Patungo sa kamatayan

1K 11 0
                                    

Tinangka niyang iangat ang takip ng kabaong pero hindi niya nagawa. Nagsimula na siyang kabahan. Malapit na siyang mawalan ng hangin.

NAGISING si Enrico na wala sa loob ng kuwarto niya kundi nasa loob siya ng isang… kabaong! May nagbiro ba sa kanya habang nahihimbing siya atbinuhat siya mula sa kama at inilipat sa isang kabaong?

“Masyadong morbid at mahal ang practical joke na ito, kung gano’n. May props pang kabaong,” aniya. Pero kung walang nagbibiro sa kanya, ano ngayon ang ginagawa niya sa loob ng kabaong na ito na sa tingin niya ay gamit na?

Tinangka niyang iangat ang takip ng kabaong pero hindi niya nagawa. Nagsimula na siyang kabahan. Malapit na siyang mawalan ng hangin.

Pinagsisipa niya ang gilid ng kabaong, pinagbabayo niya ang salamin na nasa tapat ng mukha niya at nagsisigaw siya ngunit walang tumugon sa kanya. Gayunpaman, hindi siya tumigil sa pagsuntok sa salamin ng kabaong.

Hanggang sa lumapit sa kanya ang kanyang ina at kapatid na babae. Pinagmasdan siya ng mga ito. Nagsimula lumuha ang kanyang ina na nakatunghay sa kanya habang ang kapatid niya ay halatang mugto na ang mga mata sa pag-iyak.

“Enrico, bakit mo kami iniwan agad?” tumatangis na wika ng kanyang ina.

Ano ang pinagsasasabi nito? Pinaghahampas uli niya ang salamin. “Hindi pa 'ko patay!” sigaw niya. Butil-butil na ang pawis niya at nagsisimula na siyang pangapusan ng hininga. “Hindi n’yo ba nakikitang gumagalaw ako? Hindi n’yo ba naririnig ang sigaw ko?”

Wala siyang nakitang reaksiyon sa ina at kapatid. Ang kanyang ina ay nagpatuloy sa pag-iyak habang ang kapatid niya ay inaalong niyakap ito. Pag-alis ng mga ito ay pinalitan ang mga ito ng mga kamag-anak niya na tumunghay rin sa kanya na tila ba patay na talaga siya.

Nanghihina na siya ngunit pilit pa rin niyang iginagalaw ang mga kamay niya, sumisigaw pa rin siya sa abot ng makakaya niya ngunit nananatiling walang reaksiyon ang mga tumutunghay sa kanya.

Hanggang sa lumapit sa kanya si Hector. Kababata at matalik na kaibigan niya ito. Agad na napamulagat ito nang mapatingin sa kanya.

“Gumagalaw si Enrico! Buhay pa si Enrico!” sigaw nito. Nakahinga siya nang maluwag sa narinig.

Tinanggal ni Hector ang takip ng kabaong ngunit sa halip na alalayan siyang makabangon dahil latang-lata na siya ay inundayan siya nito ng maraming saksak! Pagkatapos siyang paulit-ulit na saksakin ay muling ipininid nito ang kabaong.

“Ngayon, patay ka na talaga, pare,” nangingiting wika nito nang muli siyang pagmasdan. Puno ng talsik ng dugo niya ang mukha nito…

NAALIMPUNGATAN si Enrico na nanlalamig ang buong katawan. Nakakatawa ngunit nakakatakot ang panaginip niya.

May kahulugan ba ang panaginip niyang iyon? Dapat ba niyang ikabahala iyon o bale-walain tulad ng napakarami na niyang panaginip? Hindi na naman bago sa kanya na managinip na patay na siya o ang isa sa mga mahal niya sa buhay.

May mga panaginip daw na nagkakatotoo at mayroon namang kabaligtaran ang nangyayari sa totoong buhay. Pero iyong napanaginipan niyang iyon, mukhang malabong mangyari sa totoong buhay.

Nang ikuwento niya kay Hector ang naging panaginip niya ay natawa lang ito. Baka nga raw kahit nakikita na nitong hindi na siya humihinga ay pipilitin pa rin nitong buhayin siya. At kung nakasara man nang mabuti ang kabaong, hahagisan daw nito iyon ng nuclear bomb, mabuksan lang.

Itinuring niya si Hector na parang isang tunay na kapatid. Nag-iisang anak lang ito kaya sabik ito sa kapatid. Anim ang kapatid niya ngunit malugod pa rin niyang tinanggap ito bilang kapatid niya.

Hanggang sa may masamang nangyari kay Hector. Malubhang naaksidente ito habang sakay ng motorsiklo nito.

“Comatose siya,” umiiyak na balita sa kanya ng asawa ni Hector.

Lumipas ang mga araw na nananatiling comatose si Hector sa ospital. Hindi matiyak kung kailan magigising ito, o kung magigising pa.

Hanggang sa nahulog ang katawan ng asawa nito. Halos hindi ito makakain at makatulog dahil sa nangyari sa kaibigan niya.

Minsan ay kinausap siya nang masinsinan ng asawa ni Hector.

“Kailangan pa bang palawigin natin ang buhay ni Hector gayong mga machine na lang halos ang bumubuhay sa kanya?” tanong nito sa pagitan ng mga hikbi.

Alam niyang labag sa kalooban nito ang sinabi ngunit marahil ay ayaw na lang nitong patagalin pa ang paghihirap ng asawa nito.

“All we have to do is unplug all the machines,” sabi ng doktor nito.

May gumagawa naman nang ibang tao ng ganoong proseso at marahil ay maiintindihan naman sila ng Diyos kung sakali mang gawin nila iyon kay Hector. Ayon sa doktor ay wala nang magagawa pa kay Hector.

Namalayan na lang niyang umaayon siya sa gustong mangyari ng asawa at ng mga kamag-anak ni Hector.

ILANG araw pagkalibing kay Hector ay napanaginipan niya ito. Tinapik daw siya nito sa balikat at nang lingunin niya ay isang salita lang ang namutawi rito.

“Bakit?” malungkot na tanong nito sa kanya bago naglaho.

Itinatanong ba ni Hector kung bakit pinatay na nila ito gayong may kaunti pang hininga ito? Lahat silang nagmamalasakit dito ay inakalang iyon din ang nais ng kaibigan niya kung makapagsasalita lang ito. Batid nilang ayaw ni Hector na makitang nahihirapan ang mga nagmamahal dito. Nagkamali ba sila?

Mas gugustuhin ba ni Hector na kusang malagot ang hininga nito, may aparato mang tumutulong dito o wala?

Kasunod niyon ay naalala niya ang naging panaginip niya na nasa loob siya ng ataul, kung saan hindi pinansin ng pamilya niya ang pagtawag niya at sa halip ay itinuring siyang patay kahit walang tigil na sinusuntok niya ang salamin ng kabaong niya upang iparating na buhay pa siya. Dumating si Hector at napansing buhay pa siya ngunit sa halip na ilabas siya nito sa kabaong ay pinagsasasaksak pa siya nito hanggang sa tuluyan na siyang mamatay.

May koneksiyon ba ang panaginip niya sa nangyari kay Hector? At sa totoong buhay nga lang ay nagkabaligtad sila ng sitwasyon? Si Hector ang buhay pa pero itinuring nang patay ng mga nagmamahal dito.

Naalala rin niya ang sinabi ni Hector nang ikuwento niya rito ang panaginip niyang iyon. Kahit daw hindi na siya humihinga ay pipilitin pa rin nitong mabuhay siya uli.

Si Hector, may hininga pa nang kaunti, pero hindi na nila pinilit buhayin.

“Pinaikli lang natin ang paghihirap ni Hector, tutal, sa kamatayan na rin naman siya patungo,” wika noon ng isang kamag-anak ni Hector sa kanya habang magkatabi sila nito sa burol ng kaibigan.

Sa kabila ng sinabi nito, hindi pa rin niya maiwasang makonsiyensiya nang todo.

NilalangWhere stories live. Discover now