Ginto

1.1K 18 0
                                    

BUMILIS ang kabog sa dibdib ni Rex nang makababa siya ng jeep. Ewan niya kung bakit, pero bago siya umalis ng bahay buo na ang desisyon niyang makipaghiwalay sa kanyang girlfriend ng isang taon na si Josie. Ngayon nga ay patungo siya sa inuupahang apartment nito upang gawing pormal pakikipaghiwalay rito.

Ibang babae ang dahilan kung bakit makikipaghiwalay si Rex sa nobya. Hindi ang kasintahan niya ang may problema, bagkus ay ang puso niya. Natuto itong magmahal ng iba sa kabila ng katotohanang silapa rin ni Josie. Isang bagong kaopisina ang bumihag ng kanyang damdamin. Noong una ay pinigilan niya ang sarili na ipagpatuloy ang nararamdaman sa babae, dahil na rin sa pagmamahal niya kay Josie at sa pag-iwas niyang magkasala rito. Subalit sa kalaunan, naging mahina siya at nagmahal ng iba. Ngayon nga ay mas pahahalagahan niya ang pagmamahal sa babaing bagong itinitibok ng kanyang puso.

Ni sa hinagap, hindi alam ni Josie na nakabuo na pala si Rex nang malaking desisyong maaaring dumurog sapagkatao niya. Hindi rin batid ng binata kung ano ang magiging reaksyon ng kasintahan sa animo’y bomba niyang pasasabugin sa harap nito. Kung magkakaroon ba ng komprontasyon o magwawala ito at kasusuklaman siya sa sandaling malaman ang dahilan ng kanyang pagpunta roon.

Alam ni Rex na siya ang unang lalaking minahal ni Josie. Ipinagkaloob nito nang buung-buo sa kanya ang puso at kaluluwa upang maging maligaya sila sa kanilang relasyon. Marami na itong binuong pangarap na kasama siya. Natatandaan pa niya ang minsang binanggit nito sa kanya, “Ikaw na ang lalaking gusto kong makasama hanggang sa aking pagtanda.”

Subalit ngayon ay nakatakdang wasakin niya ang lahat ng iyon, ang kanilang mga pangarap…ang puso at kaluluwa ni Josie.

Habang papalapit si Rex sa apartment ng kasintahan ay lalong bumibilis ang tibok ng kanyang puso. Sa palagay niya, hindi niya basta kakayaning ihayag ang damdamin kay Josie nang ganoon na lang. Kailangan niyang pag-isipan kung paanong kahit papaano ay magiging magaan at matatanggap ng dalaga ang gagawin niyang pakikipag-break dito.

Kailangan niyang magkaroon ng sapat na lakas ng loob at nakakita siya ng paraan kung paano niya iyon magagawa. Huminto siya sa isang tindahan. Umorder ng isang beer. Magpapalakas muna siya ng loob sapamamagitan ng alkohol.

Alam kong masasaktan si Josie pero kailangan ko itong gawin para sa kanya at para sa sarili ko. Hindi ko na kayang lokohin pa siya.

Kahit hindi sanay sa pag-inom ng alkohol, sunud-sunod niyang tinungga ang hawak na bote ng beer. Kailangan niyang madaliin ang sarili na maramdaman ang init na dulot ng ispiritu ng alak. Aniya, kapag tumama na ang epekto ng alak sa kanya ay mas lalakas na ang loob niyang makapagsalita sa harap ni Josie.

“Pare, malalim yata ang iniisip mo.”

“Huh?!” nagulat siyang napatingin sa pinanggalingan ng boses. “H-hindi ko kayo kilala, ano ba ang sa atin?” tanong niya sa mamang sa tantiya niya ay nasa early 50s na ang edad.

“Wala naman.. .nakilala kita kaya ako lumapit. Hindi ba ikaw ‘yung boyfriend ni Josie, ‘yung magandang dalaga na nakatira sa may kanto?” sagot-tanong ng lalaki.

“O-oo,” maikli at may pag-aatubili niyang sagot.

“Ang suwerte mo sa kanya, pare,” sabi ng lalaki.

Pinagmasdan ni Rex ang lalaki. Hindi niya talaga ito kilala.

“Ano hong ibig n’yong sabihin?”

“Bukod sa maganda, mabait, at masipag.. .nirerespeto ‘yan ng mga tao rito. Alam mo bang marami ang kumursunada sa iyong kalalakihan dito nang malaman nilang sinagot kana pala ni Josie. Pero nang kausapin sila ni Josie, nanahimik na lang silang lahat,” kuwento ng lalaki.

“T-talaga ho,” tanong ni Rex na nasa mukha ang pagtataka.

“Nakakatawa nga, e. Pero siguro kaya napasunod ni Josie ang mga ‘yon sa pakiusap, malaki kasi ang utang na loob nila sa dalaga. Sa lugar kasi nina Josie ay natulungan niya ang halos lahat ng mga tagaroon,” patuloy ng lalaki.

NilalangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon