa opisina ang makakapansin kung mag-iiskandalo siya. Tinitigan niyang mabuti ang plate number ng fx, “DWX-734.. .mabangga ka sana!”

Napabuntong-hininga nang malalim si Joan bago pumasok ng kanilang opisina. Kailangang iwaglit na niya sa isipan ang pangyayari sa fx na sumira ng kanyang umaga. Tambak ang trabaho niya ngayon at kailangang i-compose niyang mabuti ang sarili at magpokus sa kanyang mga gagawing press releases at pakikitungo sa mga press people sa araw na iyon.

Information Officer sa isang local government unit si Joan at kabilang rin sa trabaho niya ang pakikiharap sa iba’t ibang media personalities upang maging maayos ang kanilang media relations. Sa araw na iyon ay may mga interview sa radio at tv na pauunlakan niya in behalf of the local chief executive. May mainit kasing isyung kinakaharap ngayon ang kanyang boss at siya ang naatasang maglabas ng opisyal na press statement nito sa media.

Ang laki ng pasasalamat ni Joan na lumipas ang maghapong naging maayos ang lahat. The interview went well. Maging ang boss niya ay personal siyang pinasalamatan for a job well done.

Dahilan iyon kaya naman napapayag siya ng mga kasamahan na sumamang mag-unwind bago sila maghiwa-hiwalay. Sa isang restaurant sa Pasig sila nagtungo ng mga kasama. Masasarap kasi ang pulutan at maganda ang ambiance ng lugar kaya madalas sila roon. Sa una’y balak lang nilang uminom nang konti at magpalipas ng trapik. Subalit napasarap ang kanilang mga kuwentuhan at ang isang round na order ng beer ay nasundan pa ng kung ilan.

Tulad ng mga kasamaha’y sanay uminom si Joan. Madalas nilang gawin iyon every other weekend pero sa partikular na araw na iyon ay nagkayayaan dahil nga naging very commendable ang kanilang trabaho.

Mag-aalas dos na nang sila’y maghiwa-hiwalay ng mga kasamahan. Tipsy na si Joan habang naglalakad papuntang Edsa-Crossing kung saan siya sasakay ng jeep o fx pauwi. Mga sampung minuto ring lakarin bago niya marating ang terminal ng sasakyan.

Sinusundan ba ako ng dalawang iyon? aniya sa sarili habang tinatapunan ng tingin ang dalawang lalaki sa likuran niya. Nakaramdam siya ng kabog sa dibdib. Madilim pa naman sa nilalakaran niya at wala siyang mahihingan ng tulong kung sakaling may balak ngang masama ang mga lalaking iyon.

Bakit kasi walang dumaraang taxi kanina, nakapaglakad tuloy ako, nasisi pa niya ang sarili.

Bumilis ang kanyang mga hakbang. Subalit ganoon din ang ginawa ng dalawang lalaki.

Sinusundan talaga nila ako!

Tumakbo na si Joan. Subalit sa kasamaang palad ay natapilok siya at bumagsak sa semento. Aabutan na sana siya ng mga lalaki nang mula naman kung saan ay isang lalaki ang lumitaw at sumalubong sa dalawang lalaking humahabol sa kanya.

Parang mga natakot na batang nagpulasan ang dalawang lalaki nang makita ang lalaking pasalubong sa kanila.

“S-salamat sa….kaw?” nakilala ni Joan ang lalaking iyon.

Noon umalingawngaw ang sirena ng kotse ng mga pulis. Nakita niyang nadakip ng mga pulis ang dalawang lalaki.

Tinulungan siya ng mga pulis at dinala sapinakamalapit na hospital. Ini-report niya sa mga pulis ang pagsunod ng mga lalaki. Nabatid niya sa mga pulis na bago pa man siya habulin ng mga ito ay may hinoldap at pinatay na driver ng fx ang dalawang lalaki.

Driver ng fx na pinatay! At ang mas hindi niya mapaniwalaan… ang minamaneho nitong fx ay may plate no. na DWX – 734! Ang mismong sasakyan ng driver na nakasagutan niya at sumira ng kanyang umaga.

Sa simbahan, habang nagmimisa para sa napatay na fx driver ay taimtim na nagdarasal si Joan. Nagpapasalamat sa lalaking tumulong sa kanya upang maligtas siya sa tiyak na kapahamakan. Hindi man niya maipaliwanag kung bakit, batid niyang multo na lamang ng nakilalang lalaki ang nagpakita sa kanya nang gabing iyon.

Ang driver ng fx na may plate no. DWX – 734!

Ang Wakas…

NilalangWhere stories live. Discover now