NGIWAYRRRRR

1.7K 18 0
                                    

NAKAKAKILABOT ang itsura ng babae. Panay kalmot ng matutulis na kuko ang buong katawan. Puno ng sugat ang mga balat na kinagat nang matutulis na ngipin. At halatang sa pakikipaglaban para maprotektahan ang mukha mula sa mga umatakeng pusang gala ay halos maukit ang mga balat mula sa dalawang braso. Gayunman, sa huli ay hindi rin nito naipagtanggol ang sarili. Hindi halos makilala ang itsura ng babae.

“Maryosep! Ano’ng kababalaghan ito!” anang isang magbabasura na unang nakakita sa pangyayari.

“Ang hirap paniwalaan na mga pusa ang gumawa!” ang sambit ng isang nanay na tinakpan pa ng kamay ang mata ng kargang anak

“Buntis pa naman !” ang bulalas ng isa pa.

“Kawawa!” Iyon ang nasambit ng lahat na nakasaksi sa biktima ng krimen.

“H-hindi kaya inatake ito ng… ng mga aswang?” ang hintakot na pakli ng isang babaing mahihihuhang nagdadalantao rin.

“Oo nga! Nag-iibang anyo ang mga aswang… nag-aanyo silang pusa o aso kaya!” takot na ring sambit ng isa.

“Pero hindi naman uka ang tiyan niya!” pakli ng isang lalaki na itinuro ang namimintog na tiyan ng babaing biktima. “Hindi kinain ang sanggol sa tiyan. Ibig sabihin ay hindi aswang ang dumale riyan.”

“Pero kung mga pusa lang… parang imposible. Parang isang batalyong pusa ang…” hindi na naituloy nang nagsasalita ang sasabihin.

Nakita nila nang gumalaw ang tiyan ng bangkay. Kumikiwal-kiwal ang nasa loob noon. Parang nagwawala na gustong lumabas.

“A-ano ‘yan!?” ang hintakot na halos sabay-sabay na sabi ng mga usyoso.

Sa pagkagimbal nila, nawarak ang iba’t ibang bahagi ng tiyan ng babae. May tila matutulis na mga kukong gumagawa ng daan palabas mula sa mapintog na tiyan. Sandali pa, kung saan-saang bahagi nang nabutas na tiyan lumabas ang maliliit na mga kuting. Mga mapuputi at magaganda ang itsura ng mga kuting ngunit mababangis ang itsura ng mga mata.

“Ngiyaaawrrr!” ang magkakapanabay na ngiyawan ng mga kuting na sinundan ng singasing, “Ngiiirrsssss!”

Isa-isang dinilaan ng mga pusa ang mga kapatid. Tinanggal ang lamad ng dugong nakabalot pa sa mga balahibo hanggang sa maging makinang na puti iyon. Makaraan ang ilang saglit ay tila mga sundalong pumaligid ang mga ito sa babae. Tiningnan ang patay na ina.

Napaurong ang mga usyoso nang biglang daluhungin ng mga ito ang duguang bangkay. Pagkatapos ay kinagat iyon, nginatngat habang ang mga matutulis na kuko ay dumidiin sa bawat bahagi ng katawan.

Maraming usyoso ang bumaligtad ang sikmura. May nagsuka. May nahilo. May hindi nakayanan ang senaryo at nagtakbuhan paalis. Pero kung may umalis, mas marami ang dumating.

Nang lumakad ang balita tungkol sa buntis na babaing natagpuan sa basurahan ay umakit na iyon ng kuryosidad. Ngayon, ang dagdag na kuwentong may sampung kuting na lumabas mula sa tiyan nito ay isang sensasyonal na balita.

Samantala, matapos mabusog ay tila mga sundalong muling humilera ang mga kuting. Nahiga ang mga ito sa tabi ng bangkay.

May mga pulis na dumating. May nag-report tungkol sa bangkay na nasa tambakan. Hindi pa alam ng mga ito ang tungkol sa mga kuting na galing sa tiyan ng bangkay.

Nahawi ang mga tao sa pagdating ng mga pulis. Dalawang alagad ng batas ang agad lumapit sa bangkay. Bagamat napansin nito ang mga kuting ay hindi iyon inalintana bagkus ay sa kahindik-hindik na anyo ng babae napokus ang kanilang tingin.

Suot ang isang glove ay akmang hihipuin ng isang pulis ang biktima nang sabay-sabay na magtayuan ang mga kuting. Sumingasing ang mga ito.

“Ngiirrrrrsss! Ngiiiirrrrsss!” sabay-sabay na singasing ng mga kuting.

NilalangWhere stories live. Discover now