Ang Mekaniko

1.7K 26 3
                                    

“Sino ang mahiwagang MEKANIKO?”

Natatabingan ng ulap ang buwan. Nananaghoy ang kahol ng mga aso sa karimlan. Ayon sa mga paniniwala, sa ganitong panahon na papaliit na ang buwan, lumalabas ang mga maligno. Hindi na iyon pinag-uukulan ng pansin ng marami lalo na ng mga abala sa paghahanapbuhay. Wala na ang mga paniniwalang yaon sa makabagong pamumuhay sa umuunlad na kabihasnan. Sa bukid man, naiilawan na rin ng maliliwanag na bombilya ang mga bahay at ang dati’y madilim na kalsada ay naiilawan na rin. Wala na ang kinatatakutang pusikit na karimlan. Wala na rin ang tila daing na huni ng mga kuliglig at bibihira na ring makita ang mga alitaptap. Di gaya ng dati, wala nang dapat ikatakot ang mga ginagabi sa pag-uwi ng bahay.

Ngunit ang mga kababalaghan ay hindi nagwawakas.

Delayed ang arrival ng sinasakyang eroplano ng anak ng aking Kumpareng Estong. Alas kuwatro pa lamang ng hapon ay nasa Ninoy Aquino International Airport na kami upang salubungin ang darating niyang anak na Nurse na galing sa London. Mag-aalas nuwebe na nang makalabas ng airport ang aming sinalubong. Araw ng Biyernes noon at ang kahabaan ng South Superhighway ay nagsisikip pa rin sa gayong oras sa mga sasakyang papauwi ng probinsiya. Lampas na ng hatinggabi nang kami ay dumating sa bahay ng aking kumpare. Hindi ko na pinaunlakan ang anyaya na magkape man lamang kami. Malayo pa ang lalakbayin kong pauwi sa aming nayon. Naghihintay at nababahala na ang aking mag-iina.

Una kong napuna ang tila lumalabong ilaw ng aking Tamaraw FX hanggang sa tuluyan nang mamatay ang makina ng sasakyan. Bahagya man ang liwanag ng naglalahong buwan ay naaninaw ko pa rin na malapit ang hinintuan ko sa lumang talyer. Una kong kinuha ang aking flashlight ngunit bahagya na rin ang liwanag niyon dahil luma na ang baterya. Kinuha ko ang maliit kong tool box at binuksan ang hood ng aking sasakyan. Hindi ko mawari ang aking gagawin nang may lumapit na lalaki at binuksan ang aking tool box. Isang spanner at isang screw driver ang kinuha niya at walang kibong kinalikot ang makina ng aking sasakyan. Sa gayong oras ng gabi at mahigpit na pangangailangan ay hindi ko na nakuhang magtanong kung sino siya. Hindi nagtagal, sinenyasan niya akong i-start ang makina. Habang kinakapa ko ng susi ang susian sa dashboard ay isinara niya ang hood. Isang click lamang at umandar na ang sasakyan. Makinis ang andar. Kakausapin ko sana ang mekaniko upang mapasalamatan at mabigyan man lamang kahit kaunting pabuya ngunit wala na siya. Luminga-linga ako ngunit hindi ko na siya nakita. Ang aking pagtataka ay pinukaw ng huni ng isang kuwago sa di kalayuan, at ng ingay ng tila nabulabog na mga paniki. Humahagunot ang mga pakpak ng mga iyon habang umaaligid sa akin. Kinilabutan ako kaya nagmamadaling pinaharurot ko ang FX pauwi ng bahay. Hindi ko na naiparada nang maayos ang sasakyan. Nagtatakang sumalubong ang aking asawa.

Alas otso pa lamang ng umaga, kinabukasan, ay naroon na ako sa malapit sa talyer na hinintuan ko nang nakaraang gabi. Tahimik ang lugar at kahit isang tao ay wala akong nakita. Nilibot ko ang paligid at mga lumang goma na lamang ng sasakyan ang nakita ko at ilang kalawanging chasis ng kotse. Sa ayos ay matagal ng hindi ginagamit ang talyer na iyon.

Ibinalita ko sa aking kumpare ang nangyari. May bahid ng kalungkutang nakabadha sa mukha niya nang sumagot sa akin. “Pare, si Basilio iyon, ang dati naming mekaniko sa lugar na ito. May dalawang taon na siyang namatay sa aksidente sa lugar na iyon. Nasagasaan siya ng lasing na drayber. Ilan na rin ang natulungan niya ng tulad sa nangyari sa iyo. Bagamat nangatatakot ang mga tinulungan niya ay nagpapasalamat pa rin sila sa ginagawa ng multo ni Basilio. Ipagtirik mo na lamang siya ng kandila bilang pasasalamat sa kanya.”

May bakas pa ng mga naupos na kandila sa gilid ng talyer nang magtungo ako roon. Sinindihan ko ang dala kong kandila, umusal ng dalangin, at nagpasalamat sa mekaniko.

NilalangWhere stories live. Discover now